Dear Chief. Acosta:
NAIS KO LANG po itanong kung automatic na walang bisa ang kasal ng isang nabalo na? – Ruby
Dear Ms. Ruby:
ANG NANGYAYARI SA mga ganitong pagkakataon ay napuputol na ang relasyon ng mag-asawa dahil sa pagkamatay ng isa. Napuputol na rin ang kasal na nag-uugnay sa kanilang dalawa. Subalit nananatiling may bisa ang mga legal na karapatan na natamo, gaya ng pagka-lehitimo ng mga anak na bunga ng isang balidong kasal. Ang mga karapatan na natutuldukan sa pagkamatay ng isa sa mag-asawa ay iyong mga karapatan sa pagitan nilang dalawa. Natural din na natutuldukan na ang mga obligasyon ng mag-asawa sa isa’t isa na nakasaad sa batas, gaya ng pag-iibigan, pag-aaruga at pag-suporta sa isa’t isa. (Art. 68, Family Code) Gayon din naman ang mga obligasyon ng namatay sa kanyang mga anak.
Kasabay ng pag-“dissolve” ng kasal ay na“dissolve” din ang “property relations” ng mag-asawa kapag namatay na ang isa sa kanila. [Art. 99(1) at Art. 126(1), Family Code] Dahil naputol na ang legal na relasyon na nag-uugnay sa mag-asawa, tinatapos na rin ng batas ang pag-iisa ng kanilang mga ari-arian upang maisaayos na rin at mapag-alaman kung anu-ano ang mga naiwan ng namayapang asawa sa kanyang mga tagapagmana.
Tanging ang batas ang nagsasaad kung anu-ano ang mga pagkakataong maituturing na walang bisa ang isang kasal at ang pagkamatay ng isa sa mga partido nito ay hindi isa sa mga nakasaad sa ating batas. Gayun pa man, kung ang kasal ay walang bisa sang-ayon sa ating batas, hindi hadlang ang pagkamatay ng isang partido rito, upang maghain ng kaukulang pe-tisyon sa hukuman upang ipadeklarang ito nga ay walang bisa mula sa simula. (Art. 39, Family Code)
Samakatuwid, hindi puwedeng sabihin na walang bisa ang isang kasal dahil lamang sa pagkamatay ng isa sa mag-asawa, ngunit dahil dito ay natatapos na at natutuldukan ang kani-lang kasal na nag-uugnay sa kanilang dalawa. Sa kadahilanang natapos na ang kasal, maaari nang muling magpakasal sa iba ang nabubuhay na partido. Ngunit magkagayon man, hindi nawawala o nabubura ang mga naging bunga at epekto ng naunang kasal.
Importante ring malaman ninyo na kahit pinahihintulutan ng batas na magpakasal muli ang mga biyuda, mayroong limitasyon ang nasabing karapatan. Ayon sa Art. 351 ng “Revised Penal Code”, ang isang biyuda na magpapakasal sa loob ng 301 na araw mula nang mamatay ang kanyang naunang asawa o bago manganak kung siya ay buntis nang mamatay ang kanyang asawa ay papatawan ng parusang pagkakakulong nang hindi lalampas sa anim na buwan at hindi bababa sa isang buwan at isang araw (arresto mayor) o ng multa na hindi tataas sa P500.00. Ang layunin ng batas sa pagkaka-taong ito ay upang mapigilan ang anumang agam-agam o pagdududa kung sino ang tunay na ama ng bata. Samakatuwid, bagaman maa-ring muling magpakasal ang isang biyuda, mas mainam na palipasin muna ang nasabing panahon upang makaiwas na magkasala sa batas.
Atorni First
By Atorni Acosta