NITONG MGA nakaraang araw ay ginawaran ng parangal ni PNoy ang ilang mga kababaihang pulis dahil sa katapangang ipinakita nila sa naganap na nakawan sa isang malaking mall sa Metro Manila. Ang pagkilalang ito ay inaasahan na talaga at pangkaraniwan sa mga ganitong kaganapan sa lipunan.
Ang nakakadismaya lang ay ang lumang estilo ni PNoy na magparinig o magpasaring sa mga kalaban nito at sa mga taong hindi niya gusto ang personalidad sa loob ng gobyernong pinamumunuan nito. Natural lang naman na magalit ang CEO ng isang kompanya sa mga tauhan nitong palpak ang trabaho. Sa konteksto at pagkakataong ito ay natural din na magalit ang Presidente sa mga tauhan nitong pulpol ang trabaho at walang kuwenta.
Ngunit, ang hindi maganda sa aking personal na paniniwala ay ang ginamit na baluktot na pangangatuwiran ng Pangulo sa isang opisyal ng pulisya, na sa kabila ng kabayanihan at accomplishment na ginawa nito sa trabaho, isang pangmamaliit pa ang inabot ng kawawang pulis. Dagdag pa sa pasakit na inabot ng mamang pulis na ito ay ang kontrobersiya sa pagkakalipat sa kanya ibang sangay ng PNP.
Sa artikulong ito ay nais kong pagnilayan kung bakit, sa aking paniniwala, tila baluktot ang katuwirang ibinigay ni Pangulong Aquino hinggil sa isyung ito. Ilalahad ko ang mga argumento na magpapatunay ng aking pananaw. Sa pangwakas ay maglalagum ako at palalabasing tila taliwas sa isinusulong ni PNoy ang ganitong pangangatuwiran sa tuwid na daan.
UNA, AY puntahan natin ang ipinupunto ng Pangulo kung bakit hindi raw nararapat na bigyang pagkilala ang opisyal na sa kabila ng pagkakahuli nito sa isang “most wanted” na kriminal ay hindi pinarangalan dahil namimili ‘di umano siya ng trabaho.
Hindi naman yata makatuwiran na husgahan ang opisyal ng pulisya na ito ng pagiging mapili sa trabaho. Kung pag-aaralan ang history ng mga assignments na pinagdaanan niya ay makikitang palipat-lipat din ito. Wala rin siyang history o reputasyon ng pagiging mapili at pagtanggi sa trabaho.
Sa pagkakataong ito ay ginamit lamang niya ang kanyang karapatan na magtanong bilang isang manggagawa kung bakit tila walang merito at magandang rason ang pagkakalipat sa kanya sa bagong assignment nito. Normal lang ang ganitong pagtatanong ng isang manggagawa lao’t may mga isyu ng katiwalian sa loob ng sistemang kanyang ginagalawan.
Dapat ay binalanse ng Pangulo ang kanyang mga tinimbang na impormasyon. Dapat ay tiningnan din niya ang pinanggagalingan ng opisyal na ito. Dapat ay nilagay ni PNoy sa tamang konteksto at perspektibo ang isyung ito. Ang hindi katanggap-tanggap ay tiningnan lang niya ang isyu sa kung paano niya nais itong tingnan.
Maliwanag na naging mapanghusga ang Pangulo sa aspetong ito. Isang hasty generalization ang pagkakamaling nagawa niya sa batas ng lohiko, isang baluktot na katuwiran.
ANG PANGALAWANG ipinunto ng Pangulo ay ang paninira di umano ng opisyal na ito sa institusyong pulisya na kinabibilangan nito at sa buong gobyernong PNoy sa pangkalahatan. Nagpadalus-dalos daw ito sa pagkuha ng atensyon ng media at mga tao.
Inilahad lamang ng opisyal na ito ang nalalaman niyang katotohanan sa kabulukan ng institusyong kinabibilangan niya. Kailan pa naging paninira ang pagsasabi ng totoo? Ang media rin ang laging sandalan ng mga taong naaapi, maliit man, mayaman, simple o maging opisyal mismo ng pamahalaan.
May sapat na dahilan at balidong punto ang mga sinasabi ng opisyal na ito tungkol sa pagiging depektibo ng sistema kung saan siya napapabilang. Hindi masama ang mag-ingay tungol sa tama at hindi manatiling nagbubulag-bulagan sa isang mapang-aping sistema.
Nagagalit ba ang Pangulo dahil nalalantad sa media ang pagkukulang ng ilang ahensiya ng kanyang gobyerno? Nagagalit ba siya dahil nahuli ang isang taong minsan ay sumuporta sa kanyang pagkandidato sa pagkapangulo? Nagalit ba siya dahil ayaw niyang inuusisa siya ng media? Kaya ba hindi prayoridad ng pangulo ang Freedom of Information (FOI) bill?
Wala akong nakikitang masama sa pagtakbo ng opisyal na ito sa media dahil malinaw na wala siyang itinatago at nais lamang niyang mabuksan ang mata ng publiko sa tunay na kulay ng sistemang umiiral ngayon.
Sa aking personal na paniniwala, wala sa lugar ang ipinupunto ng Pangulo hinggil sa aspetong ito. Nagiging usap-usapan tuloy na tila may pinagtatakpan ang administrasyon ni PNoy at ang PNP kaya inalis niya ang isang epektibong opisyal sa puwestong maaaring makapagbuking sa marami pang kahina-hinalang iregularidad sa PNP at sa gobyernong Aquino.
NARARAPAT LANG parangalan ang ginawa ng opisyal na ito dahil isang malaking isda ang kanyang nahuli. Mismong ang Pangulo ang nagsabi na kailangan na mahuli ang malalaking tao sa likod ng malalaking krimen at hindi lang ang mga maliliit na kriminal gaya ng mga holdaper sa mall. Nasaan ang matuwid na katuwiran dito?
Kung ang mga nakahuli ng pipitsuging holdaper sa mall ay pinarangalan, lalong dapat bigyang parangal ang nakahuli sa isang bigating kriminal na maraming pinahirapang Pilipino. Hindi ba malinaw na baluktot ang pangangatuwiran dito ni Pangulong Aquino, kung saan bukod pa sa hindi pagbigay nito ng karangalan sa magiting na opisyal ng pulisya ay minaliit pa ang pagkatao nito?
Ang nakakabahala sa totoo lang ay ang kapahamakang maaaring maidulot sa buong sambayanang Pilipino kung ang pagdedesisyon ay laging bunga ng isang baluktot na katuwiran. Saan tayo dadalhin ng isang gobyernong gaya nito?
Ang lumalalang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China ay hindi biro. Sa itinatakbo ng sitwasyon ay tila wala namang nagagawa ang kasalukuyang gobyerno para maresolba ang tumitinding problemang ito. Kung hindi magiging bukas ang isip ng mga namumuno sa atin sa mahuhusay at makatuwirang payo at resolusyon mula sa mga experto sa usaping diplomatikong pang teritoryal, ay patuloy tayong mapapahamak.
Sa huli, ay tiyak na ang mga mamamayan din ang babata ng pasakit dulot ng mga maling desisyon, pag-unawa at pagkilos sa mga problema ng ating pamahalaan. Hindi tayo dadalhin ng baluktot na katuwiran sa isang matuwid na daan, bagkus, ay sa kapahamakan.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo