ANG ASAWA ko po ay matagal nang nagtatrabaho sa isang multinational oil company sa bansang Chad. Kumpara sa ibang kumpanya, ang employer ng asawa ko ay mas mataas magpasuweldo at wala siyang mairereklamo sa kanyang principal. Pero kamakailan lamang ay bigla siyang nanlumo nang mabalitaan niyang may ban na ng deployment sa Chad. May ban daw dahil hindi na-iysuhan ng “certification of compliance” ang bansang Chad. Paano na po ang trabaho ng aking asawa roon? — Linda ng Iloilo City
TOTOO ANG balitang iyan. Ilang buwan nang nag-iisyu ng certification ang ating DFA sa mga bansa na puwedeng mag-deploy tayo at sa mga bansang ‘di puwedeng mag-deploy. Ibinabase nila ang ban sa mga umiiral na batas o kasunduan na nagbibigay-proteksiyon sa mga OFW. Kung walang sapat na proteksiyon ang nasabing bansa, hindi ito mag-iisyu ng certification at magpapataw na lang ng ban.
Ang problema, may mga bansa na naisyuhan ng certification pero may mga inaabuso pa ring mga OFW. May mga bansa naman na may ban, pero may mga OFW na nagtatrabaho sa matitinong trabaho tulad sa bansang Chad na tinutukoy mo.
Panahon na marahil para mag-isyu ng ban hindi sa bansa kundi sa uri ng trabaho. Halimbawa, maaaring maisyuhan ng certification ang Saudi, pero maaaring
may ban sa mga domestic helper. Maaari ring ‘di maisyuhan ng certification ang Chad, pero maaaring may exemption sa mga trabahong maaayos ang trato sa mga OFW.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo