PINALITAN NA ni Bangs Garcia ang pangalan niya ng Valerie Garcia na siya naman daw talagang tunay niyang pangalan.
Pinalitan na raw niya ang pangalan sa kagustuhan na makilala bilang isang mahusay na actress at hindi bilang isang sexy star.
Bilang pagseryoso ng kanyang craft, ang paggamit na ng kanyang buong pangalan ang naisip niyang gawin para mawala sa image ng pagiging sexy star kahit na naghubad na siya sa indie film na Lauriana.
Naitsika rin ni Valerie ang interest niya ngayon sa painting. Nagsimula sa pagpipinta noong 2011 at nagtuluy-tuloy na raw ito at hindi na siya huminto.
Maganda naman daw ang resulta ng pagpipinta niya dahil nakapagbenta na siya ng kanyang mga obra. Para raw maging comfortable siya sa painting, madalas naka-panty at T-shirt lang siya habang nagpipinta.
Makadalaw nga habang nagpipinta si Valerie.
BAKAS SA mukha ni Aga Muhlach ang kasiyahan dahil nag-e-enjoy siya sa kanyang pamamalagi sa TV5, lalo’t dalawang shows ang kanyang ginagawa nang sabay, ang Let’s Ask Pilipinas at Pinoy Explorer.
Sa ginanap na trade launch ng TV5 sa NBC Tent, Global City last Wednesday night para sa mga bagong primetime shows, nakatsikahan ng ilang press si Aga at hindi nawawala ang mga ngiti nito sa mukha dahil na rin raw sa sobrang kasiyahan na ibinibigay sa kanya ng Kapatid Network.
Aniya, “Oo, masaya tayo. Iba ang feeling natin ngayon. Mas alam mong may diretsyon na ang lahat.
“Wala naman tayong naging reklamo sa paglipat natin sa TV5. Lahat ng suporta ay ibinigay nila sa akin. Mas okey lang ngayon kasi may bagong presidente at mas maraming shows ngayon.
“Kita ninyo naman, may Sharon Cuneta, Ogie Alcasid, Edu Manzano, Joey de Leon, Derek Ramsay, Paolo Bediones at ang dami pang mga bagong mukha na makikilala nila sa mga magagandang shows na kinonsepto ng TV5.
“Kaya if you see me happy, kasi totoo ito. Masayang-masaya talaga tayo ngayon.”
TULOY ANG shooting ni Gov. ER Ejercito para sa Boy “Shoot-To-Kill” Golden sa Pagsanjan, Laguna kahit na nahaharap sa malaking pagsubok ang political career ng Laguna governor na gustong paalisin sa puwesto ng First Division ng Commission on Elections.
Ang Boy Golden ang official entry ni Gov. ER sa darating na 39th Metro Manila Film Festival na ididirek ni Chito Roño.
Tila destiny na ni Gov. ER na magkaroon ng entry sa taunang festival ng bansa na ginaganap sa buwan ng December 25 hanggang January 7 ng susunod na taon dahil nasa 11th slot ang Boy Golden isinali niya sa MMFF, pero dahil may mga movie producer na umatras sa kanilang entry na pumasok sa magic 8 official entries sa MMFF 2013, nakapasok ang kanyang pelikula.
Wala nang atrasan ang pagsali niya sa festival dahil nagsimula na sila ng shooting at nagpagawa na raw siya ng mga souvenir T-shirts na may litrato nila ni KC Concepcion.
Sabi pa ni Gov ER, bagay na bagay sa kanya ang pamagat ng pelikulang Boy Golden dahil 50th birthday niya sa October 25.
Naalala tuloy ni Gov. ER na sumakabilang-buhay ang kanyang ama na si George Estregan noon August 8, 1988 sa edad na forty-nine years old at 49 years old na si Gov. ER nang matangggap niya ang malungkot na balita sa disqualification sa kanya ng Comelec First Division bilang gobernador ng Laguna. Pakiramdam daw tuloy niya na parang gusto na rin siyang patayin sa edad na 49.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo