KAMAKAILAN LANG ay ipinag-utos ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ramon Paje ang mahigpit na pagbabantay sa mga imported wild animals at exotic na mga alaga dahil sa banta at panganib na dala ng Ebola virus outbreak sa West Africa.
Talaga nga namang nakatatakot kung iisipin natin na maaaring mangyari rito sa Pilipinas ang nangyayari ngayon sa West Africa. Kung napanood n’yo rin ang isang lumang Hollywood film na ang tema ay tungkol sa pagkalat ng ebola virus, tiyak na kakaba-kaba kayo dahil sa tindi ng mga pagkamatay ng tao dahil sa bilis ng pagkalat nito.
Sa artikulong ito ay pag-uusapan natin ang mga maaaring maging dahilan upang makarating at kumalat dito sa ating bansa ang Ebola virus nayan. Gayun din ay tatalakayin ko kung sapat ba ang kakayahan ng ating gobyerno para maresolba ang ganitong problema at kung may ginagawa ba silang hakbang upang mapigilan ito.
ANG WEST Africa ay dumaranas ngayon ng pinakamalawak na pagkalat o “outbreak” ng isang uri ng sakit, sa kasaysayan nito, na kung tawagin ay “hemorrhagic fever”. Umaabot na sa 932 katao ang namamatay simula nang madiskubre ito noong buwan ng Marso sa mga lugar na Sierra Leone, Guinea, Liberia and Nigeria.
Nitong Linggong ito ay naglabas ang U.S. Centers for Disease Control and Prevention ng pinakamataas nitong “level alert 1”. Ang level-1 ay ang pinakamataas sa scale na 1-6 at itinataas nito ang bilang ng mga manggagawa na kakailanganin, mga kagamitan, teknolohiya at pondo para rito.
Ngayon na lamang ulit itinaas sa level-1 response mula noong 2009 na inilabas para naman sa outbreak ng AH1N1 flu. Ang Ebola virus ay naipapasa sa pamamagitan ng isang “direct contact” sa taong mayroon nito, bodily fluids gaya ng laway at sipon, at mga kagamitan ng may sakit gaya ng pinggan, baso, kubyertos, damit at kumot.
HINDI DAPAT magpatumpik-tumpik ang ating gobyerno sa banta ng problemang ito. Nagpalagay na umano si Paje ng mga tauhan mula sa Biodiversity Management Bureau (BMB) upang magbantay sa mga airports at seaports sa buong bansa. Ang BMB ay isang ahensyang konektado sa DENR. Mahigpit nilang babantayan, partikular ang mga hayop na manggagaling sa Ebola-hit countries gaya ng Guinea, Sierra Leone, at Liberia.
Bukod sa mga taong may sakit kasi ay mas madaling makuha ang Ebola virus sa pamamagitan ng tinatawag na “zoonotic disease transmitted to humans by direct contact with infected live or dead animals”. Lalo na at mga pangkaraniwang mga manggagawa lamang sa Pilipinas ang nagbababa at nagsasaayos ng mga hayop na ito sa ating mga seaport at airport. Idagdag pa natin dito ang kawalang-gamit at proteksyon sa kanilang katawan habang nagtatrabaho.
Base rin kasi sa mga pag-aaral at naitala na kaso ay nakukuha ito sa mga hayop gaya ng unggoy, paniki o “fruit bats”, forest antelope at porcupines na nakitang may sakit na o patay na. Kaya noon pa mang 2006, ipinagbabawal ang pagbigay ng permits para sa mga wild animal na imported mula Afria.
Ang mahirap nito ay kung pupunta kayo sa Cartimar at Quiapo Manila, magugulat kayo sa dami ng mga exotic animal na inilalako rito. May ilan din dito ay mga nakalusot sa pier na exotic house pets at wild. Ang ganitong kalakaran ay lantaran kahit na sinasabi ng gobyernong bawal ito.
ANG MGA sintomas ng pagkakaroon ng Ebola virus ay lagnat o fever, pananakit ng katawan o muscle aches, mapupulang mata o red eyes, pagtatae o diarrhea, pagsusuka o vomitting at pagdurugo o bleeding.
Si Department of Health (DOH) Secretary Enrique Ona ay naghahanda na rin sa posibleng pagdating ng mga Overseas Filipino Workers mula sa mga Ebola-affected countries. Sinabi niya na ang DOH at ibang mga government agencies ay nakikipag-ugnayan sa isa’t isa upang maging handa para rito.
Ang sinumang balik-bayan o banyaga na nagpapakita ng pagkakaroon ng lagnat, sobrang sakit ng ulo, labis na pagkaramdam ng pagod, masasakit na kasu-kasuan at namamagang lalamunan ay kinakailangang magkaroon ng clearance mula sa local health authorities kung saang bansa nanggaling o nagtrabaho, bago sila payagan makababa ng eroplano. Ito ang ipinahayag ni Ona sa isang panayam sa pahayagan.
ANG EBOLA ay napakabilis kumalat lalo na kung makapasok ito sa isang bansang mahirap gaya natin. Ang mga symptoms na aking nabanggit ay hindi agad nakikita sa isang taong nahawaan nito. Ang incubation period nito ay 2 araw hanggang 2 linggo. Ang ibig sabihin ay maaaring makapamasyal pa ang isang infected na balikbayan o OFW sa kanyang kamag-anak o shopping malls bago niya malaman na maroon siyang taglay na Ebola Virus.
Ang ating pagiging malapit sa isa’t isa ay isang mabilis na behikulo para kumalat ito. Ang pagmamano, paghalik sa pisngi o beso-beso at maging simpleng pag-abot ng bayad sa jeep ay sapat na para ikalat ito. Kaya dapat pang pag-ibayuhin ng gobyerno at DOH ang mga measures na ginagawa nila.
Maging sa mga paaralan ay dapat binibigyan na ito ng malaking pansin. Mahirap isnabin ang Ebola. Ito ay isang seryosong banta para sa ating lahat.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo