NOONG NAKARAANG January 11, Linggo, bandang 3:00 am ay niyanig ang Metro Manila ng isang lindol na may bahagyang kalakasan na aabot sa mahigit kumulang sa magnitude 4. Ang lindol na yumanig sa Luzon ay may lakas na magnitude 6 na nagmula sa Zambales, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS). Bagama’t kakaunti lamang ang nakaramdam nito dahil sa nahihimbing pa sa tulog ang marami sa ating kababayan, para sa mga taong naramdaman, ang lindol dito sa Kamaynilaan ay pagkatakot at pagkabalisa ang sumagi sa kanilang isip.
Ligtas nga ba ang mga tao sa Metro Manila sa isang malakas na lindol? Ang hindi kasi nauunawaan ng marami ay ang teknolohiya ngayon na nakapagtatala ng mga posibilidad na malapit sa reyalidad ng panahon. Ang banta ng lindol ay nandito na sa pintuan natin at hinihintay na lang nating maganap kahit anong oras. Mangyayari ito at dapat talagang pag-usapan kung papaano tayo magiging ligtas kung maganap na nga ito.
Sa talaan ng mga pag-aaral ng Philvolcs at Department of Science and Technology (DOST) sa tinatawag na Marikina fault o kilala rin sa tawag na West Valley fault, huli itong gumalaw at lumikha ng napakalakas na lindol noong 1658. Ayon sa pag-aaral ay gumagalaw ito tuwing matapos ang 4 na siglo. Lumalabas na ngayong 20th century nakatakdang gumalaw muli ang West Valley fault. Alam na ng ating pamahalaan na mangyayari at mangyayari ito, ngunit anong paghahanda at programa ba ang nailatag na ng gobyerno para dito?
SA MGA karatig na bansa gaya ng India at Iran na kapwa tinamaan ng malakas na lindol nitong mga nakaraang taon, nakita natin ang nangyari sa kanilang mga pangunahing lungsod kung saan may mga building na gumuho at may mga istraktura rin naman na natirang nakatayo. Gaya na rin ng sinasabi ng mga eksperto na hindi nakamamatay ang lindol, kundi ang mga bagay na gumuguho at nakadadagan sa tao ang tunay na panganib. Dapat ito ang pinagtutuunan ng pamahalaan ng tingin at paghahanda.
Mula nang matapos ang lindol na yumanig sa Bohol, tila wala namang naipatupad na programang maghahanda sa Metro Manila upang masiguradong hindi gaanong mapipinsala ang mga naninirahan dito. Maaaring may mga panukalang batas ang isinulong tungkol dito, ngunit hindi naman ito umusad. May mga pagtatalang ginawa rin upang malaman ang mga istrakturang guguho kapag dumating ang inaasahang lidol, ngunit hanggang sa pagtatala lamang umabot ang ginawang hakbang ng pamahalaan.
Hindi ba dapat ay may mga istrakturang ngayon pa lamang ay pinagigiba na ng pamahalaan. Ayon sa lumabas na pag-aaral ay nasa 80% ng mga istraktura sa Metro Manila ang tiyak na guguho kapag dumating ang lindol na ito. Ang mga pagguho na ito ang tiyak na papatay sa maraming tao sa Metro Manila kaya kailangan na talaga ang mabilisang aksyon ngayon.
PAANO NGA ba dapat simulan ang paghahandang ito? Posible nga kaya ang pagpapagiba sa maraming istraktura sa Metro Manila? Maisasalba pa ba ang mga ito ng pagpapatibay o repair sa pundasyon ng mga istrakturang mahihina? Saan kukuhanin ang mga pondo rito? Anong mga karapatan ng tao sa ating Saligang Batas ang masasagasaan kung ipatutupad ang mga hakbang ng pamahalaan sa pagpapagiba ng mga building na hindi kakayanin ang inaasahang lindol.
Ayon sa Philvolcs at DOST ay tinatayang nasa magnitude 9 ang lakas ng lindol na lilikhain ng paggalaw na ito ng West Valley fault. Libu-libong tao sa Metro Manila ang maaaring mamatay dahil sa lindol na ito sanhi ng mga magbabagsakang building at malalaking istraktura. Huwag na sanang hintayin ng pamahalaan ang ganitong trahedya upang hindi sa pagpapagamot at pagpapalibing pumunta ang pondo para rito kundi sa mga programang magliligtas sa maraming tao sa Metro Manila.
Dapat sigurong ikonsidera ang pagpapabalik sa maraming residenteng iligal na naninirahan sa Metro Manila, sa kani-kanilang mga probinsya. Mas ligtas ang mga tao sa probinsya sa pagtama ng lindol dahil walang mga matataas na istraktura ang babagsak o kahuhulugan nila. Kung nagkataong sa Metro Manila tumama ang lindol sa Bohol, tiyak na higit na mas marami ang mga taong napinsala at namatay.
SA AKING palagay ay ang bantang ito ng malakas na lindol ang siyang guguhit ng isang hindi malilimutang trahedya sa ating kasaysayan. Kung magpapatuloy ang pamahalaan sa pagpapatumpik-tumpik sa dapat na ipinatutupad nitong programa na maghahanda sa Metro Manila sa pagtama ng inaasahang lindol, tiyak na marami ang mapapahamak.
Matagal nang pinag-uusapan ang paggalaw ng West Valley Faultline, panahon na para gumawa ng kongkretong hakbang. Ang mga pribadong opisina at malalaking kompanya ay dapat pangunahan na rin ang paghahandang ito at huwag nang umasa sa gobyerno. Huwag nang ipagamit ang mga istrakturang mahihina at ipatumba na ang mga ito.
Sa bahagi naman ng pamahalaan, partikular ang DPWH ay dapat ng siguraduhin ang katatagan ng mga flyovers sa Metro Manila dahil maraming kikitling buhay ito kung magkakataon. Sinabi rin ng Philvolcs na malaki ang posibilidad na maa-isolate ang Luzon mula sa dalawa pang major geographical islands. Magkakaroon ng kakulangan sa pagkain at tubig kaya dapat ay maghanda rin ang bawat pamilya dito sa Kamaynilaan.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Napanonood din ang inyong lingkod sa Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 noon. At sa T3 Enforced, 12:30-1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes pa rin sa TV5.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo