NOONG LUNES, Mayo 11, inilabas ng Philippine National Police ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa pagkakalason ng may-ari at costumer na uminom ng kontaminadong milk tea mula sa Ergo Cha. Ang mga biktimang sina Suzaine Dagohoy at ang may-ari na si William Abrigo ay parehong agarang pumanaw matapos inumin ang nasabing tsaa, samantalang si Arnold Aydalla naman ay naisugod pa sa ospital. Ayon sa resulta, Oxalic Acid daw ang sanhi ng pagkakalason ng mga ito.
Ngunit ano nga ba ang Oxalic Aacid at gaano nga ba ito kapanganib? Ito ay isang kemikal na ang itsura ay halos kamukhang-kamukha ng asukal o ng ordinaryong asin. Kadalasang ginagamit ito sa pag-bleach o pagpapaputi ng maiitim na kahoy. Ginagamit din ito sa paglilinis at pagtanggal ng kalawang at bara sa sa mga tubo. Marami sa mga ibinebentang panlinis ay may sangkap na Oxalic Acid.
Bagama’t maraming gamit ang Oxalic Acid sa pang-araw-araw na buhay, ito ay lubhang delikado at mapaminsala lalo na kung maiinom o mahahalo sa pagkain. Kinakailangan lamang na makakain ng 15-30 gramo nito upang maging lethal o nakamamatay. Katumbas ito ng isa o dalawang kutsara lamang. Ilan sa mga sintomas ng pagkalason mula sa Oxalic Acid ay ang matinding pananakit ng tiyan, kombulsyon, pagbaba ng presyon, pagsusuka, at pagtigil ng mga sistema ng buong katawan.
INABOT NG mahigit isang buwan bago lumabas ang resulta ng imbestigasyon sa kasong ito. Sa kabila ng pangangailangang agad na malutas ang kasong ito ay inabot pa rin ng matagal dahil sadyang napakahirap alamin ang kalikasan ng ganitong kemikal. Hindi rin masisisi ang PNP kung bakit tumagal ito, kung kaya’t higit na mahalaga ang ibayong pag-iingat sa paggamit ng kemikal na ito.
Napag-alamang ang kemikal na ito ay mabibili nang over the counter sa mga botika sa napakababang halaga. Ito ay isang malaking banta sa publiko lalo na kung gagamitin ito ng mga masasamang loob. Maaari rin itong gamitin ng mga terorista para, halimbawa, lasunin ang publikong tumatangkilik sa mga fastfood chains. Mapanganib din ito sa mga kabataan na maaaring paglaruan at maisubo ang nakalalasong kemikal na ito.
NGAYONG ALAM na ng publiko ang banta ng Oxalic Acid, ibayong pag-iingat ang kailangan sa mga kabahayan o industriyang gumagamit nito. Kung kayo’y gagamit ng Oxalic Acid sa inyong mga kabahayan, siguraduhing may pangalan o label ang paglalagyan nito upang hindi mapagkamalang asukal o asin. Huwag din itong itatabi sa asin at asukal upang hindi malito ang gagamit. Dapat ilayo sa pagkain ang Oxalic Acid upang maiwasan na malagyan o matapunan ang niluluto. Ilagay ito sa mataas na lugar upang hindi maabot ng mga bata o hayop.
Bahagi rin ng pag-iingat sa paggamit ng kemikal na ito ay ang pagkontrol sa pagbebenta nito. Dapat ay maging mas mahigpit ang pamahalaan sa kung sino ang maaaring magbenta at bumili ng nakalalasong kemikal na ito. Makatutulong din na magkaroon ng paglilista kung sino ang mga bumibili nito upang maging basehan ng imbestigasyon sakaling may gumamit ng Oxalic Acid para sa masasamang gawain.
MAY BAGONG banta sa ating mga kabataang mahilig pumunta sa mga bar at club. Ito ay ang GHB o liquid ecstasy. Ang GHB ay isang uri ng droga na ginagamit bilang date rape drug. Inihahalo ito sa mga inumin upang makatulog ang biktima at pagkatapos ay pagsasamantalahan. Ang drogang ito rin ay nagdudulot ng amnesia sa makaiinom kung kaya’t ‘di maaalala ng biktima ang nangyari sa kanya.
Sa raid na ginawa ng NBI noong Abril, napag-alamang galing pa sa ibang bansa ang mga sangkap ng drogang ito. Nagkakahalaga ito ng P10,000.00 o higit pa. Karaniwang mga mayayamang kabataan ang gumagamit nito dahil na rin sa napakataas na presyo. Nakababahalang nakarating na sa ating bansa ang drogang ito.
Lubhang delikado ang drogang ito. Magdudulot ito ng matinding pisikal at sikolohikal na trauma sa mga biktima. Kung kaya’t sa mga magulang, iwasang payagan ang inyong mga anak na magpunta sa mga club o bar lalo na kung ‘di kilala ang kasama. Sa mga kabataan, kung hindi maiiwasang pumunta sa mga club, huwag tatanggap ng inumin mula sa ‘di kakilala at huwag iiwan ang baso kung saan-saan at baka may biglang maglagay ng droga rito. Iwasan din na makipagkita o eyeball sa mga hindi kakilala.
SADYANG MAHIRAP ang buhay ngayon at maraming nagkalat na delikadong elemento gaya ng Oxalic Acid at ang date rape drug. Ngunit higit na delikado ay ang mga masasamang loob na aabuso sa mga lasong ito. Dahil dito ay hinihikayat ang lahat na maging mapagmatiyag at kritikal. Ang mga magulang ay dapat na maging higit na mausisa sa kanilang mga anak. Nagkalat sa ngayon ang banta ng mapanganib na lason. Higit kailanman ay hinihikayat natin ang publiko na maging matalino sa mga bagay na ito. Manood ng balita o magbasa upang hindi maging biktima ng kamangmangan.
Napanonood ang inyong lingkod sa Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood din sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Panoorin ang T3 Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo