HALOS isang linggo nang tapos ang Pista ng Pelikulang Pilipino, pero kahapon lang ako nagkaroon ng pagkakataon na panoorin ang pelikulang Bar Boys. Ito ang isa sa tatlong pelikula (ang dalawa ay 100 Tula Para Kay Stella at Patay na si Hesus) na luckily na na-extend sa piling sinehan nationwide dahil dinumog ito ng mga tao.
Napakasolid ng line-up ng PPP. Honestly, ang Bar Boys ang isa sa mga movies na para bang okay lang kung mapanood ko at okay lang na hindi. Ang naging strategy ko kasi noong nagmu-movie marathon kami ng kaibigan ko ay uunahin namin ang mga nanganganib na ma-pull out agad sa una o ikalawang araw.
Ang Bar Boys ay hindi tungkol sa mga mananayaw sa bar, ha? Ito ay tungkol sa apat na magkakaibigan na nangangarap pumasok sa law school. Ang apat na bida ay sina Carlo Aquino (anak ng sekyu na hindi ganun katalino pero igagapang ng ama para maging isang ganap na lawyer; walang bilib sa sarili), Rocco Nacino (pa-chill chill lang pero laging mataas ang grado at may supportive na pamilya; sasali sa fraternity), Enzo Pineda (matalino at mayaman at ginu-groom ng tatay na makapasok sa Harvard, pero mas pipiliin manatili sa Pinas para sa girlfriend niya na para sa tatay ay hindi nila ‘ka-level’) at si Kean Cipriano, na mas trip maging model o artista kaya keri lang na hindi siya makapag-law school.
Ayon sa mga kaibigan kong abogado, relatable ang mga karakters ng pelikula at nanumbalik pa nga ang mga masasaya at challenging days ng kanilang law school life. Maganda rin na medium ang nasabing pelikula para malaman ng mga nangangarap na maging abogado kung willing ba silang mag-sacrifice para makapag-defend ng mga kliyente sa korte.
Magaling lahat ng cast members na kasali including supporting actors. Nag-stand out para sa amin si Rener Concepcion bilang ama ni Carlo Aquino, Sebastian Castro na isang young lawyer at professor who portrayed his role articulately at si Ms. Odette Khan, who proved na she can play any role with substance at malayong-malayo ito sa napapanood natin sa Ika-6 na Utos. Terror siya rito, pero may puso.
Maganda ang pacing ng pelikula. Walang dull moment. Matagal-tagal na rin tayong walang napapanood na male-dominated barkada flick na may sense at well-acted. Hindi kami sure kung first time ito ng direktor na si Kip Oebanda, pero napakahusay niya! Solid ang script at pulido ang pagkakagawa na kahit mga non-bar takers o family members ay makakarelate sa pinagdadaanan ng mga characters.
Ang alam ko, two years ago pa nila ito inumpisahan i-shoot at dapat ay may playdate na sila earlier this year. Buti na lang at hinintay nila ang tamang panahon at tulad ng paggugol ng panahon ng mga bar boys sa movie, isang bonggang success ang pagta-top 3 nila sa Pista ng Pelikulang Pilipino box-office.
Kung may time kayo tonight, gora na sa sinehan at sulit ang bayad ninyo sa panonood ng makabuluhang pelikulang ito. Gora na!
Showbiz Blogster
by Mica Rodriguez