Barangay Impyerno

AYON SA COMELEC, naging matagumpay ang pagdaraos ng katatapos lamang na Barangay Elections. Bukod sa mataas na porsyento ng mga rehistradong botante ang pumunta sa mga presinto para makilahok sa pagpili ng kanilang mga susunod na barangay leaders, bumaba rin umano ang insidente ng karahasan na kaugnay ng nasabing eleksyon. Ganunpaman, talamak pa rin ang pamimili at pagbebenta ng mga boto. Marahil, isa na talaga itong kultura dahil nararamdaman ng mga mamamayan na tuwing eleksyon lamang sila may pagkakataon na makinabang sa mga tiwali nilang mga lingkod-bayan. Sabi nga ng isang botante, “tatlong taon kami ninanakawan eh, tuwing eleksyon lang naman kami nakakabawi nang bahagya.”

Noong mga nakaraang panahon, pera ang ginagamit sa pamimili ng mga boto. Ngayon, dahil sa lubos na kahirapan, pumapatol na sa instant noodles, tinapay at kape ang mga mamamayang nagbebenta ng kanilang mga boto. Ang pinakamasama pa, maraming nahuling kandidato na Shabu ang ipinamimigay sa mga taong nililigawan nila ang boto.  Isipin na lang, ipinagpapalit nila sa usok ng iligal na droga ang kanilang karapatan na pumili ng mga taong mamumuno sa kanila sa susunod na tatlong taon. Ibinoboto nila bilang lingkod-bayan ang mga kandidato na mismong naging instrumento para lalo silang magumon sa kanilang mga iligal na gawain. “Bahala na, pare-pareho lang naman lahat ‘yan eh,” ang sabi pa ng isang botante.

Kapag nakaupo na ang kanilang mga halal, hahanapin na nila ang serbisyo na ipinangako ng mga ito noong kampanya.  Hindi nila ito makikita. Aangal sila sa dami ng basurang nagkalat, sa madalas na krimen sa kanilang lugar, sa taas ng presyo ng mga barangay certificate at clearance. Wala namang mangyayari. Dahil wala si-lang nakikitang pagbabago sa kanilang lugar, puro reklamo ang lalabas sa kanilang mga bibig. Aakusahan nila ng katiwalian at pagnanakaw ang kanilang mga halal. Walang nakikinig. Hindi man tuwirang masabi, tila ba ang sagot ng mga opisyal na ito ay, “relax lang, nag-iipon naman ako ng noodles, tinapay, kape at Shabu para sa inyo. Malapit na ulit.”

Kadalasan, naghahanap tayo ng tunay, epektibo, at tapat na serbisyo mula sa ating mga halal na opisyal. Mula sa pinakamataas na posisyon, hanggang sa mga kagawad ng barangay. Pero nakalilimutan natin na sa simula pa lang, wala naman tayo talagang maaasahan na ganito mula sa kanila dahil naging parte tayo ng isang mali at iligal na sistema ng pagpili. Ibinebenta natin ang ating mga karapatan, ang ating boto, ang ating pagkatao at kaluluwa sa sinumang demonyo na handang mag-alok ng katumbas na halaga. Tapos, umaasa tayo na ang mga taong ito ay biglang magbabago ang puso at magiging matuwid kapag naluklok na sa kapangyarihan? Huwag na tayong umasa. Simple lang, huwag tayong maghanap ng mga anghel, kung sa impyerno tayo nakatambay.

Sampal-Tubig
By Atty. Reynold S. Munsayac

Previous articleBoy Abunda, ipaglalaban ang same sex marriage
Next articleSen. Bong Revilla Jr., kinukuwestiyon na ang batas

No posts to display