Para kay Barbie Imperial, magkaibang experience ang ang pagiging Pinoy Big Brother housemate na nakakulong din sa PBB house kumpara sa lock-in taping na na-experience niya sa taping ng bagong Kamilya series na Bagong Umaga.
Ani Barbie, “Mahirap po talaga. Sobrang hirap po lalo po kapag sanay ka po na kasama mo palagi yung pamilya mo.
“Ako po, doon ako inaatake (ng lungkot). Yung first week ko dito na hindi ko kasama yung kuya ko. Pero yung mama ko po kasama ko dito.”
May pagkakataon din daw na dumarating siya sa point na nagbi-breakdown siya dahil sa pagka-miss niya sa kanyang kapatid na lalake.
“Pero ang maganda naman po dito sa amin sa Bagong Umaga, kapag may gusto ka pong makausap, like ako po, sobrang nagbi-breakdown na po ako dahil sobrang miss na miss ko na si kuya, miss na miss ko na yung bahay namin, at napapagod din po ako, pero dito kasi para kaming pamilya talaga,” kuwento niya.
Mabuti na lang daw at naiintindihan siya ng production staff at ng kanilang mga director.
“Katulad ko po, kapag hindi ko na talaga kaya, lumalapit po ako sa prod, kay Direk Carlo (Po-Artillaga). Sinasabi ko sa kanya, ‘Direk, ito yung nararamdaman ko. Napapagod ako.’ Ganyan, ganyan. And importante po na nalalabas mo kung ano yung nararamdaman mo para hindi naiipon.
“Kasi, imagine po, everyday gigising kami, nasa hotel room kami, nakatingin lang po kami sa labas ng bintana habang yung ibang tao nasa labas and kami nandito po kami sa loob,” lahad pa ng dalaga.
Breadwinner ng pamilya si Barbie kaya malaki raw ang kanyang pasalamat na kahit pandemic ay meron pa rin siyang trabaho.
“Sobrang thankful and grateful po kami. Siyempre, hindi naman lahat ng artista ngayon may trabaho. And yon po yung pinaka-importante — magkaroon po ako ng trabaho.
“Katulad ko po, breadwinner ako, so game lang po nang game. Konting tiis lang po talaga. Suwerte po namin kasi yung mga staff, yung sa prod, mga directors, lahat po dito pamilya po talaga yung turing sa amin,” huling pahayag ni Barbie.
Bukod kay Barbie, bida rin sa Bagong Umaga sina Heaven Peralejo, Yves Flores, Michelle Vito, Kiko Estrada at Tony Labrusca.
Ipapalabas ang Bagong Umaga simula October 26 (Lunes), 2:30 ng hapon pagkatapos ng It’s Showtime sa A2Z channel 11 at sa iba pang Kapamilya digital platforms.