MALAYO NA ang narating ng mga Momshies ng bayan na sina Jolina Magdangal, Karla Estrada at Melai Cantiveros. From their Your Face Sounds Familiar stint to being hosts of the morning talk show ‘Magandang Buhay’, ngayon ay bida naman sa riot comedy film na ‘Momshies! Ang Soul Mo’y Akin’ ang tatlong versatile Kapamilya stars.
Sino ang mag-aakala na ang pagsasama nilang tatlo, na sumikat sa magkakaibang panahon at dahilan, ay magkakaroon ng solid group?
Karla Estrada started out in showbiz bilang isa sa discoveries ni Kuya Germs sa That’s Entertainment. Sumikat din ito bilang isa sa magagandang leading ladies ng mga action stars noong 90’s. Panandalian itong nawala sa showbiz nang manganak kay Daniel Padilla at nagbalik-showbiz playing mother roles sa GMA bago ito nabigyan muli ng pagkakataon na i-explore ang kanyang singing career via Your Face Sounds Familiar.
Si Jolina Magdangal naman ay kilala na ng lahat. As one of the faces of the late 90’s, minahal ng mga tao ang pagiging trendsetter at pagiging kuwela ni Jolens mula nang siya’y pumasok sa showbiz bilang mainstay ng Ang TV hanggang sa maging isa sa biggest stars ng ABS-CBN. Tinangkilik ng publiko ang kanyang mga kanta, mga pelikula at TV shows hanggang sa ito’y magdesisyong lumipat sa GMA. Kung hindi kami nagkakamali, mahigit sampung taon na rin ang nakararaan nang huling mapanood sa big screen si Jolens.
Si Melai Cantiveros ang big winner ng Your Face Sounds Familiar. After winning Pinoy Big Brother ten years ago, nagtuloy-tuloy ang showbiz career ni Melai bilang isang komedyante. Maliban dito ay iniidolo rin siya ng madlang pipol bilang isang nanay at asawa sa kapwa PBB graduate na si Jason Francisco.
Sa pelikula ay magkakapalit ng kaluluwa ang tatlong Momshies. Naimagine niyo na ba si Karla as Jolina? Jolina as Melai? Melai as Karla? Ang kulit lang ng ideya, ‘diba?
Sa totoo lang, nakakamiss ang mga pelikulang simpleng sabaw lang. Napansin ang pagkawala ng ganitong genre ng pelikula nang pumanaw si Direk Wenn Deramas, na direktor ng mga box-office films nina Ai Ai delas alas at Vice Ganda. May mga nag-attempt, pero hindi nila nakuha ang humor ni Direk Wenn. Si Direk Easy Ferrer na kaya ang magtutuloy ng movie trend na ito starting with the Momshies movie?
Palabas na sa IWant, Upstream at KTX ang Momshies: Ang Soul Mo’y Akin mula sa Star Cinema at Keep Filming.