MANANAHIMIK NA ang mga kanyon. Gayon din ang mga tangke, baril at iba pang armas-pandigma.
Sa halip, ingay ng mga araro at traktora sa bukid ang maririnig.
Kay sarap isipin ang ganiting pangitain sa buong Mindanao. Muslin at Kristiyano at iba pang katutubo ay magkakapit-bisig sa pagbuo ng pangarap na kaunlaran at kapayapaan. Kay sarap isipin.
‘Di na malayo ang pangarap. Pagkatapos ng masingkad na 40 taon, maaaring makamtan na ito at magbukas ng bagong pahina sa kasaysayan ng bansa. Malapit na ang umaga.
Ang magiging susi nito ay ang nilagdaan Peace Agreement ng pamahalaan at Bangsa-moro. Napakahaba at napakahirap ang naging negosasyon. Libu-libo munang mga inosenteng buhay ang ibinuwis. Katakut-takot na luha at dalamhati ang ibinuhos ng mga naulila.
Ipinagbunyi ng buong mundo ang napipintong pagdatal ng kapayapaan. Ang digmaan sa Mindanao ang isa na yata sa pinakamahaba at madugong digmaan sa kasaysayan ng mundo. Ngunit isang maliit na hakbang lang ang naisagawa. Mahaba pa ang paglalakbay.
Kung tutuusin, ang makapagdadala ng kapayapaan ay mga kapatid nating Muslim. Nararapat na sila’y magkaunawaan at magkaisa. Himukin nila nang mapayapa sa kanilang panig ang mga faction na nabubulag pa ang pag-iisip. Ito ang pinakadakilang pagkakataon na isulong ang kapayapaan at kaunlaran.
Ang pangyayaring ito ang pinaka-siginificant achievement ng pamamahala ni P-Noy. Maaaring sa maraming bagay siya’y sablay. Ngunit sa achievement na ito, siya’y dadakilain ng kasaysayan.
Ang baril ay magiging araro na bubungkal sa lupa ng pagkakaisa at kapayapaan. Ang Mindanao as “land of promise” ay gigising sa isang maluwalhating bagong umaga. Tahimik na ang kanyon, tangke at baril.
SAMUT-SAMOT
KASUSUMPA PA lang bilang DOTC Sec. ni Abaya ay sinalubong na siya ng problema. Ito ang pagtataas ng pamasahe sa MRT. ‘Di iilang commuters ang tutol sa ano mang pagtataas. Kahit ang pagtaas ay munting halaga lang, ito’y mararamdaman sa bulsa. Sa ibang bansa, mga fully subsidized ng pamahalaan ang commuters’ fares. Bakit hindi dito sa atin?
‘DI MAINTINDIHAN kung bakit kahit sa labas ng bansa binabatikos ni P-Noy si dating Pangulong GMA. Inulit na naman ito ng official visit ni P-Noy sa New Zealand. May kawikaan sa Ingles na “let us not wash our linen abroad”. Tinututulan naman ito. Bukod sa very helpless na rito si GMA dahil sa maraming sakit at pagkakulong niya, napakasamang itsura na ang ating baho ay binabando pa natin sa ibang bansa.
SA MGA unang buwan ng pamamahala ni Gen. Leonardo Espina, tila tumino nang malaki ang kapulisan sa Metro-Manila. Bihira na ang napapabalitang pagkasangkot ng ilang alagad ng batas sa kung anu-anong krimen. Dapat pa-purihan siya. Subalit nangangamba ang marami na baka ito’y ningas-cogon lang. Sana’y hindi.
SA HALOS lahat ng Mercury Drug branches, pila ang bumibili ng gamot. Nangangahulugan ito na napakaraming tao ang maysakit. Usong sakit ngayon ay upper respiratory ailments dahil sa pabagu-bago ng klima. Sa kapaligiran, nagkalat ang mga bata at matanda na may sipon at inuubo. Maraming indigent patients ay ‘di naa-accommodate sa government hospitals dahil sa dami. Dapat dagdagan pa ang DOH budget.
MAINITAN NA naman ang labanan sa 2012-2013 NBA season. Bumabandera pa rin ang Los Angeles Lakers, Miami Heat, San Antonio Spurs, at Dallas Mavericks. Ngunit ang team to watch ay Lakers dahil sa pagkakuha nila kina Steve Nash at Dwight Howard. Dream team ang line-up. Ang Miami Heat ay ‘di rin basta-basta. Sila ang defending champion at intact pa rin ang line-up na pinangungunahan ni Lebron James. Mahigit namang sampung buwan na puro NBA action.
TILA ‘DI na maisusulong ang isang bill na naglalayong hatiin ang Camarines Sur sa pamamagitan ng plebiscite. Wala nang physical time ayon sa Comelec. Tagumpay ito ng panig ni CamSur Gov. L-Ray Villafuerte laban sa puwersa ni Rep. Noli Fuentebella. Kung tutuusin kahit idaan sa plebiscite, mga Bicolano ay ayaw sa paghahati ng lalawigan. Sa pamamahala ni Gov. Lray, lumago ang ekonomiya ng lalawigan at naging no. 1 tourist spot pa. ‘Di maunawaan ang motibo ni Rep. Fuentebella.
SA MARAMING lugar, naka-display na ang mga nagliliwanag na iba’t ibang parol. May giant Christmas trees na halos lahat ng malls. Anupa at amoy na amoy na ang simoy ng Pasko.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez