GINULO NA NAMAN ni Baron Geisler ang birthday party ni Direk Maryo J. delos Reyes nu’ng nakaraang Sabado nang gabi. Bisita lang siya sa selebrasyon, pero ayon sa mga nakausap namin ay parang siya ang nagpa-party, dahil sa pagpaparoo’t parito niya sa bar na naka-shorts at tsinelas lang.
Nang masayaran na naman ng alak ang lalamunan ni Baron ay umiral ang kanyang kabastusan, ang pagiging war freak, kaya ilang bisita du’n ang sinisinghalan niya.
Ikatlong pagkakataon na itong sinisira niya ang selebrasyon ng kaarawan ng direktor, kaya ang sinabi nito sa kanyang mga tauhan, ilabas sa bar si Baron at turuan ng leksiyon.
Maya-maya lang ay meron nang nagkakagulo sa labas, pinagmumura ni Baron ang mga tauhan ni Direk Maryo na naglabas sa kanya, nagalit ang mga ito kaya pinatulan siya.
Hindi naman pinagtulungan ng mga lalaki si Baron, isa lang ang hindi na nakapagpigil na humulagpos ang pasensiya, kaya talagang pinatikim siya ng mga upak na hindi niya gustong tikman sa buong buhay niya.
Mura pa rin nang mura si Baron, puro masasamang salita ang lumalabas sa kanyang bibig, pati ang mga usisero sa paligid ay hinamon niya ng suntukan.
Ang punto ng kaibigan ni Direk Maryo ay puwede pa nitong palampasin ang unang panggugulo ni Baron sa party noon ng direktor, pero nasundan pa uli ýun nu’ng nakaraang taon, at heto na naman.
“Masyado siyang bastos! Alam niya naman na bisita lang siya sa party, pero kung mambastos siya ng mga bisita rin, akala mo siya kung sino! Tatlong beses na niyang ginawa ito, kaya hindi na namin mapapalampas pa!”pahayag ng kaibigan ni Direk Maryo.
Walang gustong magsakay kay Baron nu’ng pauwi na, natatakot ang mga taxi driver na baka pati sila ay bastusin din ng aktor, kaya dalawang bagay lang ang maaaring mangyari—kundi sila masaktan ni Baron ay baka sila na ang manakit sa pasaway na aktor.
May isang nagmagandang-loob na maghatid kay Baron dahil magkalapit lang ang kanilang lugar sa bandang Fairview, kahit ito ay inaaway-minumura ni Baron, pasalamat siya dahil hindi mapagpatol sa lasing ang may-ari ng sasakyan.
LUMA NANG TUGTUGIN ang pagiging alcoholic ni Baron Geisler, ginagawa na lang yata niyang agua tiyempo ang alak, dahil sa paggising pa lang niya sa umaga ay alak na ang kanyang tinutungga.
Pero ang masama nga, kapag nakaiinom na si Baron ay wala na siyang nakikilala at kahit batas ay hindi niya inaalintana, kaya palagi siyang nasasangkot sa basag-ulo.
Ang malalalim niyang peklat sa mukha ay produkto ng minsang pakikipag-away niya sa isang bar sa Pampanga, ayon sa mga tagaroon ay pinagmumura niya ang mga kostumer na nananahimik naman, kaya nang hindi na makapagpigil ang mga ito ay nagrambol na sila.
Napalo siya ng bote sa ulo at mukha, duguan siyang ihinatid sa ospital ng ilang naroon, nakita nga na puro sugat ang mukha ni Baron na lumikha ng malalalim na peklat nu’ng naghilom na.
Noon pa maraming nagpapayo sa pamilya ni Baron na habang hindi pa huli ang lahat ay ipa-rehab na siya, makatutulong ang rehabilitation sa pagkagumon niya sa alak, matagal man ang gamutan ay siguradong si Baron naman ang mabibiyayaan sa bandang huli.
Paano kung isang araw ay mapatay na lang si Baron sa kung saan? Nagbabago ang kanyang ugali kapag nakaiinom na siya, wala na siyang nirerespeto at ang akala niyaý hari siya ng buong mundo, basta naapektuhan na ng inuming nakalalasing at nakapagpapalakas ng loob ang kanyang lalamunan.
Sanaý pagmalasakitan na ni Baron Geisler ang kanyang sarili, magpa-rehab na siya, dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay hindi siya papatulan ng mga taong hinahamon at pinagmumumura niya.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin