MASAYA pa si Baron Geisler sa simula ng kanyang Facebook Live noong nakaraang Martes ng hapon, May 26, habang ikinukuwento ang tungkol sa dalawang kaibigang aktor na sina John Lloyd Cruz at Billy Crawford. Pero sa kalagitnaan ng kanyang video ay hindi na nito naiwasang mapaiyak.
“Grabe, natutuwa lang talaga ako sa mga artistang tunay. Isa na diyan si John Lloyd Cruz, tahimik na tao pero grabe ang tinutulong niya sa bayan. Tahimik lang siya, wala nang kung anuman, yon ang tunay. Shout out din ako kay Billy Crawford, nag-usap kami kagabi at ano rin, maayos na tao,” simulang pahayag ni Baron.
Sa mga sumunod niyang sinabi ay hindi na niya napigilang maging emosyonal.
“Medyo aminado ako sa ngayon na tinatamaan talaga ako ng depression dahil nami-miss ko yung anak ko. Nami-miss ko yung asawa ko. Mag-isa ako sa Quezon City, pero laban lang.
“Kailangan nating maging matibay. Kailangan nating lumaban kasi mababaliw ka lang, eh. Nakakabaliw lang itong sitwasyon natin.
“Natutuwa naman ako at nagpapasalamat na mayroong Diyos at nakakausap ko rin yung pamilya ko araw-araw at nandon ang buong suporta. Pero may hangganan ang kalakasan minsan ng tao — bumibigay din.
“Nagpapasalamat ako sa mga kapatid ko, sobrang bait nila. Grabe din yung suporta,” lahad ni Baron habang pinupunas ang luha sa kanyang mata.
Dinaan din biro ni Baron ang kanyang shout out sa Facebook liver pero in between phrases ay hindi talaga niya mapigilang maiyak.
“Wala nang glamour… wala na. Hindi kasi glamorous itong nangyayari at para saan pa yan. Maraming tao diyan na naglalagay pa rin ng façade, na kaya nila ang lahat, pero hindi, patas lang, pantay-pantay tayong nahihirapan – mga businesses.
“Tapos nandyan pa yung mga paninira. Hindi siya nakakatulong, sa totoo lang.
“Hindi ako humihingi ng tulong. Ang akin lang, gusto ko lang i-voice out na people are really hurting, and it’s okey to know that. It’s okey to know that you are hurting, do not deny that we are all hurting.
“Sasabihin ng mga tao, I’m drunk, ganito-ganyan, hindi eh. Ito ang nangyayari talaga. Siguro magmahalan na lang, pero may hope. Nariyan ang pagdadasal, nandyan ang Diyos any time.
“Nagulat nga ako na may nagpadala ng pagkain, ng groceries na hindi ko… hindi ko ini-expect na may mga taong ganyan, na hindi magpapakilala para… Sana magpakilala kayo para mapasalamatan ko kayo nang tama, di ba?” humihikbi pa ring pahayag ng aktor.
Sa sumunod na pahayag ay napahagulgol na si Baron nang maalala ang kanyang asawa at anak. Na-stranded kasi si Baron sa Quezon City at hindi nakauwi ng Cebu dahil sa ECQ.
“I miss my wife so much. First time akong na-inlove nang todo. I miss my wife, I miss my baby,” umiiyak niyang sabi.
Patuloy niya, “I am not asking for sympathy. I’m just like any normal human being who would feel the same way, I guess. Naiisip-isip ko nga, eh, buti pa yung mga tao sa Bulacan may kasama, pero ako, may aircon nga dito pero mag-isa ka.
“Sana magkaroon ng chartered (flight). Kesa buksan yung mall sana buksan din pati yung airport… Gusto ko nang makita ang anak ko. Kung ikaw ba naman ilang buwan kang mag-isa. Sana bago buksan yung mall magpalipad din sila ng mga taong stranded,” bumuhos ang luha na wika ng aktor.
Ayon pa kay Baron wala siyang nakikitang masama sa pagpapakita niya ng kahinaan sa social media.
“Alam kong nag-show ako ng weakness pero okey to show weakness kesa mabaliw ka nang tuluyan. It’s okey to not be okey. It’s okey not to be okey kesa naman mabaliw ka,” rason niya.
Sa last part ng video ay muling iginiit ni Baron na hindi siya umiiyak para kaawaan at humingi ng tulong. Nakiusap din siya na mahalin na lang ang kapwa natin at iwasan na ang hate at manalig na lang sa Diyos.
“Sa ngayon wala tayong magagawa kundi patapangin na lang ang mga kaluluwa natin at ang psychological warfare na nangyayari sa utak natin,” pagtatapos ng aktor.
Samantala, dahil lifted na ang ECQ sa NCR at ilalagay na lang ang Maynila sa GCQ simula June 1 kaya malaki na ang chance na makauwi si Baron sa kanyang pamilya. In fact, sa huling mensahe sa amin ng aktor ay nakakuha na siya ng flight going to Cebu.