PARA NA talagang sirang plaka si Baron Geisler, dahil nangangako na naman siya ng pagbabago sa bagong pasok na taon. Siyempre pa, may kinalaman ito tungkol sa hindi magagandang nangyari sa kanya nu’ng nakalipas na taon. Puro intriga at pakikipag-away kasi sa kung sinu-sino ang kanyang naranasan, dahil sa kanyang bisyong pag-inom ng alak na talagang hirap na hirap siyang iwasan kahit anong pilit niyang gawin.
Umalma kasi ang mga kasamahan ni Baron sa kuwadra ni Arnold Vegafria na sina Divine Lee at Victor Basa sa naging kagaspangan ng ugali ng magaling na actor sa isang okasyon kung saan naroon sila kasama ang ibang artista ng TV5, kaya nadamay na rin si IC Mendoza. Nagsalita si Divine sa kung ano ang naranasan niya mula kay Baron, katulad ng pagbeso na ibinuka ng actor ang kanyang bibig, kaya nalawayan ang pisngi ni Miss Lee.
Mahirap na raw talagang intindihin si Baron, lalo na kung ganyang alam na alam naman niya sa kanyang sarili, na kakaiba ang kanyang mga ikinikilos kapag nakaiinom siya ng alak. Pero patuloy pa rin naman siyang natutukso na uminom, kaya hindi rin talaga maiiwasan na masangkot siya sa basag-ulo. Sobra kasi talaga siyang maangas kapag tinalaban na siya ng kanyang naiinom.
SOBRANG GANADO si Dingdong Dantes na gawin at subukan pa ang maraming bagay para sa kanyang showbiz career, kaya baka umani na naman siya ng maraming intriga sa bagong pasok na taon, lalo pa’t naglalakihang proyekto nga ang plano niyang salihan. Dalawang taon na kasing nananalong Best Actor si Dingdong sa Metro Manila Film Festival, kaya naman inaalipuntahan ng inggit sa kanya ang ibang artista sa showbiz. Sinusuwerte nga naman kasi siya.
Pinagtatrabahuhan naman ni Dingdong ang mga nararating niya ngayon. Masipag siya kung para sa mas ikatatatag pa ng kanyang career. Hindi nakapagtataka na manalo siyang Best Actor dahil sa pelikulang One More Try ng Star Cinema. Magkakaharap kasi kami ng mga kasama sa panulat na sina Erlinda Rapadas at Alex Datu ay ipinamaglaki ni Direk Ruel S. Bayani, na talagang may kakaibang ipinakita si Dingdong sa nasabing pelikula, na talagang naglalagay sa kanya sa hilera ni Christopher de Leon kung galing sa acting ang pag-uusapan.
Huwag nang banggitin ang hitsura, dahil panalong pormang artista naman talaga si Dingdong. Pero mahirap kalaban ang kanyang pagmamahal sa business na ito, kaya marami pa tayong maaasahan mula sa kanya. Bilang director ay magbibigay ulit siya ng panahon para makapagdirek sa telebisyon man o sa pelikula. Dahil mahal niya ang showbiz, kaya gusto rin niyang ipagpatuloy na makapagprodyus ng magagandang pelikula.
ChorBA!
by Melchor Bautista