NOONG UNA NAMING makausap si Baron Geisler, umiiwas itong mapag-usapan ang tungkol sa kanila ni Yasmien Kurdi dahil nasa korte pa ang kaso. Ayaw ng actor magbigay ng komento na makakaapekto sa magiging kalalabasan ng demanda sa kanyang ng actress.
Pero ngayon, masayang Baron ang nakakuwentuhan namin. Malaki ang naging pagbabago sa buhay ng binata ang pagpapa-rehab niya nang ilang buwan. Naging positive ang pananaw niya sa buhay. Natutong tumanggap ng pagkakamali at humingi ng tawad sa mga taong nagawan niya ng kasalanan.
Kung noon pa sana nagpa-kumbaba na si Baron at humingi ng tawad sa kasalang kanyang nagawa kay Yasmien, hindi na sana aabot nang ganito katagal ang kasong isinampa sa kanya ng dalaga. Pinanindigan niyang wala siyang nagawang kasalanan, bakit nga naman siya magpa-public apology? “That time kasi ang dami kong problema. Hindi ako makapag-isip nang tama at palagi akong lasing. Feeling ko, para akong nag-iisa na hindi ko alam kung saan ako papunta, walang direksiyon. Thanks God, hindi pa huli ang lahat para ituwid ang lahat ng pagkakamali ko. Humingi ng tawad sa mga taong nagawan ko ng kasalanan at nasaktan,” say ng magaling na actor.
Inamin din ni Baron na siya ang nakiusap kay Attorney Ferdie Topacio (abogado ni Yasmien) na kung puwede magkita sila nang personal ni Yasmien para personal siyang hu-mingi ng tawad sa actress. Palibhasa makatao at may magandang kalooban ang dalaga, pumayag ito sa hiling ng actor. “Tanggap ko na ang pagkakamali ko na dapat sana’y noon ko pa ginawa. Thanks God, pinatawad na ako ni Yasmien. Naramdaman niya galing sa puso ko ang paghingi ko ng tawad. Para akong na-bless sa ginawang pagpapatawad sa akin ni Yasmien. I know, hindi ganu’n kadali para niya ako ma-forgive pero ibinigay niya sa akin, thank you, thank you, thank you,” taos-pusong sabi ng binata.
Malaking bahagi sa buhay ngayon ni Baron ang pagiging Born Again Christian. Naging sandalan niya ang Panginoon sa panibagong hamon ng buhay. “Kahit maraming hindi magandang nangyari sa akin in the past, I’ll take it as a challenge. Sa mga pagkakamali ko, marami rin akong natutuhan. Pipilitin kong maging isang ma-buting Kristiyano. Focus muna sa trabaho para marami pang blessing ang dumating sa akin.
UNANG LINGGO PALANG ng teleseryeng Budoy ni Gerald Anderson, naging bukambibig na ito ng manonood. Bukod sa flying high ang rating. Sinusubaybayan agad ito ng publiko. Pawang magagaling na artista kasi ang mga nagsisiganap tulad nina Barbara Perez, Gloria Sevilla, Dante Rivero, Zsa Zsa Padilla, Tirso Cruz III, Mylene Dizon at ang nagbabalik, Janice de Belen. Kasama rin ang promising young stars na sina Enrique Gil at Jessy Mendiola.
Hindi naging hadlang ang katabaan ni Janice sa mga madrama niyang eksena with Gerald. Mabilis ang facing at maganda ang takbo ng istorya. Para mapaghandaan ang role ni Budoy, isang lalaking mentally-challenged, kailangan sumailalim si Gerald sa isang matinding immersion na ayon sa kanya ay nagpabago ng pananaw niya sa buhay. Sa teleseryeng ito, itataguyod ang kahalagahan ng edukasyon sa mga kabataang Pilipino lalo’t higit sa mga may sakit sa pag-iisip.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield