MAGHULOG KA ng baryang 20 pesos sa kalye at malamang na walang mag-aagawan para ito pulutin. Ganyan nang kawalang halaga ang barya ngayon.
Nu’ng dekada 2000 nagkaroon ng “Respect the Centavo” drive ang Bangko Sentral. Subalit kokonti ang sumunod. Ang sukling barya ay kung saan-saan lang iniiwan. Subukan mong magbigay ng barya sa isang paslit at tiyak ‘di masisiyahan.
Ang baryang piso o bente pesos ay bale wala na rin. Kung pamimigay mo ay 20 pesos na papel, magugustuhan ito. Sa totoo lang, maraming tindahan ang ayaw tumanggap ng bayad na barya. Bakit nagkaganito?
Ngunit bakit ang limos natin sa simbahan ‘pag misa ay kalimitan barya? ‘Pag dukot sa bulsa, tinatabi ang salaping papel at ipinagpipilitang ibigay ay barya. Ang katumbas ng Diyos ay barya? Masamang ugali ng maraming Katoliko. Sa ibang pananampalataya, malalaki ang kanilang kontribusyon sa simbahan. Obligado sila.
Ayon sa Banal na Aklat, may pinag-uutos na “thiting” ang Diyos. Sampung porsyento ng inyong kinikita buwan-buwan. Napakahalaga ng utos na ito. Ngunit kokonti ang sumusunod.
Nu’ng nagsimula akong mag-thiting, umunlad ang buhay ko. Kung ano ang aking inabuloy at itinulong sa dukha at kawang-gawa, doble ang balik sa akin. ‘Di ako kinakapos. Bagkus nakatutulong pa sa marami.
Tuwing Linggo, nagpapakain ako ng 50 mahihirap na pamilya sa Katipunan Road, Q.C. Alas-sais pa lang, hinahanda na ang suput-supot na pagkain at pinamamahagi bago mag-tanghali. Nakapila na sila pagdating ko. At makikita mo ang ‘di mabigkas na kaligayahan sa kanilang mukha.
Nu’ng dekada ’80, mahigit pa rito ang kawanggawa ko. Trak-trak na pagkain ang pinamamahagi ko sa mahihirap sa Kamaynilaan. Marami pang tumutulong noon.
‘Pag barya ang iyong ibinigay, barya rin ang sa iyo’y isusukli. Ganyan ang subok ng karma ng buhay. Ang Diyos ay patas at napakabait. Tumbasan natin ito.
SAMUT-SAMOT
NAGKALAT PA sa mga palengke at supermarket ang Korean noodles na may lamang lead. Ayon sa DTI, ang noodles ay masama sa kalusugan lalo na sa ating nervous system. Kailangang bilisan ang paglilikom ng produkto. Sa mga maliit na palengke at sari-sari store, maaaring ‘di pa nakakarating ang balita. Kumilos sana ang awtoridad nang mabilis.
ANG HYGIENE at sanitation sa maraming public market ay dapat tutukan ng pansin. Nakapasyal na ba kayo uli sa Divisoria o sa Paco Market? Kai-langang susun-suson ang panakip ninyo sa ilong kundi ‘di kayo makahihinga sa umaalingasaw na baho at dumi. ‘Di ba dapat pasyalan ng health authorities ang mga ito? Ang problema, walang nababahala kaya lahat tayo ay walang pakialam.
BAKAIT ‘DI maipatupad ang illegal vendors na batas sa Divisoria? Walang madaanan ang mamimili. Sa labas, naglipana ang motorized at de-padyak na pedicabs. Salimbayan ang sidewalk vendors. Ang pulis ay pito nang pito subalit walang pumapansin. Gising, Mayor Alfredo Lim!
KAHIT SAANG sulok ng malalaking siyudad sa bansa, ‘di mawawala ang SM Supermarket at Puregold. Labanan ang dalawa sa paramihan ng sangay. Kagulat-gulat ang biglang paglago ng Puregold. Number 2 na sa SM Supermarket sa padamihan ng sangay. Ang may-ari ng Puregold ay si Lucio Co, dati kong kaibigan. Ewan kung kakilala pa niya ako ngayon.
NALULUNGKOT KAMI kay KC Concepcion. Tila ba ‘di pa siya nakamu-move on pagkatapos ng hiwalayan niya kay Piolo Pascual. Padalang nang padalang ang kanyang movie at TV shows. Sa aking
pananaw, siya pa naman ang pinakamaganda at pinakamagaling na actress sa local showbiz. Bukod dito, mayroon siyang humanitarian advocacy sa UNICEF. ‘Wag naman sana siyang pumatol sa isang manliligaw na banyaga. Maaaring ‘di sila magkaayos. Maghintay lang siya. Mabait siyang bata. Darating din ang tapat na magmamahal sa kanya.
MARAMING NAGSASABI na si Superstar Nora Aunor ay di-attach sa material possessions. Totoo ito. Ang nakalap niyang kayamanan ay bilyun-bil-yon. Ngunit ang iba, winaldas sa bisyo at naipamigay sa kawang-gawa. ‘Di siya masinop sa buhay. Come and go ang kanyang pilosopiya. Maraming katulad si Nora. Isa na ang the Great Profile, Leopoldo Salcedo, isang matinee idol nu’ng dekada ’50. Naghirap. Namatay nang walang-wala. Sana’y ‘di natulad sa kanya si Nora.
NAKAHAHANGA – AT nakaiinggit – ang ating kalapit-bansa. Halimbawa ang Vietnam. Sampung taon pa at malalampasan na tayo nito sa kaunlaran. Si Manny V. Pangilinan, isang Filipino tycoon, ay nagsimula nang mag-invest sa bansa. Nakikita niya ang economic potentials ng Vietnam na wala rito sa ‘Pinas. Ang mga Vietnamese ay disiplinado. Kita natin, mga foreign invaders kagaya ng French at Amerikano ay kanilang pinataob. Tayo? Kanya-kanya. Crab mentality. Ningas-cogon. Walang disiplina. May malawakan ding korapsyon sa Vietnam ngunit ito’y unti-unti nang nasusugpo. Ang Vietnam ang number 1 exporter ng bigas sa buong mundo.
DASAL KO sa Panginoon, mabuhay sana ako hanggang edad 75. Ito’y kung may misyon pa Siya sa akin sa mundo. Wala na akong mahihiling. Ayos na ang buhay ng kaisa-isa kong anak. Gayon din ang dalawang mahal kong apo. ‘Yon lang, kailangang araw-araw kalabanin ang maraming pagsakit ng pagtanda. At ang kasama nitong ‘di maipaliwanag na kalungkutan.
SIMULA NA ang homecomings at reunions sa Disyembre. Malungkot at masaya ang mga okasyong ito. Makikita mo uli ang mga dating kaibigan, classmates at kasamahan. Lahat ay nagsitanda na at may dinadaing na karamdaman. Ganyan ang paglalakbay sa mundo. Isang kisap-mata buhay ka; isang kisap-mata wala ka na. Kaya mag-iwan ng magagandang alaala.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez