KUNG KAYO ay nasa 50 years old na ngayon, malamang ay mulat na kayo sa mga naging sigalot noon sa ating pamayanan kaakibat ang pagkakaroon ng dalawang base militar dito sa Pilipinas. Marahil ay napanood n’yo rin ang pelikulang may pamagat na “Minsa’y May Isang Gamo-gamo” na pinagbidahan ng tanyag na aktres na si Nora Aunor at nadala rin sa linya n’yang “my brother is not a pig!”
Isa lang ito sa mga pelikulang ang tema ay pag-atake at pagbatikos sa pagkakaroon ng base militar noon dito sa ating bansa. Ang military treaty para sa mga base militar noon ay huling pinagtibay ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos. Napatalsik naman ito sa panahon ng pamumuno ng ina ng kasalukuyang pangulo na si President Cory Aquino.
Ang pagkakaroon ng mga base militar noon dito sa bansa ay tila nagdulot ng bangungot sa ilan nating mga kababayan na dumanas ng pang-aabuso at pagmamalupit mula sa mga sundalong Amerikano. Kawalang-hustisya rin ang isinisigaw ng ilang mga kababayan natin hinggil sa mga kasong kasangkot ang mga sundalong Amerikano.
Sa nilagdaang bagong kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika ay maraming mga babala, pangamba at kritisismong bumabalot dito. Ayon na rin mismo kay Senador Franklin Drilon, ang kasalukuyang Senate President at kilalang kaalyado ng administrasyong Aquino, masalimuot ang Enhance Defense Cooperation Agreement (EDCA). Sa isang panayam sa pahayagan ay sinabi nitong kailangang ipaliwanag ng pamahalaang Aquino kung ano ang kalikasan ng EDCA o kung maituturing bang isang tratado ang pinasok ng ating gobyerno.
Tatalakayin ko sa artikulong ito ang kasaysayan ng base militar ng U.S. at ang mga problema o benepisyo na kaakibat ng EDCA.
KUNG BABALIKAN natin ang ating kasaysayan ay mag-uugat dito ang pagkakaroon ng base militar ng mga Amerikano sa Pilipinas. Sa ilalim ng konstitusyon ng Commonwealth, nasasaad ang pagkakaroon ng US military bases dito sa bansa. Bahagi ng pagkakaroon ng mga base militar dito ay ang mga karapatang maaaring magsagawa ng mga military exercises ang U.S. gaya ng missile testing.
Ang mga lugar na kinatitirikan ng mga base militar na ito ay itinuturing ding American soil kaya ang umiiral na batas sa loob ng land jurisdiction ng military base ay ang konstitusyong Amerikano. Kaya ang lahat ng mga kasong gaya ng paglabag sa karapatang pantao at kasong kriminal ay sa U.S. Court pa nililitis. Ito ang naging dahilan ng maraming protesta noon patungkol sa kawalan ng hustisya sa bansa.
Ito rin ang dahilan para madamay tayo sa giyera sa pagitan ng Amerikano at bansang Hapon noong World War II. Habang inaatake ng mga hapon ang Pearl Harbor ay sabay rin nilang nilusob ang mga base militar ng Amerikano sa Pilipinas, partikular ang Clark Air Base.
Ayon sa ilang historyador ay giyera ang pinakamapait na dala ng mga base militar ng U.S. sa ating bayan. Ang Maynila ang idineklarang pinakanapinsalang lungsod sa buong mundo dala ng World War II.
PAGKATAPOS NG pangalawang digmaang pandaigdig palang naipagkaloob sa Pilipinas ang ipinangakong idependensya sa Pilipinas noong July 4, 1946. Marami ang nagsasabing hindi rin naman nakamit ang tunay na idependensya sa pamamahala sa Pilipinas dahil nagpatuloy ang malakas na impluwensya at kontrol ng U.S. sa gobyerno ng Pilipinas.
Ang U.S. military treaty sa Pilipinas noon ay nagpatuloy mula sa pamahalaan ni Pangulong Manuel Roxas hanggang kay Pangulong Marcos at sa unang bahagi ng pamumuno ni Pangulong Cory Aquino. Naging maiinit ang balitaktakan sa Senado noon sa ilalim ng termino ni President Cory, kung ipagpapatuloy pa ang mga base militar ng U.S. sa Pilipinas dahil napaso na ang trado sa panahong ito.
Lumabas sa isang pag-aaral na maraming mga bansang komunista at may galit sa U.S. ang itinutok ang kanilang mga nuclear weapon rockets sa Pilipinas, dahilan para maging sentro ito ng pagkatakot at pangamba. Ito ang isa sa mga dahilan marahil kung bakit nagdesisyon ang maraming Senador na putulin na ang tratadong ito.
TULUYAN MANG nawala ang mga U.S. military bases sa Pilipinas pagkatapos ng rehimeng Cory Aquino ay nag-iba naman ang anyo ng kasunduang militar ng Pilipinas at U.S. sa panahon nina Pangulong Fidel Ramos at Joseph Estrada. Nagkaroon na lamang ng tinatawag na U.S. military visiting forces agreement o BALIKATAN. Sa ilalim nito ay maaaring magpadala ang mga Amerikano ng mga sundalo nila para magsanay rito sa bansa at sanayin din ang mga sundalong Pilipino.
Maliban lamang sa isang celebrated rape case ng isang Pilipina sa sundalong Amerikanong si Smith, walang masyadong naging mainit na isyu ang BALIKATAN. Napawalang-sala ng Supreme Court kalaunan si Smith sa kasong rape, dala na rin ng isang affidavit na nilagdaan ng biktima, kung saan ay sinabi niya na hindi siya nakatitiyak kung may panggagahasa ngang naganap o pumayag siyang makipagtalik sa sundalong Amerikano dala na rin ng sobrang kalasingan nito.
KUNG TITIMBANGIN natin ang naging karanasan natin sa mga Amerikano kaugnay ng mga base militar nila sa bansa, masasabi nating naging masalimuot nga ito. Ngunit sa isang banda ay nanatiling matatag ang military position ng Pilipinas sa mga islang gustong sakupin ngayon ng bansang China.
Dala na rin ng visible U.S. military exercises noon sa mga islang ito, kaya hindi nakakaporma ang bansang China rito. Wala ring kakayahang magpadala at maglapit ng mga malalaking barkong pandigma ang China sa ating mga isla.
May mga negatibo at positibong epekto ang ugnayan miltar ng Pilipinas sa U.S. Kailangan lang nating timbangin kung alin sa mga ito, sa panahon ngayon, ang mas mahalaga para sa ating bansa.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo