MADALAS KONG nababatikos – lalo na sa programa kong Wanted sa Radyo – ang Simbahang Katolika dahil sa mga ginagawang pakikialam nito sa pamamalakad sa ating pamahalaan sapagkat naniniwala ako sa tinatawag na “separation of church and state”.
Kamakailan, makailang beses ko ring nabatikos ang Simbahang Katolika dahil sa taimtim na pagtutol nito sa Reproductive Health (RH) bill at gumagamit pa ng pagbabanta sa mga pulitiko na kumokontra rito na hindi raw makatitikim ng kanilang boto.
Pero hindi ako sang-ayon sa ginawa ni Carlos Celdran, isang tourist guide, nang pasukin niya ang isang simbahan ng Katoliko sa gitna ng isang misa upang ipakita ang kanyang pagtutol sa ginagawang pakikialam ng mga pari sa RH bill.
Inantala ni Celdran ang nagaganap na misa para makakuha ng labis na atensyon at maiparating ang kanyang mensahe sa Catholic Church sa pamamagitan ng pagpunta sa harapan ng altar na may dala-dalang plakang may nakasulat na Damaso – si Damaso ay isang kilabot na paring Español sa nobela ni Jose Rizal na Noli Me Tangere.
Sa puntong iyon, maging ang mga debotong Katoliko na tulad ni Celdran na pabor sa RH bill ay nawalan na ng gana sa kanya. Bukod kasi sa hindi na niya iginalang ang karapatan ng mga nagsasamba ng mga oras na ginawa niya ang panggugulo sa harapan ng altar, nabastos niya roon ang Panginoon.
Pero wala akong nakikitang pagsisisi kay Celdran sa ginawa niyang pambabastos hindi sa pari na nagsasagawa ng misa kundi para sa mga nagsasamba lalo na sa isinasamba – ang Panginoon.
Bagkus mukhang ikinatuwa pa nga yata ni Celdran ang kanyang ginawa dahil labis siyang sumikat at pinag-uusapan matapos niyang gawin ang pambabastos na iyon sa bahay-sambahan.
Sana ginawa ni Celdran ang nasabing eksibisyon sa labas at hindi sa loob ng simbahan. O dili kaya, ginawa niya iyon sa labas ng tanggapan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at sigurado akong walang papalag, maliban na lang siguro sa mga obispo na nauutusan ang kanilang mga security guard na tabuyin siya dahil nalalagay sila sa kahihiyan.
PERO HINDI lamang si Celdran ang bastos. Napakarami ring Katoliko ang linggu-linggong nambabastos sa Panginoon. Sa tuwing ako ay nagsisimba bilang Katoliko – sa araw ng Linggo, walang patid na aking napapansin ang mga nagsasamba na naka-shorts, naka-puruntong, naka-tsinelas o naka-sando. Ang iba pa nga ay may gana pang nakikipag-text sa kalagitnaan ng misa.
Ang mga bastos na ito kapag pumunta sa mga handaan o gimikan, suot nila ang pinakamagara nilang damit na may kasama pang mga mamahaling alahas o bag. Pero bakit kapag dumalaw sila sa bahay ng Panginoon, sinasadya nilang magmukhang basahan?
‘Pag nagbibigay sila ng limos sa araw ng samba, malakas ang tunog ng barya na inihuhulog nila sa donation box na parang ipinagmamayabang nila na sila ay may ibinigay. Pero bakit kapag sila ay kumakain sa mga restaurant, malayong mas malaki pa ang ibinibigay nilang tip sa mga waiter o waitress kumpara sa ibinibigay nilang donasyon sa simbahan sa araw ng samba? Ang iba pa nga, mas malaki pa ang ibinibigay na tip sa watch-your-car boy kesa sa limos sa simbahan.
ANG INYONG lingkod ay mapakikinggan sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 p.m. Ito ay kasabay na mapanonood sa Aksyon TV Channel 41. Ugaliin ding manood ng T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 p.m at Aksyon Weekend balita tuwing Sabado, 6:30 p.m.
Shooting Range
Raffy Tulfo