KAMAKAILAN, ISANG dalaga ang nagsumbong sa T3 matapos tanggihang makasakay ng eroplano papuntang Macau ng isang kawani ng Bureau of Immigration (BI) sa NAIA Terminal 2. Ayon sa dalaga, pinagdudahan daw siya ng nasabing kawani na hindi pagtu-tour ang kanyang pakay sa Macau kundi ang maging pokpok lang daw roon.
Kung totoo ngang sinabihan siya ng ganito, nagpadalus-dalos ang nasabing kawani at maliwanag na pambabastos ang ginawa niya sa dalaga. Nangako naman ang BI sa T3 sa pamamagitan ng spokesperson nila na si Maan Pedro na kanilang paiimbestigahan ang insidente.
Pero hindi na bago sa akin ang makarinig ng balita tungkol sa mga taong pinigilan ng mga kawani ng BI na makapagbiyahe palabas ng bansa dahil hindi talaga ang pagiging turista ang kanilang pakay sa kanilang pupuntahan kundi may iba silang dahilan.
At hindi na rin bago sa akin na makarinig ng balita na marami tayong mga kababayan na nagtatrabaho sa abroad bilang mga illegal alien. Dahil dito, madali silang napagsasamantalahan at nawawalan sila ng karapatan na makapagreklamo dahil wala silang pinanghahawakang mga ligal na dokumento para makapagtrabaho roon.
MAY NATANGGAP na rin akong reklamo tungkol sa ilang mga illegal recruiter na pinangakuan ang kanilang mga babaeng na-recruit ng magandang trabaho sa Kuala Lumpur, Malaysia at hindi na ipinadaan sa Philippine Overseas Employment Agency.
Pagdating ng Kuala Lumpur, itinambak sila sa isang bahay at kinumpiska ang kanilang mga passport. Sa gabi, sila ay binubugaw sa mga parokyanong Malaysian. Hindi na rin bago sa ating lahat ang balita tungkol sa ilang mga kababayan natin na ginamit bilang mga drug mule ng mga Nigerian drug lord papuntang China, at natiklo.
Ito ang dahilan kung bakit kinailangan maghigpit ng BI sa pag-screen sa mga kababayan natin na gustong mag-abroad. At walang dahilan din para tayong lahat ay hindi sumang-ayon dito sapagkat ito’y para sa ikabubuti na rin ng mga kababayan natin na nais lamang pagsamantalahan ng mga sindikato.
PERO DAPAT ding turuan ang ilang mga kawani ng BI na maging mapagpasensya at magbigay-galang sa mga kababayan natin na gustong lumabas ng bansa, sa tingin man nila ay lehitimo o magti-TNT (tago ng tago) lamang ang mga ito.
Bigyan pa rin dapat ng respeto ang na-profile nila na mga pasaherong magti-TNT lamang. Puwede naman nila itong tanggihan nang ‘di na kailangang patikimin pa ng mga pang-iinsulto.
May ilan din kasing kawani ng BI sa NAIA na sadyang mga arogante dahil alam nilang may kapangyarihan silang mag-deport o magpigil ng mga pasaherong pumapasok o lumalabas ng bansa.
Dalawang taon na ang nakaraan, nang ako ay magpunta ng Singapore, napagdiskitahan ako ng isang babaeng immigration officer sa NAIA Terminal 2. Paglapit ko ng kanyang booth, ang una niyang bungad agad sa akin ay may balita raw siyang nasagap na galit daw ako sa mga Muslim.
Kaya raw niya natanong iyon sapagkat siya raw ay isang Muslim. Hindi niya naitago ang kanyang pagdabog at pagsimangot nang tanungin niya ako na animo’y sa isang maling sagot ako ay malilintikan at hindi na makabibiyahe.
At dahil hindi talaga ako galit sa mga Muslim – katunayan maraming mga kapatid nating Muslim ang dumudulog sa programa kong Wanted Sa Radyo para humingi ng tulong – tinanong ko siya kung saan niya nasagap ang balitang iyon. Nang wala siyang maisagot, hindi na rin ako umimik.
Kung ako nga na kilala na niya bilang isang mamamahayag na bumabatikos ng mga abusado at aroganteng mga empleyado sa ating gobyerno ay nagawa pa niyang pagdiskitahan, ano pa kaya ang isang pangkaraniwang kababayan natin na gustong mag-abroad?
Shooting Range
Raffy Tulfo