KAYRAMI NATING mga ganap sa buhay na talaga namang tatak ‘90s. Nariyan ang panonood muna ng Sineskwela, Mathinik, at Hiraya Manawari bago pumasok. Ang pagsubaybay sa paboritong palabas na Voltes 5, Dragon Ball Z, Street Fighter, Slamdunk, at Hunter x Hunter; ang pagkagigil sa mga cartoons na sina Doraemon, Mirmo, at Mojacko; ang pagtangkilik sa loveteam nina Jolina at Marvin; ang pagka-LSS sa mga kanta ng Eraserheads at Parokya ni Edgar. Iilan pa lamang ‘yan sa mga tatak ‘90s. Panigurado na kapag ako ay nag-survey sa inyo, tiyak hindi kayo magkandaugaga sa pagbibigay pa ng karagdagan pa rito.
Sinimulan na natin ang pag-throwback sa mga Batang ‘90s Tambayan, ngayon ituluy-tuloy na natin ito hanggang sa mga paboritong pagkain ng mga Bagets noong 90’s! Tayo naman ay magbigay-diin sa mga pagkaing 90’s na kids lang ang nakaaalam. ‘Yung tipong kapag hindi ka nakakain nito, aba! Walang tatak Batang 90’s sa iyo. Anu-ano nga ba ang mga iyon? May mga naisip na ba kayo?
- Naalala n’yo pa ba ang Mik-Mik? Ito ‘yung nakalagay sa sachet na kinakain habang ginagamitan ng straw. Ito ay isang sweetened choco powder na nabibili nang papiso-piso sa mga sari-sari stores na kapit-bahay.
- Naalala n’yo ba ang mga panahon kung kailan kapag kayo ay nagsisipilyo, may mga kulay na tulad ng yellow, blue, red ang humahawa sa toothbrush n’yo? Naku po. Iyon ay dahil sa paborito ng lahat ay Pintora bubblegum. Ito ay isang uri ng gum na masyadong pinanindigan ang kanyang pangalang “Pintora” dahil kapag kinain mo nga naman ito, instant may kulay agad ang iyong bibig.
- Kung ngayon ay Skyflakes at Magic Flakes ang mga pambansang biscuits ng mga tao, noon, mayroong Marie ang mga Batang 90’s. Ito ay uri ng biscuits na sulit na sulit sa linamnamn, sa sarap, at sa lambot.
- Mayroon din tayong Yakee. Ito ay isang bubblegum din na kahugis at kasinglaki ng Pintora pero ito ay ubod nang asim. Naalala ko pa noon na nagpapatibayan kami ng mga kaibigan kong kumain ng Yakee.
- Kung paasiman lang din naman ang pag-uusapan, hindi pahuhuli riyan ang Yak Baby. Ito ay mga candies na nakalagay sa kulay blue na malaking sachet. Marami ang laman nito kaya inaasahan na mapapa-mukhasim ka habang inuubos ang mga ito.
- Naalala n’yo rin ba ang mga chichirya ng Batang 90’s? Ito ‘yung mga manamis-namis na Sweet Corn at Clover bits! Mamiso lang ang mga ito kaya napakaraming ganito ang mga nakakain n’yo sa isang upuan dahil bukod sa sulit at mura na, masarap pa.
- Paano n’yo ba naman makalilimutan ang pambansang candy ng mga bagets, ito ‘yung Hawk candy o mas kilala sa tawag na ostya candy dahil sa tuwing kakainin, hindi n’yo nakalilimutang magpanggap bilang pari.
Kung mapapansin, lahat ng mga pagkaing nabanggit ay mabibili lang sa halagang piso. Ating mapagtatanto na bukod sa mababaw ang kaligayahan nating mga bagets, tayo rin pala ay ang henerasyon ng mga kabataan na sa mga simpleng bagay lang, solve na solve na.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo