Batang Iniwan ng Ina, P’wedeng Bawiin?

Dear Atty. Acosta,

ITATANONG KO lang po kung ano po ba ang dapat gawin sa ganitong sitwasyon? Nabuntis po ng kuya ko ang kanyang girlfriend. Noong nanganak po ang babae ay iniwan po niya ang bata sa aking kapatid dahil ayaw niyang ipaalam sa kinakasama niya na siya ay nanganak na. Sa ngayon po ay nasa pangangalaga namin ang bata. Ang inaalala po namin ay kung dumating ang panahon na bawiin niya sa amin ang aking pamangkin. Mayroon po ba kaming magagawa para hindi mabawi ang bata sa amin? Sana po ay matulungan ninyo kami. Maraming salamat po. 

Lubos na gumagalang,

Gloria

Dear Gloria,

HINDI LINGID sa ating kaalaman na sa ating kulturang Pilipino, ang pagmamahal ng ina sa kanyang anak ay walang kapantay. Mas nanaisin pa ng isang ina na maghirap kaysa mawalay sa kanyang anak.

Bagama’t ang dating girlfriend ng iyong kapatid ay masasabi nating naging pansamantalang pabaya sa kanyang obligasyon bilang ina dahil sa pag-iwan niya sa bata sa iyong kapatid, hindi ito magiging basehan upang ipagkait sa kanya ang kanyang karapatan sa bata, sa oras na kunin na niya ang bata sa inyo. Maaari niyang bawiin ang bata mula sa inyo, lalo na at ang bata ay isang hindi lehitimong anak, sa kadahilanang hindi kasal ang iyong kapatid sa ina ng bata. Ito ay naaayon at alinsunod sa Article 176 ng Family Code as amended.

Malinaw sa nasabing batas na ang hindi lehitimong anak ay dapat na nasa ilalim ng walang-takdang kapangyarihan ng ina na alagaan ang katauhan at custody nito. Kaugnay nito, ang Kataas-taasang Hukuman sa kasong Joey B. Briones vs. Maricel P. Miguel, (G.R. 156343, October 18, 2004) ay nag-atas na upang maisakatuparan ang nasabing walang-takdang kapangyarihan ng ina sa kanyang anak, ang ina ay may karapatang ilagay sa kanyang pangangalaga ang bata. Ito ay sa kabila pa ng pagkilala ng ama na anak niya ang bata sapagkat ang pagkilalang ito ay magbibigay lamang ng isang obligasyon sa kanya na bigyan ng suportang pinansyal ang bata ngunit hindi ang pangangalaga sa bata. Dagdag pa rito, kahit pa may kakayahang buhayin at magiging maalwan ang buhay ng bata kung ito ay nasa piling ng ama kaysa kung ang bata ay nasa pangangalaga ng kanyang ina, hindi pa rin maaaring makuha ng ama ang kustodiya o pangangalaga sa bata. (Daisie T. David vs. Court of Appeals, Ramon R. Villar, G.R. No. 111180, November 16, 1995, 250 SCRA 82)

Hindi kailanman maipagkakait sa isang ina ang pangangalaga sa kanyang anak, lehitimo man ito o hindi at hindi rin maaaring ilipat ito ng ina sa ibang tao maliban na lamang sa pagkakataong pinapayagan ito ng batas. Halimbawa nito ay kung ipaaampon ang bata. Kung sakaling ang isang magulang ay ibigay ang kustodiya o pangangalaga ng bata sa ibang tao, tulad ng kaibigan o ninong, ninang ng bata, kahit ito pa ay nakasulat, ang ibinibigay ng magulang ay pansamantalang kustodiya o pag-aalaga lamang at hindi ito mabibilang na paglipat ng karapatang alagaan ang bata. (Leouel Santos, Sr., vs. Court of Appeals, et. al., G.R. No. 113054,  March 16, 1995 citing Cells v. Cafuir, 86 Phil. 555 )

Kaya naman, sa oras na bumalik ang dating girlfriend ng iyong kuya at kuhanin niya ang kanyang anak ay hindi ninyo maaaring hindi ibigay ang bata sa kanya maliban na lamang kung patutunayan ninyo sa hukuman na siya ay isang imoral na ina at hindi makabubuti sa bata kung ibibigay ito sa kanya.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleBoy 2 Quizon, lalong naging masigasig sa kanyang mga project
Next articleTeejay Marquez, nagluluksa sa pagkamatay ng ama

No posts to display