ANG KAMPO ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay muling magsusumite ng isa pang petisyon sa Sandiganbayan para hilingin na payagan ang dating pangulo na makapaghain ng piyansa para sa kasong pandarambong. Sa kasalukuyang batas ng Pilipinas, walang piyansa ang mga kasong kung tawagin ay karumal-dumal gaya ng pagpatay o murder, panggagahasa, pagtutulak o pagbebenta ng droga, at pandarambong o plunder.
Ang hakbang na ito ay bunsod ng pagpapalathala ng resulta ng imbestigasyon umano ng United Nations Working Group on Arbitrary Detention na nagsasabi na ang pagkakakulong sa dating pangulong Gloria Arroyo ay “arbitrary”at “illegal under international law”. Ayon sa abogado ni Arroyo, na si Lorenzo Gadon, mahalagang susugan nila ang resulta ng imbestigasyon ng UN Working Group. Hindi naman ito kataka-taka na maging reaksyon ng kampo ng dating pangulo. Obligasyon kasi ng isang abogado ng akusado na gawin ang lahat ng makabubuti para sa kanyang kliyente. Ang tanong lang ay makabubuti kaya ito para sa Pilipinas?
Sa loob ng mahabang panahon ng ating kasaysayan ay mababanaag natin ang serye ng korapsyon sa pamahalaan. Ngayon na lamang tayo nakasasaksi ng isang pamahalaang nagpakukulong ng mga pulitikong may pananagutan sa batas sa mata ng ating hukuman at hindi ng gobyerno. Kaya rin naman nagkakaroon ng kumpiyansa ang mga dayuhang mamumuhunan sa ating ekonomiya ay dahil sa nakikita nilang nilalabanan ng pamahalaan ang korapsyon sa hanay ng mga makapangyarihang taong nakaupo sa puwesto. Kung magiging isang isyu ang pagkakakulong ni Arroyo at tuluyan na siyang makalalaya sa ilalim ng “bail” o piyansa, makaaapekto ba ito sa ating sistemang pulitikal? May epekto rin kaya ito sa takbo ng ating ekonomiya?
MAGIGING ISANG malaking dagok sa sistema ng ating pulitika, batay sa kung paano ito umiiral sa kasalukuyan, ang isyu ng pagiging “illegal” ng pagkakakulong kay Arroyo batay sa prinsipyo ng international human rights standards. Lalo na at mayroon din tayong kasalukuyang kaso sa inirereklamo sa UN laban sa bansang China. Tila mailalagay sa alanganin ang posisyon ng pamahalaan. Ngunit makatuwiran nga ba ang posisyon ng United Nations Working Group on Arbitrary Detention kung bibigyang-diin ang kulturang kinapalolooban ng kasong pandarambong laban kay Arroyo?
Mahalang maipaliwanag at mabalangkas ang posisyon ng UN Working Group batay sa konteksto ng ating kultura. Mahalaga ring maipaliwanag ito sa taong bayan, sa international community, at mga mamumuhunang dayuhan sa ating bansa. Sa aking pananaw ay magiging isang precedent case ang kasong ito kung magkakaroon ng bigat ang posisyon ng UN Working Group sa ating mga korte, partikular sa Sandiganbayan. May merito nga ba ang posisyon ng UN Working Group sa daloy ng kaso ni Arroyo sa Sandiganbayan?
BATAY SA opinion ng UN Working Group on Arbitrary Detention, hinihimok nilang ikunsidera ng pamahalaang Pilipinas ang pagbibigay ng bail o piyansa para kay Gloria Arroyo. Binigyang-diin din nila ang kasalukuyang kalagayan ng kalusugan ni Arroyo. Hindi umano makatao ang pagtrato sa dating pangulo at taliwas ito sa international human rights standards. Ngunit, hindi nga ba matagal nang naka-hospital arrest si Arroyo? Ito’y isang pribilehiyong ipinagkakaloob sa isang akusado dahil sa pagkukunsidera sa kanyang kalusugan o for humanitarian reasons, ‘ika nga.
Ang UN Working Group ay mayroong 5 miyembro na kinabibilangan ng international human rights lawyer na si Amal Alamuddin Clooney, asawa ng sikat na Hollywood actor na si George Clooney. Matatandaang noong isang taon ay naghain din ng kaso si Atty. Amal Alamuddin Clooney sa UN laban sa gobyerno ng Pilipinas upang katawanin ang karapatan ni Arroyo bilang kliyente nito.
DAPAT NATING tandaan na ang imbestigasyon ay pananaw lamang ng 5 taong bahagi ng isang adhoc committee group ng UN na ang trabaho ay bantayan ang mga bansang lumalabag sa international human rights standards at hindi ng buong plenaryo ng United Nations. Mahalaga rin na malaman natin ang konteksto ng kulturang pinanggagalingan ng grupong ito. Ang mga batas sa bawat bansa ay nahuhubog batay sa kultura nito kaya naman napakalawak o very general ang prinsipyong gumagabay sa international law.
Pangunahin na ang koteksto ng “illegal and arbitrary detention” sa mga bansang ang pamahalaan ay diktador o komunista. Ang ibig sabihin ay nanggagaling ang UN Working Group sa konteksto na ang pamahalaan ay hindi “democratic” o walang demokrasyang umiiral, hindi gaya ng sa Pilipinas. Taliwas ito sa sistemang umiiral sa ating bansa, kung saan ay mayroong mandato ang demokrasya at naaayon ito sa batas. Lumalabas na ipinagpapalagay ng UN Working Group na ang pagkakakulong ni Arroyo ay bunga ng isang diktaduryang sistema ng pamahalaan.
Ngunit, maliwanag naman na nakulong si Arroyo batay sa demokrasyang paraan ng batas na nakabase sa presentasyon ng mga ebidensiya laban sa akusado. Mayroong mga mabibigat na ebidensiya ang korte, ayon sa Department of Justice at Supreme court, kaya nagdesisyon ang Sandiganbayan na ipakulong si Arroyo habang umuusad ang kasong plunder o pandarambong. Maliwanag din na wala sa konteksto ng kulturang kinapalolooban ng kaso ni Arroyo, ang resulta ng pag-iimbestiga o posisyon ng UN Working Group. Hindi naman kasi tayo napasasailalim ng isang diktadurya at malinaw ang sistemang demokrasya ngayon sa Pilipinas.
SI ATTY. Amal Alamuddin Clooney, na bahagi ng UN Working Group ay masasabing mayroong “prejudice”at hindi na patas ang pananaw nito sa isyu ng pagkakakulong kay Arroyo dahil sa kasong isinampa niya sa UN laban sa gobyerno ng Pilipinas upang katawanin ang karapatan ni Arroyo bilang kliyente nito. Natural lamang na interes ni Arroyo at hindi ng Pilipinas, ang papanigan ni Atty. Clooney.
Hindi dapat magpa-pressure ang Sandiganbayan sa hakbang na ito ng kampo ni Arroyo dahil malinaw na isa lamang itong istratehiya ng mga abogado ni Arroyo. Ang pangalan ng UN ay nagagamit lamang bilang isang pulitikal na isyu laban sa pamahalaan. Ngunit dapat nating tandaan na kailangang umiral ang batas batay sa ating pambansang konstitusyon at hindi sa international law. Ito ay dahil sa ang batas at kultura ay laging magkatuwang. Hindi maaaring umiral ang isang batas na hindi angkop sa kultura ng isang lipunan. Batay ito sa jurisprudence at panananaw ng mga philosophers at scholars sa araling agham-pulitikal sa buong mundo.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo