MINSAN NANG naging dalawa ang political power sa Makati City dulot ng pagkakasuspinde kay Mayor Jun-Jun Binay, anak ni VP Jejomar Binay. Hati ang kapangyarihan dahil sa tunggalian ng dalawang pangkat ng mga pinuno. Parang sa pelikula at mga babasahing nobela lang natin nakikita ang ganitong power struggle, ngunit ngayon ay isang makatotohanang pangyayari na sa tunay na buhay.
Saan nga ba nagmumula ang kapangyarihan? Ito ang isang tanong na mahalaga para maunawaan ang kalikasan ng isang pamahalaan. Sa teyoretikal na pag-unawa, ang tanong hinggil sa kung saan nagmumula ang kapangyarihan ay nagbibigay ng pag-iiba sa 3 classical framework ng pamahalaan. Ang monarkiya, aristokrasya, at demokrasya.
ANG MONARKIYA ay isang uri ng pamahalaan kung saan ang kapangyarihan ay nagmumula sa isang tao lamang. Noong unang panahon, ang mga hari ay may ganitong kapangyarihan. Ang Vatican City na pinakamaliit na estado sa mundo ay isang monarkiyang pamahalaan dahil ang kapangyarihan dito ay nagmumula sa Santo Papa bilang kanilang head of state.
Ang aristokrasya ay pamahalaang nagkakaloob ng kapangyarihan sa iilang maimpluwensya at piling tao lamang. Hindi malinaw sa kasaysayan ng tao ang aristokratang pamahalaan subalit kung bibigyang paghihimay natin ang nagaganap ngayon sa Pilipinas kung saan sa mga mayayaman, traditional politician, at dinastiya ng pamilya sa pulitika lamang nalilimita ang mga political na posisyon sa pamahalaan, masasabi nating may pagka-aristokrasya ang umiiral na sistemang pulitikal ngayon sa Pilipinas.
Ang demokrasya naman ay pamahalaang nagsusulong ng pantay na karapatan para sa lahat sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapangyarihang pulitikal sa mas nakararaming taong bayan at sinasabing ang pamahalaan ay para sa taong bayan, gawa ng taong bayan, at pinamumunuan ng taong bayan.
Ang pagkakaalis sa pagkapangulo kay Ferdinand Marcos na itinuturing na diktador ay isang pagpapamalas ng demokratikong kapangyarihan at gayundin ang pagkakalulok kay dating Pangulong Cory Aquino sa kapangyarihan.
MALIWANAG SA ating Saligang Batas na ang ating pamahalaan ay isang demokratikong uri. Ipinaiiral dito ang kapangyarihang magdesisyon at pumili na nagmumula sa taong bayan. Marahil dito nag-uugat ang problemang batas laban sa karapatan. Ang problemang ito ay matatanaw sa muling paglalabas ng suspension order mula sa opisina ng Ombudsman sa kasalukuyang mayor ng Makati city.
Kung totoong nasa likod ni Mayor Binay ang mas nakararaming mamamayan ng Makati city, ito ang karapatang ipinaglalaban ng kampo ng mga Binay. Sa kabilang kamay naman ay mayroon ding batas na umiiral para balansehin ang kapangyarihan at parusahan ang mga lumalabag dito. Kung may katotohanan ang mga korapsyong ibinibintang at paglabag ng kampo ng mga Binay sa batas, dapat din nilang panagutan ito kahit pa sila ang pinipili ng taong bayan.
HINDI RIN nila dapat palampasin ang ginawang diretsahang pambabastos at pananakit ng mga supporters ng kampo nina Binay sa mga pulis na nagpunta sa Makati para ibigay ang suspension order. Ang karahasan ay hindi bahagi ng demokrasya dahil lagi itong nakasasama sa lipunan. Dapat papanagutin ang mga taong ito dahil lumabag sila sa batas.
Hinahangaan ko naman ang katapangan at pagtitimpi sa sarili ng mga pulis na humarap sa karahasan ng mga tagasuporta ng mga Binay. Kahit na binabato at hinahampas sila ng mga silya, tinutulak at minumura ay ipinairal nila ang utos na maximum tolerance. Pilit nilang inunawa ang bugso ng damdamin ng mga taong sumusuporta sa pamilyang Binay.
Ang paglaban sa batas ng mga supporters ni Binay at hindi pagsunod ni Mayor Binay sa kautusan ng Ombudsman ay pagpapakita ng kamalian at baluktot na katuwiran. Maaaring ginigipit sila ng kasalukuyang pamahalaan, ngunit hindi ito sapat para yurakan ang batas. Ang karapatan ay hindi kailanman kontra sa batas dahil isinusulong ng batas ang karapatan ng bawat tao.
MAAARING ANG lahat ng ito ay bahagi ng isang maruming pulitika sa bansa, ngunit nakalulungkot na nagagamit ang batas at mga tao ng mga pulitikong sagad hanggang buto ang kasamaan. Ang pagtutunggali ng kapangyarihan ng mga nakapuwesto ay lalo lamang nagpapahirap sa mamamayan.
Sa pangalawang suspensyong inihain ay inaasahang bahagyang titigil na naman ang mga transakyon sa Makati City Hall. Maraming gawain ang mapeperhuwisyo. Maraming tao ang tiyak na apektado at ang masakit ay laging ang mga mahihirap ang unang tinatamaan nito.
PAKANA NGA ba ito ni Sec. Mar Roxas at ni PNoy? Ano ba ang mahihita nila sa panggigipit sa mga Binay? Hindi naman siguro tataas ang rating ni Roxas sa pagka-pangulo dahil hindi nagdudulot ng positibong epekto ang mga ganitong estilo lalo na sa panahon ngayon.
Dapat siguro ay panahon na para harapin ng mga Binay ang lahat ng paratang sa kanila. Ang isang mabuting leader ay nagpapasailalim sa batas. Kapag tinatalikuran ng isang pinuno ang batas, nawawalan siya ng karapatan para ipag-utos sa kanyang mga nasasakupan na sundin ang batas sapagkat siya mismo ay tumalikod dito.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm.
Napanonood ang inyong lingkod sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30am – 12:00nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo