TAHASANG MASA-SABI ko kay Parañaque 1st Dist. Rep. Edwin Olivarez na…
D’yan sa iyong panukalang batas na “Family Tree Planting Act” o House Bill 6087 ay hindi ka patas, Congressman!
‘Yan parekoy ay kung hindi matatawag na isang katangahan!
Ayon dito sa Olivarez Bill, ang bawat mag-asawa sa buong bansa ay obligadong magtanim ng dalawang (2) punong-kahoy sa bawat bata na kanilang isisilang. Ibig sabihin, kung 5 ang inyong anak ay 10 ang punongkahoy na itatanim. Ang mga walang sariling lupa ay doon magtatanim sa lupain o lugar na itatalaga ng gobyerno.
Sa pagsasagawa nito, maging sa inyong sariling lupain o kaya ay sa itinalaga ng gobyerno ay may kaukulang dokumento na lalagdaan ng opisyal ng pamahalaan bilang patunay ng compliance o pagsunod sa nasabing batas.
Sa unang tingin, maganda ang magiging resulta dahil darami ang punong-kahoy sa ating kapaligiran. At hindi lalabas na katangahan kung masasagot lang ni Rep. Olivarez ang mga katanungang ito.
May sapat bang lugar sa bawat barangay sa buong bansa na maitatalaga ang gobyerno upang doon magtanim ang mga walang sariling lupa?
Partikular sa mga siyudad o dito sa Kamaynilaan?
Sa distansiya na isang metro kwadrado bawat pananim, iIang ektaryang lupain sa bawat barangay (lalo na rito sa Metro Manila) ang kailangang ihanda ng pamahalaan para taniman sa loob ng maraming taon?
Kung lahat ay obligadong magtanim, hindi ba maaaring magsuhol na lang ang mga pamilyang maykaya na nakatira sa mga condominium o mga paupahang bahay?
Lumalabas na ang mahirap ay obligadong magtanim bilang pagsunod sa batas pero ang mayaman ay p’wedeng magsuhol ng mga tao na susunod sa batas? Sino naman ang susuhulan? Hindi ba’t ang mahihirap din?
Ibig sabihin, ang batas na ito ay para lamang sa mahirap… ang iba sa kanila ay susunod sa batas para sa kanilang sarili at ang iba naman ay sinusuhulan para “isunod sa batas” ang mga tinatamad na mayayaman!
Tang’na parekoy, ang gulo!
Ayon pa rito sa Olivarez Bill, ang magulang na hindi gaganap sa nasabing tungkulin ay hindi ibibigay ang “birth certificate” ng nasabing bata.
Alam naman natin, parekoy, na ang birth certificate ay isang requirement para ang isang bata ay makapag-aral, makapagtrabaho (local man o abroad) at sa iba pang mahalagang paggagamitan nito.
Kung susundan itong panukalang batas ni Rep. Olivarez, ibig sabihin, dahil sa katamaran ng magulang ay ide-deprive na ang karapatan ng isang bata na siya ay makapag-aral? Dahil sa katamaran ng kanyang magulang ay aalisan na rin ang isang bata ng karapatan na magtrabaho para mabuhay?
At kung gustuhin niyang mabuhay, dahil hindi naman nakapag-aral ay obligado siyang magnakaw o gumawa ng masama… na kapag mahuli ay tiyak na makukulong!
No person shall be deprived of life, liberty and equality without due process of law!!! Maliwanag ‘yan sa ating Constitution, Congressman Olivarez!
Eh, nasaan ang due process of law para sa isang bata kung ang kanyang magulang ay tamad o ayaw sumunod sa batas?
In-short, kung ang magulang ay hindi susunod sa batas, ang kanilang anak ang ide-deprive ng life, liberty at equality!
B’wisit na panukala ‘yan… isang katangahan! P’we!!!
Makinig sa ALARMA Kinse Trenta sa DZME 1530kHz, 6-7 a.m., Lunes-Biyernes. May live streaming sa www.dzme1530.com. Ipaabot ang anumang reaksiyon sa [email protected]; CP no. 09098992775/ 09166951891/ 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303