Batas sa Paupahan

Dear Atty.Acosta,

MAGANDANG ARAW sa inyo. Ako ay na-ngungupahan sa isang apartment. Nais ko sa-nang magtanong kung mayroon bang batas na sinusunod sa bahay-paupahan, kasi po ang may-ari ng tinutuluyan namin ngayon ay basta-basta lang magdeklara ng presyo sa upahan ng apartment. Kung may batas man tungkol dito, ano po ang batayan sa mga room for rent o apartment for rent kung magtaas man sila? Kasi ang liit ng tinutuluyan namin tapos ang presyo katulad sa isang two-storey apartment. Nais ko lang malinawan po. Maraming salamat po. More power. God bless you.

Respectfully yours,

Jam

 

Dear Jam,

MAY BATAS na pumapatungkol at sumasakop sa mga paupahan na ginagamit bilang tirahan at sa pagpapatupad ng pagtataas sa renta para sa pagtira sa mga ito. Ang batas na ito ay ang Republic Act No. 9653 o ang Rent Control Act of 2009. Ayon sa nasabing batas, sinasakop nito ang pagpapa-upa sa mga residential units na binigyang kahulagan sa nasabing batas bilang “an apartment, house and/or land on which another’s dwelling is located and used for residential purposes and shall include not only buildings, part or units thereof used solely as dwelling places, boarding houses, dormitories, rooms and bedspaces offered for rent by their owners, except motels, motel rooms, hotels, hotel rooms, but also those used for home industries, retail stores or other business purposes if the owner thereof and his or her family actually live therein and use it principally for dwelling purposes.” [Section 3(b)] Malinaw sa nakasaad na sakop ang mga paupahang kuwarto o kahit bedspace sa naturang batas, basta ito ay inu-upahan upang tirahan.

Ayon din sa R.A. No. 9653, hindi maaaring magtaas ng renta ang nagpapaupa sa loob ng isang taon. Samakatuwid, maaari lamang magtaas ng sinisingil na renta ang mga nagpapaupa pagkalipas ng isang taon ng pagtira ng nangungupahan. Gayunpaman, kahit maaari nang magtaas ng sinisingil na upa pagkalipas ng isang (1) taon, hanggang pitong porsyento (7%) lamang ang maaaring ipataw na pagtaas ng nagpapaupa. (Section 4) Ngunit may karapatan naman ang nagpapaupa, bilang may-ari, na itakda ang halaga ng upa o renta sa simula ng kasunduan o kontrata ng mga bagong uupa.

Ang paglabag sa mga itinakda ng nabanggit na batas ay may kaakibat na parusang pagkakakulong nang mula isang (1) buwan at isang (1) araw hanggang sa anim (6) na buwan at pagbabayad ng fine na hindi bababa sa halagang dalawapu’t limang libong piso (P25,000.00) at hindi tataas sa limampung libong piso (P50,000.00). (Section 13)

Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong ibang maidagdag.

Nawa’y kami ay nakatulong na maliwanagan kayo sa inyong suliranin.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleFrankenstorm
Next articleMahihiya ang Demonyo kay SPO4 Ceniza!

No posts to display