Batas-Trapiko

ANG PILIPINAS na ngayon ang itinalang pangatlo sa puwesto na may pinakamalubhang problema sa trapiko sa buong Asya at ikalima naman sa buong mundo ayon sa isang pag-aaral gamit ang traffic index sa pagtatala ng grupong Numbeo.

Nanguna ang bansang Egypt sa listahan na sinundan naman ng South Africa. Sa ikatlo at ikaapat na puwesto ay ang bansang Iran. Pilipinas ang ikalima sa puwesto. Ang mga bansang Turkey, Russia, India, Brazil, at Argentina naman ang nasa pang-anim hanggang pang-sampung puwesto.

Para sa isang regular na nagmamaneho ng pribadong sasakyan ay hindi bababa sa dalawang oras ang biyahe sa Muñoz-EDSA hanggang EDSA-Ayala tuwing rush hour. Tatlo hanggang apat na oras naman ang guguguling oras kung sasakay sa isang bus na humihinto sa maraming lugar sa kahabaan ng EDSA. Talaga namang maituturing na isang parusa ang pagbabiyahe sa Metro Manila araw-araw.

Kung tutuusin ay dapat sanay diretso lang ang daloy ng trapiko sa kahabaaan ng EDSA dahil walang hintuan ang kalsadang ito kung babagtasin gamit ang mga fly-over at underpass ng EDSA. Ngunit bakit nga ba nagkakaipitan pa sa kabila nito? Dalawang dahilan lang ang malinaw na sagot dito. Ang sobrang dami ng sasakyan at hindi pagsunod ng mga driver sa batas-trapiko.

ANG MGA nagkakaipitan na parte sa EDSA ay kadalasang nasa entrada ng underpass o fly-over. Mga bus ang bumabara rito. Dahil dapat ay sa ibabaw ng mga underpass lang sila dadaan at nagpupumilit silang dumaan sa kaliwang bahagi ng kalsada at saka sila sasaksak sa entrada ng underpass para muling makabalik sa ibabaw. Ganito lagi ang sitwasyon sa Cubao, Shaw Boulevard, at Ayala.

Mga driver na pasaway sa pagpapalit-palit ng lane at pilit na sumisingit ang nagpapalala sa traffic sa lahat ng kalsada sa Metro Manila. Binabalewala rin nila ang mga traffic enforcers ng MMDA at kadalasan ay nauuwi pa ito sa pananakit sa mga traffic enforcers ng mga mayayabang at matatapang na drivers.

Napapanahon na nga ang pagbabalik ng mga Highway Patrol Group (HPG) sa kalsada para mangasiwa ng malalang traffic sa EDSA. Gaano nga ba kaepektibo ito? Paano ang mga pangambang muling magbabalik din ang problema sa pangongotong ng mga HPG na naging talamak noon at dahilan para alisin sa kanila ang pagmamando sa trapiko?

IPINAHAYAG NA ng HPG ang kanilang kahandaan sa pagsasaayos ng trapiko sa buong Metro Manila na magsisimula sa ngayong araw na ito. Ipinayo ni HPG Director Chief Superintendent Arnold Gunnacao sa mga motorista na sumunod sa traffic rules and regulations sa kahabaan ng 23.8-kilometer highway ng EDSA.

Sinabi ni Gunnacao na si PNP Chief Ricardo Marquez ang mangunguna sa isang seremonya na magpapadala sa HPG police officers mula PNP headquarters sa ganap na 4 a.m. ng Monday. Mariin ding ipinaalala ni Gunnacao na magiging mahigpit ang pagtutok ni PNP Chief sa utos na huwag gumawa ng kalokohan sa pagbabantay ng trapiko sa kahabaan ng EDSA, lalo na ang pangongotong sa mga motorista.

Marahil ay maiiba na nga ang takbo ng mga bagay-bagay para sa mga HPG na magbabalak na gumawa ng kalokohan at pangongotong. Si Gunnacao na rin ang nagsabi na dapat maging mapagbantay ang mga motorista sa mga HPG na makikita nilang may kahina-hinalang galaw sa paghuli ng mga violator. Ang teknolohiya ay malaking bagay para maging mabilis ang pagkakasupil sa mga HPG na gagawa ng kalokohan. Kung malalaman nilang laging may mga mata at camera na nakabantay sa kanila ay tiyak na magdadalawang-isip ang mga ito.

ANG “30-SECOND rule” ang isa sa mga measures na ipatutupad ng PNP para matiyak na walang pagkakataong makapangotong ang HPG sa mga motorista. Gaano nga ba kaepektibo ito? Paparahin ang violator, kukunin ang lisensya at ibibigay ang ticket. Pero paano kung mayroong hindi pagsang-ayon sa huli ang driver? Ito rin kadalasan ang nagpapatagal sa usapan sa pagitan ng driver at traffic officer. Mayroon ding sistemang “paipit” kung saan ay mayroon nang nakahandang nakaipit na pera sa lisensya ng driver.

Nagbabala si Gunnacao na ang pag-bribe sa isang HPG officer ay criminal offense at ito ay may parusang pagkakakulong sa loob ng 6 hanggang 12 taon. Magkakaroon din ng “3-day” rotation sa mga HPG para maiwasan ang “familiarity” ng mga motorista sa nagbabantay na HPG. Mayroon ding mga roving inspectors para mag-audit ng performance ng mga HPG personnel.

Sana lang ay maging makatotohanan ang ipinangako ni Gunnacao na magiging mabilis ang pagtapos ng mga kasong may kinalaman sa pangongotong ng HPG at may malinaw na pagpaparusa sa mga mapapatunayang gumawa ng mali. Kung mayroong mga matatanggal sa trabaho ay tiyak na hindi sasayangin ng mga HPG ang kanilang karangalan at trabaho kapalit ng ilang barya-barya lang.

ANG ODD-EVEN scheme sa EDSA ay isang solusyon din para mabawasan ang daloy ng mga sasakyan dito. Kaya lang ay tiyak na maraming mahihirapan na may iisang sasakyan lamang. Ngunit hindi naman kailangan talaga ng pribadong sasakyan sa EDSA kung maayos ang MRT para magamit ng mga tatamaan ng odd-even number scheme.

Ang pagdami ng populasyon ng mga sasakyan ay bahagi ng pag-unlad ng ekonomiya. Kailangan lamang ng masusing urban planning para hindi maging pasaning problema ang mabigat na trapiko sa mga mamamayan.

Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.

Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.

Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleNatatakot makuha ng dating boyfriend ang anak
Next articleSexy star, pinagsabay-sabay ang 5 boyfriends

No posts to display