Dear Atty. Acosta,
SINAMPAHAN PO ako ng kasong Estafa sa Regional Trial Court. Pumunta ako sa PAO upang humingi ng abogado ngunit hindi raw nila ako matutulungan sapagkat may kakayahan daw akong magbayad ng abogado. Dahil dito, kumuha ako ng private lawyer upang maging abogado ko sa kaso. Napag-alaman ko na lang na nirepresenta ng isang abogado ng PAO ang isang akusado na sa pagkakaalam ko ay mayaman. Ano po ba ang batayan upang magkaroon ng abogado galing sa PAO?
Anonymous
Dear Anonymous,
ANG PUBLIC Attorney’s Office (PAO) ay isang ahensiya ng gobyerno na nagbibigay ng libreng serbisyong legal. Ayon sa Memorandum Circular No. 002, Series of 2010 ng PAO, kinakailangan na ang net income ng isang kliyente ay hindi hihigit sa P14,000 kung nakatira sa Metro Manila, hindi hihigit sa P13,000 kung nakatira sa ibang lungsod sa labas ng Metro Manila, o hindi hihigit sa P12,000 kung nakatira sa ibang lugar upang mabigyan ng abogado ng PAO.
Ang nasabing tao ay kinakailangang magsumite ng alinman sa mga sumusunod bilang patunay na siya ay kwalipikado na maging kliyente ng PAO: Latest Income Tax Return o pay slip o iba pang katibayan ng kanyang income o kita; o
Certificate of Indigency mula sa Department of Social Welfare and Development, o sa Municipal Social Welfare and Development Office na sumasakop sa lugar kung saan nakatira ang kliyente;o Certificate of Indigency mula sa Barangay na sumasakop sa lugar kung saan nakatira ang kliyente.
Ngunit kahit na hindi indigent ang isang kliyente ay maaari pa rin tumayong abogado ang isang public attorney bi-lang counsel de oficio o pansamantalang abogado kung ito ay ipag-uutos ng hukom sa korte o ng mga government authorities. (R.A. 9406) Samantala, maaari siyang tumayong permanenteng abogado kung ang akusado ay isang kamag-anak na maykaya sa buhay within the fourth civil degree of consanguinity or affinity. Sa pagkakataong ito kailangan naka-leave ang naturang abogado sa tuwing magkakaroon ng hearing at kailangang banggitin niya na siya ay tumatayong abogado sa kanyang personal o pribadong kapasidad. Kung pumasa naman sa indigency test ng PAO ang kamag-anak ng abogado ng PAO, maaaring ma-bigyan siya ng serbisyo ng PAO kung saan nakabinbin ang kaso.
Sa kabilang dako, maaaring magkaroon ng administrative liabilities ang isang PAO lawyer kung siya ang tumayo o tumatayong abogado sa kliyenteng hindi kuwalipikado sa serbisyo ng PAO. Kung mapatutunayan ang kanyang pagkakasala ay maaari siyang masuspinde o matanggal sa trabaho.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta