ANG BAGONG batas na isinusulong sa Senado hinggil sa maanomalyang pampadulas at lagay sa mga opisyal ng gobyerno ay maaaring maging pangunahing solusyon sa matagal nang nakagawian sa gobyerno kung saan talamak ang paglalagay sa pamamagitan ng regalo o pera.
Ang Senate Bill 118 o “law against influence peddling” ay isinulat ni Senador Francis Escudero. Ito ang sinasabi ng SB 118: It would be unlawful for any person “ to represent himself as being able to influence, either orally or otherwise to facilitate or assist another person with business , application, request or contract with the government in which a public official or employee has to act or intervene.”
Ang ibig sabihin ng SB 118 ay labag sa batas ang paggamit ng ano mang uri ng impluwensya gaya ng simpleng pagbabanggit ng pangalan ng opisyal, pagpapakita ng calling card o pagpapakita ng sulat kung saan nakikialam sa proseso ng mga transakyon sa kalakalan, aplikasyon sa trabaho o permit, request at kontrata sa pagitan ng gobyerno.
Sa panukalang batas na ito ay pinaparusahan, hindi lang ang tumatanggap kundi pati ang mga taong naglalagay, nagpapadulas at nagreregalo.
Ang sino mang lalabag sa batas ay may parusang anim na taong pagkakakulong, multang hindi lalagpas sa P100,000.00 at pagkadiskuwalipika sa paghawak ng anumang puwesto sa pamahalaan.
SUPORTADO NG Department of Justice (DOJ) ang panukalang ito dahil sa laganap at tila naging kultura na sa gobyerno ang “lagay” at “padulas”. Sinabi ni DOJ Secretary Leila De Lima, pasok na pasok at naaayon sa adhikain ng pamahalaan ang SB 118. Pangunahing layunin ng gobyernong Aquino ang burahin sa sistema ng pulitikang Pinoy ang korapsyon.
Alam nating sa mga lagay at padulas nagsisimula ang lahat ng uri ng korapsyon. Kailan lang ay naging matunog din ang isyu tungkol kay “Ma’am Arlene”. Siya umano ang pinakamalaking fixer sa loob ng Supreme Court (SC). Ngayon ay pinag-aaralan at nagsasagawa na ng imbestigasyon ang SC hinggil sa nasabing isyu.
MARAMING GANITONG kalakaran sa lahat halos ng tanggapan ng gobyerno. Ang problema ay kung kultura na ito, paano pa mahihinto ang ganito. Siguradong hindi naman mag-iingay ang tumatanggap na opisyal dahil gusto nila ang tumanggap ng mga regalo at suhol.
Babalik pa rin ang usapan na ito sa kung anong klaseng opisyal ng gobyerno mayroon tayo ngayon. Lahat naman ito ay mauuwi sa pagbibigay ng pabor sa kakilala o kaibigang minsang nakatulong sa pulitiko.
Ang pinakapanukatan nito ay ang Pangulo mismo. Kung sisimulan niyang sibakin sa trabaho ang mga kaibigan niyang nakapuwesto dahil sa kasama lamang niya ito sa kanyang paglilibang, ay malaking tanda ito na seryoso na tayo sa tuwid na daan.
Dapat magsimula sa Palasyo ang kultura na walang kai-kaibigan, walang mga padulas, regalo at lagay, walang pabor-pabor sa mga pinagkakautangan ng loob at kamag-anak na binibigyan ng espesyal na pribilehiyo.
Wala kasing pinagkaiba ang mga pabor na nakukuha mula sa mga padulas at lagay na ‘yan, sa mga pabor na ibinibigay sa kamag-anak o kakilala!
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood din sa T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm at sa Aksyon Weekend News tuwing Sabado, 5:30 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo