ARAW-ARAW AY matinding trapiko ang dinaranas ng mga motoristang Pilipino sa halos lahat ng mga pangunahing lansangan sa Metro Manila. Ang pinakamalala na yata rito ay ang trapiko sa EDSA!
Tuwing rush hour ay aabot sa dalawa hanggang tatlong oras ang paggapang sa pinakasikat na highway ng bansa. Ito marahil ang dahilan kung bakit naisipan ni Ariel Inton na imungkahing ipagbawal ang mga pribadong sasakyan tuwing rush hour. Si Inton ay dating konsehal ng ikaapat na distrito ng Quezon City na ngayon ay nagsisilbing board member ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Iminumungkahi niya na ipagbawal ang mga pribadong sasakyan sa EDSA, apat na araw sa isang lingo, mula alas-sais hanggang alas-nuwebe ng umaga. Sa panukalang ito ay binibigyang prayoridad ang mga pampublikong sasakyan lalo na ang mga bus, sapagkat maaari naman daw dumaan sa ibang ruta ang mga pribadong sasakyan. Sa isang interview, sinabi ni Inton na nasa 80 porsyento ng mga sasakyan ang mababawas sa EDSA kung maipatupad ang panukalang ito.
NAPAKARAMING DAHILAN kung bakit hindi dapat ipagbawal ang mga pribadong sasakyan sa EDSA. Heto ang ilan sa mga dahilan:
Una, labag sa batas ang panukalang ito. Hayagan nitong nilalabag ang karapatan ng mga mamamayan na makapagbiyahe at kumilos ayon sa Saligang Batas. Ito rin ay lumalabag sa karapatang bumili ng ari-arian at gamitin ito. Para saan pang bibili ka ng sasakyan kung hindi mo ito puwedeng gamitin? Paano kung EDSA lang ang tanging daan upang makarating sa kailangang puntahan? Tsk tsk… tila hindi yata nila ito naisip.
Pangalawa, malaki ang magiging epekto nito sa ekonomiya. Ang higit na maaapektuhan ng panukalang ito ay ang middle income earners. Sila ang mga nagmamay-ari ng mga sasakyan na tumutungo sa Makati at Ortigas upang magtrabaho. 36 na porsyento ng ating gross domestic product o panloob na kita ng bansa ay nanggagaling sa mga taong ito. Kung hahadlangan ang pagpasok nila, malaking bahagdan ng kita ng gobyerno ang mawawala. Kung babalikan ang ipinatupad na truck ban sa Maynila, maaalala ninyo ang laki ng epekto nito sa ekonomiya. Ganito rin ang mangyayari sakaling ipatupad ang panukala ni Inton.
Ikatlo, hindi saklaw ng LTFRB ang regulasyon ng mga pribadong sasakyan. Ang trabaho ng LTFRB ay siguraduhing nasa ayos ang pagpapatakbo at regulasyon ng mga pampublikong sasakyan gaya ng bus, jeep, taxi at fx.
Kung hindi papayagang dumaan sa EDSA ang mga pribadong sasakyan sa oras ng pagpasok, siguradong pipiliin ng mga taong ito na sumakay sa mga pampublikong sasakyan na ayon naman kay MMDA Chairman Francis Tolentino ay hindi kakayanin ng public transport ang magiging dagsa ng mga tao.
Sa halip na nagbibigay ng mga ganitong suhestyon ang LTFRB, bakit hindi nila pagtuunan ng pansin ang mga isyu na saklaw ng kanilang institusyon? Laganap pa rin ang kolorum na taxi, bus at fx. Kung sanay kang dumaan sa EDSA, makikitang ito, lalo na ang mga bus, ang sanhi ng matinding pagsikip sa EDSA.
Ikaapat, ang pag-ayos ng pampublikong transportasyon dapat ang prayoridad ng ahensiya. Dapat ay ayusin ang masisikip na kalsada. Alisin ang mga hindi kailangang barriers at mga illegal vendor. Gayundin ay ipagbuti ang serbisyo ng mga tren. Ang LRT at MRT ay malaki ang maitutulong upang maibsan ang matinding trapiko kung ito ay komportable at hindi sapalaran ang pagsakay. Marami ring mga panukala na hindi pa naipatupad subalit may potensyal. Ito ang dapat pagtuunan ng pansin.
BILANG PAGTATAPOS ay gusto kong ipaala sa inyo na ang urban planning ay isang siyensya. Ito ay pinag-aaralan at pinagdadalubhasaan. Hindi puwedeng basta-basta ito, na kung ano lang ang mapag-isipan ay iyon ang sasabihin na walang tamang pagsasaliksik. Hindi puwedeng gamiting dahilan sa huli na, “hindi ko kasi naisip na”.
Mahirap maulit muli ang naging epekto ng ipinatupad na truck ban sa Maynila kung saan malaki ang naging epekto nito sa ekonomiya ng bansa. Ito ay dahil sa hindi pinag-isipan nang maigi at hindi naging matalino ang pagdedesisyong ito.
Sabi nga ng pilosopong si Socrates, “The greatest vice is ignorance.” Ang mga ‘di pinag-isipang desisyon ay magdadala sa mga tao sa kapahamakan. Kung kaya’t tayo ay hinihikayat na mag-isip at maging mapagmasid. Maging kritikal sa mga desisyong ginagawa ng gobyerno para sa atin. Gayundin, hinihikayat ko ang mga opisyal ng gobyerno na pag-isipan muna nang maraming beses ang mga panukala bago ito isapubliko. Mag-research muna, kumonsulta sa mga eksperto at isangguni sa mga mas akmang departamento. Ang mga panukala na ginagawa ay dapat para sa mamamayan at hindi para sa sarili. Kung ang lahat ng politiko ay ganito ang pag-iisip, para sa tao at hindi para sa sarili, siguro ay noon pa nawala ang trapik sa EDSA, o di kaya’y hindi na kailanman naging trapik and EDSA.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ang inyong lingkod ay napanonood din sa Aksyon Tanghali news, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 pm sa TV5. Samantalang ang T3 Enforced naman ay napanonood tuwing 12:30-1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes sa TV5 pa rin.
Para sa inyong mga sumbong, magtext sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo