MAGANDA, PARE-KOY, itong panukalang batas ni Partylist Rep. Eulogio “Amang” Magsaysay kaugnay sa pagbabawal sa sinuman na dumura sa alinmang pampublikong lugar.
Natatandaan ko, parekoy, ang sinabi minsan ni dating MMDA Chairman Bayani Fernando.
Na mahalaga sa bawat naninirahan sa “urban areas” na dapat magkaroon ng URBANIDAD.
Sa tinatawag na “urbanidad,” kasama na d’yan, parekoy, ang hindi pagdura sa mga pampublikong lugar.
Kaya sa puntong ‘yan ay tumpak si Rep. Magsaysay.
May mga katanungan lang tayo, parekoy. Mas mahalaga ba itong isyu ng pagdura kumpara sa walang pa-kundangan na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo?
Mas mahalaga ba ang isyu ng pagdura kumpara sa nararapat na pagbusisi ng Kongreso sa book of accounts nitong mga kapitalista ng langis?
Mas mahalaga ba ang isyu ng pagdura kumpara sa nararapat na pagsasabatas ng Kongreso ng mga bagay na makatutulong sa kahirapang dinaranas ng mga Pinoy?
Mas mahalaga ba ang isyu ng pagdura kumpara sa nararapat na hakbang ng Kongreso para matulungan ang problema ng informal settlers na nasa urban areas?
Mas mahalaga ba ang isyu ng pagdura kumpara sa nararapat na pagsasabatas ng Kongreso sa Freedom of Information upang maibsan ang pangungurakot ng mga opisyal ng pamahalaan?
Ito pa ang problema, parekoy, sino ang magpapatupad kung sakali nitong batas na magbabawal sa pagdura?
Army? Navy? Air Force? Police? NBI? Security Guard? Barangay Tanod? NPA? MILF? MNLF? O Abu Sayyaf?
Halos alam na kasi natin na mauuwi lang ang batas na ito sa graft and corruption!
Ang siste, parekoy, kung magmatigas ang violator, eh ‘di mapipilitan ang apprehending officer na sampahan ng kaso sa korte.
Eh, ano naman ang ipi-prisintang ebidensya sa korte?
Alam ko na, parekoy, ang natuyong dura na bibitbitin at ipi-preserve ng pulis!
Hak, hak, hak!
Eh, kung itanggi pa rin ng violator pagdating sa korte?
Siyempre gagastusan ng gobyerno nang mahigit libo para sa pagsasagawa ng DNA test.
Para kung mapatunayan ay magmumulta ang violator ng nasa P500!
Susmaryosep na panukalang batas na ‘yan, parekoy! P’we!
Siyanga pala Rep. Eulogio Magsaysay, hindi ba higit na kabastusan kesa pagdura kung murahin ang isang babaeng flight attendant dahil lamang sa hindi napagbigyan na maitabi sa kanyang upuan ang kanyang anak?
Ano na kaya ang balita sa inihaing reklamo noon ng isang flight stewardess laban dito kay Rep. Magsaysay?
‘Yun po ang tunay na kabastusan at kawalan ng urbanidad! P’we!!!
TALAMAK, PAREKOY, ang jueteng ni Don Ramon sa mga lalawigan ng Mindoro.
Malakas daw ang loob ni Dok (Don Ramon) dahil naka-payola sa kanya ang matatas na opisyal sa Mindoro.
Nasaan na kaya ang “one-strike policy” ng Philippine National Police?
PAKINGGAN ANG aking programang ALARMA Kinse Trenta sa radio station DZME, 1530kHz, AM band (dulong-kanan ng talapihitan) tuwing alas 6-7 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes. Mapapanood din ito via live streaming sa www.dzme1530.com. Anumang reaction ay ipaabot lamang sa [email protected] o CP No. 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303