MAYROON NANG batas na nagbabawal sa mga magulang na mamalo o gumamit ng dahas sa pagdidisiplina sa kanilang mga anak. Ito ang anti-corporal punishment law. Dati-rati ay naririnig lang natin ang ganitong batas sa Amerika. Hindi naman ito siguro pangkaraniwang panggagaya lang ng mga Pinoy katulad na ng nakasanayan ng marami.
Ang batas na nagbabawal sa pamamalo ay tila may mas malalim na layunin sa buhay ng mga tao sa lipunan. Ang pamamalo ay hindi lang natatapos sa loob ng tahanan ng isang pamilya gaya ng paniniwala ng marami. Ito ay may direkta at malaking epekto sa lipunang ating ginagalawan. Ang mga pag-uugali natin at kung papaano tayo makitungo sa ating mga kapwa tao ay may malaking impluwensya mula sa kultura ng ating mga pamilya at tahanan.
Kung marahas ang ating kinalakihang pamilya ay malaki ang posibilidad na tayo ay maging marahas din. Ayon sa mga eksperto ng sikolohiya at sosyolohiya, ang domestic violence ang pinag-uugatan ng social violence. Dito rin nauugat ang lahat ng krimen sa lipunan ayon sa isang pag-aaral. Kaya mahalagang pagtuunan ng pamahalaan ang bagay na ito.
ANG MARAMI sa atin ay siguradong napalo na ng ating mga magulang o tagapag-alaga. Ano ba ang ating naramdaman? May galit ba rito at mas matindi ba ito kaysa sa pagkaunawa na tayo ay may nagawang kasalanan? Sinasabi ng mga eksperto na ang paggamit ng dahas o pamamalo sa isang bata ay walang dinudulot na mabuti sa batang dinidisiplina. Hindi nauunawaan ng isang bata ang dahas, sakit ng palo, parusa at sakit na ibinibigay sa kanya. Galit at pagkalito lamang ang pumapasok sa isipan nila.
Ang akala ng maraming magulang ay dito nadidisiplina ang kanilang mga anak. Ang totoo ay hindi disiplina ang natututuhan nila kundi takot lamang. Malaki ang pinagkaiba ng disiplina sa takot, ayon sa mga eksperto. Ang pagkakaroon ng disiplina ay isang matuwid na ugali at may malayang pagpili ang isang tao sa gawaing pinaniniwalaan niyang naaayon sa batas at mabuti ito sa pamantayan ng lipunan at kulturang kanyang kinabibilangan.
Ang takot ay ibang-iba sa disiplina sapagkat wala itong malayang pagpili. Ginagawa lamang ng isang batang may takot ang isang bagay dahil ayaw niyang masaktan muli. Ang problema rito ay sa oras na mawala ang takot sa kanyang puso ay lalaban na ito sa magulang at pagkalauna’y sa batas ng lipunan. Kung wala na siyang takot ay gagawin na lamang niya ang kanyang nais dahil ang kanyang pagkatao ay binabalot lamang noon ng takot, galit at poot.
MARAMING MGA mararahas na tao ngayon sa lipunan natin dahil lumaki ang marami sa atin sa takot dahil sa pamamalo ng ating mga magulang. Sa pagtanda ng tao ay lumalakas ang kanyang loob at bahagi ng mga pagbabagong nagaganap sa kanyang sarili ay ang paglakas ng loob at labanan ang takot sa kanyang sarili. Hindi na niya tinitingnan ang kabutihan ng isang gawa dahil sa mga benepisyo nito sa lipunan, bagkus ay dapat lamang itong gawin dahil may takot na nararamdaman kung hind ito susundin.
Ang kultura ng karahasan o violence ay dapat nang magwakas sa ating lipunan. Ito ay magsisimula sa ating tahanan at lalo na sa ating mga magulang. Napapanahon ang batas na nagbabawal sa mga magulang na paluin ang mga anak upang mabago na ang lumang kultura ng pamamalo at mawala na nang tuluyan ang karahasan sa loob ng isang pamilya o domestic violence.
Makabubuti kung ang gobyerno ay tutulong para bigyang eduksyon ang mga magulang sa tamang pagdidisiplina sa kanilang mga anak. Dapat ding maipaliwanag nang maagi ang batas na ito upang hindi ito masamain ng mga tradisyunal na mga magulang at pamilya.
ANG PAKIKILAHOK ng komunidad ng mga akademiko sa paggawa ng mga bagong batas ay mahalagang interaksyon ng mga iba’t ibang sektor sa lipunan. Mas humuhusay ang mga batas kung may pag-aaral at pagsasaliksik sa likod ng isang pinapanukalang batas. Sa pamamagitan ng ganitong ugnayan ay mas napadadali ang trabaho ng mga mambabatas at tiyak na may saysay ang mga panukalang batas na ito.
Hindi gaya ng dati na ang mga batas ay kung ano na lamang ang maisip ng isang mambabatas na karamihan noo’y pawang pagpapalit lamang ng mga pangalan ng kalye at paaralan sa pangalan ng kanilang mga magulang o lolo. Mainam na nakikipag-ugnayan na ngayon ang mga mambabatas sa mga propesor, doktor at mga eksperto sa lipunan upang mas maunawaan nila ang lagay ng lipunan gamit ang agham panlipunan at siyensya.
Ang batas na nagbabawal sa pamamalo ay may malalim na pag-aaral mula sa mga ekperto sa behavioral science, partikular sa sikolohiyang pambata at sosyolohiya. Matitiyak natin na may mabuting epekto ang batas sa lipunan dahil pinag-aralan itong maigi ng mga eksperto. Sana sa susunod na pagbubukas ng Kongreso ay mas maging aktibo ang partisipasyon ng mga akademista at iba’t ibang mga eksperto sa lipunan upang mas maging mahusay pa ang mga susunod na gagawing batas sa ating bayan.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Napanonood din ang inyong lingkod sa newscast na Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 noon. At sa T3 Enforced, 12:30-1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes pa rin sa TV5.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo