Bawal Umihi Dito

PASINTABI PO sa titulo ng ngayong pitak. Subalit dapat pag-usapan ang tunay na kahulugan ng patalastas na ito.  Nakaguhit sa mga pader, poste ng Meralco, gilid ng eskuwelahan at iba pang public places. Halos sa buong bansa.

Kamakailan nag-inspeksyon si Pangulong Noynoy sa isang NAIA comfort room. Wala siyang sinabi subalit paglabas ay nakasimangot. ‘Di pa nalalaunan, ang global tourism survey ay nagbansag na ang NAIA ang pinakamaruming international airport sa buong mundo. Walang kumontra rito. Sapagkat totoong-totoo.

Nu’ng MMDA Chair si Bayani Fernando, naging kontrobersyal ang pink urinals na ipinalagay niya sa main thoroughfares ng Kamaynilaan. Inulan ng sangkatutak na batikos. Ngunit matigas ang ulo ni Fernando. Kaya sa loob ng 9 na taon niyang pamamahala, ang amoy ng ihi ay naging pabango sa mga lansangan. Only in the Philippines.

Halos lahat ng public toilets ay umaalingasaw sa baho. At mas lalong grabe sa mga natitira pang 3rd-class moviehouses at hotels. Bakit mayroon tayong ganyang kultura ng kabahuan?

Bakit baboy ang karamihan sa mga Pilipino?

Ang ganitong uri ng ating kababuyan ay isa sa maraming dahilan kung bakit ganito ang sitwasyon ng ating bayan. Likas ba tayong ganito?

Ang kultura ng kalinisan ng mga advanced countries ay kapuri-puri. Maliban sa mga ghettos, lahat halos ng lugar sa U.S. ay makinang sa linis. P’wedeng tulugan ang mga public toilets. Gayon din sa Australia, Canada, at iba pang European countries.

May kasabihan: “Cleanliness is next to Godliness.”

SAMUT-SAMOT

 

NASUWERTEHAN KO kahapon sa Talk TV ang interview sa American actress Angelina Jolie tungkol sa kanyang first directed movie, “I’m the Land of Blood and Honey”. Ang pelikula ay tungkol sa isang dekadang dictatorship at civil war sa Bosnia. Ang cast ay mga mismong Bosnians na naranasan ang lagim ng conflict. Habang nagsasalita si Angelina sa tila mapang-anyaya niyang labi, halos nag-init lahat ng ugat ng aking katawan. Ang matang mapanghalina ay nagpapula sa aking pisngi. Angelina is not only a great actress and director. She’s a world class philantropist. Part of her million earnings are siphoned to organizations, taking of war refugees and orphans in Africa. Suwerte si Brad Pitt!

ANIM NA libong low-cost houses ang sisimulan nang ipatayo ng Habitat for Humanity sa mga biktima ng Sendong sa Cagayan de Oro City. 70% ng gastos ay galing sa DSWD. Ang 30% ay tulong ng private sector. Hinimok pa ng humanitarian organization ang tulong ng private sector para sa mga biktima ng bagyo sa Iligan City at Surigao del Sur.  Tinitiyak na ang proyekto sa CDO ay matatapos sa loob ng anim na buwan. Purihin ang fast track aksyon ng DSWD.

KALIWA’T KANAN ang balita ng massive flooding sa buong mundo – China, U.S., Brazil, Australia – at ang ating bansa ay palagiang biktima nito. Katunayan ng adverse effects ng climate change dala ng ‘di pag-alaga sa kalikasan. After the great flooding during Noah’s time, ipinangako ng Diyos na ‘di na niya gugunawin ang mundo ng baha. Malaking konsolasyon ito. Dapat buong mundo, magkaisa laban sa epekto ng climate change.

Kalagim-lagim ang pagkamatay ng 11 katao sa hot air balloon sa New Zealand. Sumabit ang balloon sa kuryente ng isang poste kaya sumabog. Walang nakakaalam kung kailan at ano’ng manner ng ating kamatayan. Kaya mahalagang laging handa.

NAPAKABILIS ANG pag-usad ng hustisya sa mga tinaguriang Euro-generals ng AFP. Nu’ng isang linggo nirekomenda ang pagsampa ng plunder case kay dating AFP chiefs Roy Cimatu at Diomedio Villanueva. Dapat papurihan ang pagpupursige ng whistle-blower Col. Rabusa. Umaasa ang mamamayan na wala nang uri ng ganitong mga heneral sa AFP. Mantakin mo ang milyung-milyong taxpayer’s money na binulsa nila. Sama-sama na sila sa piitan ng kanilang dating Commander-in-Chief.

SA MGA poll surveys, lumalabas ang mataas na rating ni DOJ Sec. Leila de Lima sa senatorial race. Dapat lang. Kahanga-hangang cabinet member si De Lima. May ‘di matatawarang political will. Kung ‘di sa kanyang paghadlang sa TRO ng Supreme Court, nakatakas na si dating Pangulong GMA. Lumilinaw na talagang ganyan ang pakana.

‘DI RIN nakapagtataka kung bakit si Rep. Jackie Enrile ay nasa magic 10 ng senatorial survey. Napakagiting ng liderato ng kanyang ama – Sen. Juan Ponce Enrile sa Senado. At ang pangalang Enrile ay household word.

SA PEBRERO 5, magtatanghal ng una niyang dog show ang bagong tatag na Asia Pacific Sporting Dog Club, isang affiliated club ng Asian Kennel Club Union of the Philippines, Inc. (AKCUPI) sa Tiendesitas, Ortigas Ave. cor. E. Rodriguez Jr. Ave. (C-5), Pasig City. Ang bagong club ay pinamumunuan ni Patricia Carroscoso.  Pitong breed groupings ang kalahok kung saan pipiliin ang best baby puppy in show, best Philippine-born at best in show. Inaanyayahan ang mga dog lovers na lumahok sa naturang show. Makipag-ugnayan kina Erwin Alegado, Jheck Nadala, at Janet Adriano sa telepono blg. 3766597-98 or mag-email sa [email protected] o bumisita sa www.akcupi.com.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articlePatas ba si Sen. Drilon?
Next articleKaso sa Tsekeng Walang Pondo

No posts to display