NARITO ANG ilan lamang sa mga sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng aming text hotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
- Ireport ko po sana iyong school ng anak ko na Vicente P. Villanueva Memorial School sa Dasmariñas City dahil nanghihingi po ang principal ng donation na P100.00 sa mga parents na may anak na may honor. Para raw po iyon sa pambili ng mga medalya. Ganoon po ba talaga iyon, parang binabayaran na rin namin ang medal na isasabit sa mga anak namin?
- Irereklamo ko lang iyong eskuwelahan ng Jose J. Mariano High School dito sa Bintog, Plaridel, Bulacan dahil po sa dami ng kanilang sinisingil sa mga bata. May P170.00 para sa legal fee, P140.00 para sa PTA at sa guard. Lagi nilang ipinanakot na hindi pipirmahan ang clearance ng mga bata kapag hindi nakapagbayad.
- Irereklamo ko lang po iyong teacher ng anak ko dahil nanghihingi ng pambili ng basketball. Project daw po iyon para sa lahat ng section na hawak niya na mga Grade 7. Dito po iyon sa Tala High School.
- Reklamo ko lang po itong Bagbag II Elementary School sa may Lapu Lapu City, Cebu dahil taun-taon ay nangongolekta ang mga guro sa mga estudyante. Halimbawa na lang po ay P195.00 ang kinokolekta sa Grade 3, P295.00 sa Grade 5 at P195.00 sa Grade 6. Hindi naman sila nagbibigay ng resibo kung nagbabayad kami.
- Isa po akong concerned parent, reklamo ko iyong elementary school po rito sa amin sa Sikatuna, Talibon, Bohol na naniningil ng contribution sa aming mga parents. Puwede po ba kaming magpatulong sa inyo upang maihinto ito?
- Isusumbong ko lang po itong mga nagkalat na UV Express na gumagawa ng illegal na terminal dito sa Roosevelt-Muñoz. Sila pa ang may ganang manigaw kapag sinisita mo na nakaparada sa tapat ng karatula na may “no loading and unloading”. Isa rin po sila sa nagiging dahilan ng traffic dito.
- Isa po akong jeepney driver at irereklamo ko lang na kapag dumaraan kami sa may tulay ng Sta. Ana ay ang daming nanghihingi ng P5.00. Pati mga bata ay nanghihingi na rin. Magwawala at magagalit pa ang mga ito kapag hindi ka nagbigay. Sana po ay matulungan ninyo kami.
- Pasuyo naman po. Kasi ang Bautista Elementary School sa Concepcion, Marikina ay naniningil ng P40.00 kada estudyante. Sinasabi nilang pambayad umano ito sa guard ng eskuwelahan. At bawat exam din po ay may binabayaran kami.
- Pakikalampag naman po ang mga kinauukulan na sana ay maaksyunan ang lubak-lubak na daan dito sa aming barangay sa San Francisco, Luna, Apayao Province. Sana po ay matulungan ninyo kami.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo