ANG KALIKASAN ng tao ayon kay Plato, isang Griyegong Pilosopo, ay nahahati sa tatlong bahagi. Ito ay ang katuwiran, katapangan at pagnanais. Ito ang dapat hinuhubog sa tamang balanse para maging mabuti ang isang tao. Ang bahagi ng pagkataong ito ay may katumbas na mga gampanin naman sa lipunan kung saan ang pinuno nito ay ang katuwiran, kawal ang katapangan at manggagawa ang pagnanais.
Ganito ibig isalarawan ni Plato ang isang perpektong lipunan. Hindi man ito makatotohanan gaya ng sinasabi ng mga kritiko ni Plato ay kinapupulutan naman ito ng maraming aral. Maraming mga pamahalaan din sa buong daigdig ang nagsimula sa ganitong prinsipyo.
Sa konstekstong ito nais kong mapaloob ang tatlong usapin sa lipunan natin ngayon. Tatawagin ko itong tatlong yugto ng buhay kung saan tayo bilang lipunan ay dapat matuto sa isang aral ng buhay. Tayo bilang lipunan ay magpasya ng tama base sa ating mga natutunan. Tayo bilang isang lipunan ay kikilos base sa isang matalino at tamang pagpapasya.
Magkakaiba man ang mga isyung gaya ng pagkawala at hinihinalang pagkaka-highjack ng MH370, paghantong ng kaso ni PMA Cadet 1st class Cudia sa Korte Suprema ng bansa at pagkakaroon ng mga bagong bike lanes sa Metro Manila, ay sumasalamin ito sa proseso ng pag-usad at paglago ng ating lipunan tungo sa isang – hindi man perpekto – maunlad at mapayapang lipunan.
DAPAT AY matuto ang ating lipunan, partikular ang ating pamahalaan sa sinapit ng nawawalang MH370 ng bansang Malaysia. Batay sa mga panibagong ulat hinggil dito ay nakita na ang isang bahagi ng eroplano at kasalukuyang hinahanap na ngayon ang kabuuang bahagi nito. Nagkaroon pa umano ng pagtatakip ang bansang Malaysia hinggil sa tunay na sinapit ng MH370. Highjacking ang mabigat na anggulong pinaniniwalaang nangyari sa MH370.
Ang mas nakakabahalang tanong ay kung ligtas ba ang ating mga eroplano at paliparan dito sa bansa. Hindi kasi malayong maaaring mangyari sa atin ang sinapit ng Malaysia.
Kung babalikan natin ang mga naging problema, pagbabatikos at mga puna sa ating mga paliparan, partikular ang nandito sa Pasay City, tiyak na masasabing hindi ligtas ang mga ito sa masasamang elemento gaya ng mga highjacker.
Kawalan ng mga CCTV, malamyang security at mga papeles at pasaporteng pineke ang ilan sa mga problemang makikita rin sa NAIA. Kailangan ay matuto tayo sa problemang ito. Kailangan ay hanapan natin ng reporma ang bulok na sistemang umiiral dito.
Bahagi ng ating pag-unlad bilang isang lipunan ang matuto sa mga trahedyang nagaganap sa mundo gaya ng sinapit ng MH370.
KUNG MAY pagkatuto sa karanasan ay dapat magkaroon ng isang matalinong pagpapasya. Ito ang istorya ng isang taong nangarap maging isang sundalo, makapagtapos at maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya. Sa kasawiang palad ay hindi nakasama sa mga nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA), ngayong taon si 1st class PMA Cadet Cudia.
Tuluyan nang nilisan ni Cudia ang baluwarte ng PMA sa Baguio at ngayon ay dinala na niya ang kanyang laban sa Korte Suprema. Ang hinihintay ng lahat ay kung paano ito babalangkasin ng mga huwes ng Korte Suprema at ang magiging epekto ng desisyon nila sa sector ng militar.
Paulit-ulit nang pinag-usapan ang di umano’y sobrang parusa at kawalan ng hustisya para kay Cudia dahil sa pagkakatanggal sa kanya sa PMA bilang resulta ng simpleng pagsisinungaling daw nito, kung saan ay mariin niyang itinanggi. Sinuportahan din naman ng isang guro na may kinalaman sa pagkaka-late ni Cudia sa kanyang susunod na klase ang posisyon ni Cudia sa usapin.
Kung mananaig ba ang karapatan ni Cudia, na nakapaloob sa ating Saligang Batas, laban sa “code of honor” na itinakda ng PMA ang pinakakontrobersyal sa usaping ito. Inaasahan nating lahat na magpapasya ang ating mga huwes base sa tamang katuwiran at makataong pagturing sa isyung ito.
Ang pagpapasyang ito ng Korte Suprema ay mahalaga dahil dito makikita ang kapangyarihan ng batas laban sa kabuktutan ng tao at mga mapanlinlang nitong adhikain. Kung ano man ang maging hatol dito ay tatatak ito sa bawat isipan ng mga Pilipino at lalo na sa mga kabataang naniniwala sa ipinaglalaban ni Cudia.
May proseso ng pagtatama ang sistema ng ating hustisya sa mga maling pagpapasya ng mga sangay ng Hudikatura. Ang huling tanggapan na siyang may kapangyarihan sa huling salita at pagpapasya ay ang Korte Suprema. Kung sakaling sa pagpapasyang ito ay magkamali ang Korte Suprema, magiging ganap na batas ang pagkakamaling ito.
Kaya naman napakahalagang magpasya nang tama ang ating hukuman, lalo’t Korte Suprema ang huling hahatol sa isyung ito ni Cudia.
HINDI NATATAPOS ang yugto ng buhay sa lipunang ating ginagalawan sa isang pagpapasya lamang. Ang isang tamang pagkilos ang siyang magwawakas dito. Sa pagkakataong ito ay papupurihan ko ang mahusay na pagkilos na ito ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa paglalagay ng mga bagong bike lanes sa Metro Manila, partikular sa EDSA.
Marami nang mauunlad na bansa ang nauna sa pagkilos na ito gaya ng bansang Japan. Doon ay mas malulusog ang tao, hindi lang dahil sa ehersisyong dala ng pagbibisikleta, kundi dahil sa mababang antas ng polusyon sa kanilang bansa gawa ng mas marami ang gumagamit ng bisikleta papasok sa kanilang mga trabaho at paaralan.
Hindi naman kailangan ng malaking pondo upang maipatupad ito. Sana nga lang ay noon pa sinimulan ang ganitong proyekto ng MMDA. Natitiyak kong malaki ang maibabawas nito sa traffic dahil sa mababawasan ang mga sasakyang gagamit ng mga malalaking lansangan gaya ng EDSA.
Magiging kabawasan din ito sa pondong tinutustos ng gobyerno sa pag-subsidize ng pamasahe sa MRT at LRT dahil maaaring mabawasan ng malaking bilang ang gagamit ng train system natin dulot ng pagsakay ng bisikleta ng mga dating mananakay ng tren.
Kailangan lang ay maglunsad pa ang ating gobyerno ng mga programang makapagpapalawak sa paggamit ng bisikleta at makapagpapaabot ng pagkakataong magkaroon ng bisikleta ang bawat Pilipino para magamit nila bilang alternatibong paraan ng paglalakbay.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo