ITO ANG ating awitin na pinagimbanal ng ating bansa. Isang awiting binuwisan ng maraming buhay upang makamtan natin ang tunay na kalayaan sa mga nagnanais sumakop na mga kaaway. Sana huwag tayong magising na nakapaikot na pala sa ating ang mga Tsino.
Sa mahigit nang dalawang taon, tumitindi at umiinit ang usapin ng Pilipinas at China sa pagmamay-ari sa South China Sea na tumutukoy nang partikular sa malawak na pagkukunan ng langis at gas. Kaya nga inanunsyo ng Pangulong Benigno Aquino III noong Martes na magkakaroon ng $1.8-billion military upgrade kasama na rin diumano sa pagpapaunlad na ito ang sa komunikasyon, surveillance at intelligence na mga sistema upang ipatanggol at depensahan ang ating mga karagatan laban sa mga nambu-bully sa atin. Ito ay tumutukoy sa umiigting na usapin natin at ng bansang China. Bagama’t hindi lamang ang Pilipinas ang nag-aangkin nito at Tsina, pati na rin ang ilang bansa sa Asya tulad ng Taiwan, Brunei, Vietnam, at Malaysia.
Ayon pa sa pahayag ng Pangulo, dapat nating ipagtanggol ang ating bansa sa sinumang sa atin ay nagdudulot ng dahas at takot, at dapat lamang tayong matutong ipaglaban ang ating karapatan. Na ang Pilipinas ay sa Pilipinas lamang at huwag isawalang-kibo kung tayo ay ibu-bully sa loob mismo ng ating bansa. Na dapat ang bawat Pilipino ay bigyan ng karampatang paggalang at kaligtasan sa sariling bansa at sa iba pang lugar saan man sa mundo ito magtungo.
Ayon naman sa mga balita sa radio at telebisyon, dumarami na diumano ang mga istrakturang ipinapatayo ng China sa Spratly Islands upang marahil masiguro ang kanilang pananatili sa lugar.
Sa aking pananaw, grabe ang nangyayaring ito sa atin. Nito lamang eleksyon, milyung-milyong piso ang binibitawan ng ating mga ‘aspiring candidates’ upang manalo. Halos mabuting adhikain ang mga binibitawang salita, ang paglilingkod sa bayan at mga mabuting pangako. Ngunit sensitibo ang ating kinakaharap na problema na kung hindi natin bibigyang-pansin, baka ang ating karagatan ay mapaikutan ng mga magnanais sakupin ang ating karagatan.
Napapanahon na marahil na palakasin natin ang ating sandatahang lakas upang maipagtanggol natin ang ating karapatan bilang isang bansa. Kung tayo man ay dumarating sa panahong dinadaan na tayo sa dahas. Hindi lamang ang usaping kontra China, kundi sa anumang bansa na nagkakainteres sa ating nasasakupang karagatan. Bagaman, hindi tayo pandigmang bansa ay manatili tayong handa kung sakaling tayo ay dinadaan sa dahas ng nais lumupig sa atin.
Papaano nga ba nagkakainteres ang mga bansang nagnanais na sumakop sa atin? Marahil nakikita sa atin na mahina ang ating tanggulang pambansa. Iniisip nila na tayo ay walang kakayahan na kahit na i-bully ay hindi tayo aalma dahil umaasa lamang tayo sa bansang iniisip nilang maaaring pumanig sa atin o hindi at walang kasiguruhan. Ngayon, nalalaman na natin na ang bansa natin, ang kapaligiran, ang ating teritoryo ay unti-unting sinasakop.
Sana ang mga nanalong mga senador, kongresman, ang mga nakaupo; marahil napapanahon na upang maipakita natin ang malasakit sa ating kalagayan. Bigyan natin ng pansin ito. Atin itong ipagtanggol, ang ating kalayaan at karapatan sa ating saligang bansa na nasasakop ng ating teritoryo. Sana ito ay manatiling sa atin at manahin pa ng mga susunod pang ating lahi. Subalit, manatiling mahinahon at magtimpi sa pakikipag-usap at gawing legal ang ating karapatan bilang isang Pilipino at tungo sa pagkakaisa. Tulungan natin ang ating nakaupong pangulo ng ating bansa at iwasan na muna nating ang watak- watak na pampulitikang sistema upang sang-ayunan tayo ng katotohanan na magpapalaya sa atin sa pagkaalipin.
Ito ang Larawan sa Canvas ni Maestro Orobia. For comments and suggestions, e-mail: [email protected], text cel. no. 09208534394.
Larawan sa Canvas
By Maestro Orobia