NOONG ISANG linggo lamang, sinalanta ang Pilipinas ng super bagyo na si Yolanda. Pinakatinamaan nang husto ang mga lugar partikular na sa Leyte. Biruin mo ba naman, sa kauna-unahang pagkakataon, itinaas sa Signal 4 ang mga lugar sa Visayas. Itinala rin na ang super bagyong Yolanda ang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo.
Sinalanta nang husto ang mga probinsya at bayan sa Leyte. Halos mabura ito sa mapa. At halos humigit kumulang 2,500 katao na ang nasawi. Sa mga ganitong pagkakataon, nagkapit-bisig ang buong bansa sa pagtulong sa mga kapwa Pilipino na may napakahirap na pinagdadaanan ngayon. Nawalan na nga sila ng tirahan, nawalan pa sila ng mga mahal sa buhay. Sa mga kaganapan na ito sa ating buhay, pinatunayan lang nating mga bagets na ang pagtulong ay walang pinipiling edad. Hindi porke’t bata ka pa, wala kang kayng maiambag sa bansa. Pinatunayan nating na mali iyon. Bakit? Kasi sa mga simpleng “gawaing pambagets” nakatulong tayo.
Paano?
Una, ang mga bagets ngayon ay kilala bilang naninirahan sa “digital age”, kung saan hindi na yata sila mabubuhay nang walang internet at gadgets. Ang paggamit natin ng social networking sites ay nakatulong din sa pag-ahon ng buong bansa sa kalamidad. Ginamit natin ang hashtag na #ReliefPh na maraming nagawa para sa atin. Naging trend ito at kumalat sa buong mundo, kaya kahit iba-ibang lahi ay nag-aambag ng kanilang makakaya pera man o pagkain para makatulong sa ating bansa. May trend din na ating sinimulan, ang #PrayforthePhilippines kung saan pinatunayan natin na sa kahit ano pa mang uri ng tulong, panalangin pa rin ang pinakamalakas na sandata sa lahat. Paano pa kung milyung-milyong tao ang magdadasal para sa ating bansa? Malamang didinggin agad-agad ni Lord iyon! Basta dapat naniniwala at nagtitiwala tayo sa kakayahan ng Diyos na hindi niya tayo pababayaan.
Pangalawa, nakikiisa tayo sa ating mga central at local student council sa ating mga paaralan sa kanilang mga pamamaraan para makatulong sa nasalanta ng bagyo. Bawat estudyante ay paniguradong nagpamahagi ng tulong sa pamamagitan ng pag-donate ng pera na nanggagaling mismo sa kanilang baon. Pag-donate din ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tubig at damit. At pag-volunteer sa mga charity foundations.
Pangatlo, ginamit din natin ating mga Facebook at Instagram accounts para maparating sa nakakarami ang ibang impormasyon na hindi masyadong nabibigyan ng pansin ng pamahalaan at ng media. Sa pamamagitan ng pag-share sa mga larawan at status updates ng ordinaryong mamamayan na humihingi ng tulong na sana madinig sila, naging viral ito at sa wakas nagawan ng paraan ang pagtulong sa kanila.
Ang bagyong ito ay hindi maituturing na parusa, hindi rin naman biyaya. Siguro pag-alala ito na alagaan natin ang kalikasan. At siguro rin kaya Pilipinas ang tinamaan nito nang husto dahil alam ng Diyos kaya natin itong malagpasan, kapit lang basta nagtutulungan, kayang-kaya ‘yan! Pilipino lang kaya ang may “bayanihan” na itinatawag. Hindi mo nga maisasalin ang salitang ito sa kahit anong ibang wika dahil tayo lang ang mayroon nito.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo