Bayaning Walang Tulugan?!
KUNG SI SANDARA, eh, gumagawa na ng pangalan niya sa entertainment industry ng Korea, ano naman kaya ang nangyayari sa karera ng dati niyang kaparehang si Hero Angeles?
Unang nasilayan ang kaguwapuhan ni Hero Angeles nang sumali ito sa reality show ng Kapamilya na Star Circle Quest. Kasabay ng ibang nagbakasakali ng suwerte sa naturang patimpalak, humataw sa akting at sayawan itong si Hero hanggang sa siya ang tanghaling Grand Teen Questor.
Ipinanganak si Hero noong Disyembre 8, 1984 sa Pasig City. Nu’ng SCQ days niya, pumapasok siya sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, at kumukuha ng kursong Fine Arts. Hindi ikinahiya ni Hero ang mga paghihirap na pinagdaanan ng kanilang pamilya, at tinanggap siya ng madla kung anumang klase ng buhay mayroon siya.
Naging sikat ang tambalang HeroSan o Hero at Sandara. Umapir siya sa TV show na SCQ reload at naging bahagi rin ng Krystala. Taong 2004, nagsama ang HeroSan sa mga pelikulang Bcuz of U at Can This Be Love.
Taong 2005 nang biglang nanamlay ang karir ni Hero. Natapos din kasi ‘yung kontrata niya sa Kapamilya tapos nasangkot pa sa kontrobersiya ang kapatid at manager niya.
Anyways, pagkatapos ng pananahimik ni Hero, bigla itong umapir sa ilang shows ng Kapuso. Naging contract star siya ng GMA at napapanood pa rin sa Walang Tulugan show ni Kuya Germs. Nakasama rin siya sa Dyesebel, Luna Mystika at Sine Novela: Paano ba ang Mangarap?
Pero bukod sa akting, alam n’yo bang kinarir din ni Hero ang pagdi-direk?! At ito nga ang Stockroom, na entry sa 2007 Cinemalaya Philippine Independent Film Festival.
Pero ang tanong lang ng madla, ngayong nabibigyan na siya ulit ng chance to shine in showbiz, magtuluy-tuloy naman kaya?!
Ni Mayin de los Santos, Photos by Parazzi Wires and Fernan Sucalit