BAKIT BA lagi na lang nakalalabas sa kulungan ang mga mayayaman at maimpluwensya? Ang iba namang maimpluwensya na convicted sa kaso ay tila napapaaga ang paglaya. Lumalabas na ang mga nabubulok sa loob ng kulungan ay ang mga taong walang perang pambayad at walang kapit at impluwensya sa gobyerno. Nakalulungkot na tayo ay nahaharap sa isang problemang panlipunan kung saan tila may ilang alagad ng katarungan na nababayaran.
Nitong nakaraang araw ay maugong ang usap-usapan sa paglabas sa kulungan nina Cedric Lee, Zimmer Raz at Deniece Cornejo dahil nabayaran umano ang huwes na humawak ng kaso. Pati ang Department of Justice (DOJ) ay hindi makapaniwala na hindi naging malakas ang ebidensya na kanilang inihain sa kasong serious illegal detention laban kina Lee, Raz at Cornejo.
Ano nga ba ang nagiging batayan ng paghina ng kaso laban sa isang akusado? Ang mga kaso bang gaya nito ay laging nasasangkot sa isang anomalya? Ano ba ang kalagayan ng ating mga husgado at bakit tila madalas na sinasabing nababayaran ang ilan sa kanila? Ito ang tatalakayin natin sa artikulo ngayon at sisiyasatin natin kung bakit ang ilan sa ating mga husgado ay tila isa ngang bayarang batas.
MAY ISANG guro sa De La Salle University, Science and Technology Complex sa Laguna na sinampahan ng perjury ng magulang ng isang estudyante at nakapagpalabas ng aresto de mandato para rito. Muntik na ngang nakulong ang pobreng guro. Simple lang naman ang tinatakbo ng kaso. Ang guro sa kolehiyo ay naunang nagsampa ng kaso sa estudyante niya na diumano’y nagbanta sa kanyang buhay gamit ang isang “group discussion” sa social media. Nakakuha ang guro ng kopya ng “group discussion” at naipa-print niya ito bilang ebidensya.
Nag-counter charge ang magulang ng estudyante ng kasong perjury dahil nagsinungaling umano ang guro sa address na inilagay nito ng estudyanteng inireklamo. Ang siste ay kinuha lamang ng guro ang address ng estudyante sa paaralan kung saan nagtuturo ito at nag-aaral ang estudyante. Malinaw na mababaw at walang kuwenta at merito ang kasong perjury laban sa guro ngunit sa kabila nito ay nahanapan ng probable cause ito. Samantalang ang kasong inihain ng guro laban sa estudyante ay hindi nahanapan ng probable cause ng hukuman.
Hindi ba malaking kalokohan ito at halatang-halata na may pambayad ang pamilya ng estudyante at walang maiabot na suhol ang pobreng guro. Nakadidismaya talaga na may ilang mga korte na dapat ay patas sa lahat ay nasusuhulan na rin ngayon.
Ang pagkakalaya nina Lee, Raz at Cornejo ay malinaw na tila resulta ng bayaran. Ang sinasabi ng hukuman na nabigo ang hanay ng prosecution na ipakita ang matibay na ebidensyang nagpapakita na napigilan nga ang kalayaan ng aktor na si Vhong Navarro ay isang pagtingin lamang na walang basehan at ito rin ang reaksyon ng DOJ.
ANO BANG matibay na ebidensya pa ang hinahanap ng hukumang ito at malinaw pa sa sikat ng araw ang mga video footage na ipinakita ng NBI kung saan sangkot ang mga suspect na nakapiit sana ngayon ngunit pinakawalan na ulit?
Baka naman ang totoo ay hindi naman sa video footage nakatutok marahil ang mga mata ng hukom na humawak nito kundi sa ibang bagay na may kinalaman marahil sa isang palihim na usapan nito sa mga akusado. Maging sa kaso ng Maguindanao massacre kung saan ay nasasangkot ang mga pamilyang Ampatuan ay tila nabahiran na rin ng korapsyon. Ang masama nito ay nadadamay ang mga mabubuti, magagaling at tapat na hukom at mga hukuman sa buong bansa.
Nakatatakot isipin na ang mga namumuno sa Hudikatura ay nadadamay sa mga ganitong alingasngas at lumalabas tuloy na pati sila ay nabubuhay na rin sa mga lagay at kickback.
Talagang masasabi nating ang mga kulungan ay para lamang sa mga mahihirap kung magpapatuloy ang ilang mga husgado sa ganitong kalakaran. Sa katunayan ay ang mga politiko at mga general ay nasa mga pasilidad na espesyal ipinipiit. Bukod sa may sariling kuwarto ay may kanya-kanya pa silang mga bentilador.
ISANG TILA pagbabanta pa ang lumabas sa bibig ni Lee ng ito ay makapanayam ng isang reporter sa radyo. Sinabi ni Lee kay Vhong Navarro na “It’s show time!” Maliwanag na ito ay isang panlilibak bukod pa sa posibleng mas marahas na pagbabanta sa buhay ng aktor.
Sadyang nakababahala na ang mga taong may pera ay nakapagpapamalas ng kanilang kapangyarihan sa lipunan gamit ang kanilang pera. Darating ang panahon na lahat ng isyu na ito ay mababaon na naman sa limot.
Sana ay mabigyan ito ng pansin ng Palasyo at ng mga mambabatas. Kahit na sabihin nating iilan lamang ang sangkot dito ay seryoso ang problemang bayaran sa hukuman at hindi ito sabi-sabi lamang kundi tunay na nangyayari.
Ito rin dapat ay binibigyang-pagdinig sa mga hearing ng Senado at Kongreso para maiparating sa mga iilang bayarang huwes na may katapusan ang mga suhulang ito. Dapat ay magkaroon ng batas na magtitiyak na hindi kayang bayaran ang mga hukuman dahil ito lang ang natitirang batayang proseso na nagpapantay ng karapatan ng mga mahihirap at mayayaman.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo