Ngayong araw nakatakdang magpunta ang talent manager ng Baywalk Bodies sa National Bureau of Investigation (NBI) na si Lito de Guzman para pormal na sampahan ng reklamo ang Cebu Pacific Airline.
Kulang-kulang kalahating milyon daw kasi ang nawala sa kaban ng naturang talent manager dahil sa diumano’y kapabayaan ng naturang airline carrier.
Ang pagka-delay raw kasi ng kanilang flight to Cebu nu’ng nakaraang Enero 16 ang dahilan kung bakit hindi natuloy ang show ng Baywalk Bodies at ng Wonder Gays sa Minglanilla Coliseum.
Last year pa raw nakapagpa-book ang grupo ni Lito para sa nasabing date pero hindi raw sila nasabihan nang maaga tungkol sa changes sa flight schedule. Dahil sa changes na ‘yon na hindi nalaman ng grupo ni Lito, hindi raw sila nakasakay sa eroplano sa kanilang original schedule.
Lalong nagwala sa galit si Lito nang hindi raw siya binigyan ng konsiderasyon at binentahan pa raw siya ng airline tickets na doble ang halaga kung ikukumpara sa kanyang original na tickets.
Nakarating din naman ang grupo ni Lito sa Cebu pero gabi na nang sila ay nabuo, na naging dahilan upang hindi sila makapag-motorcade at makapag-radio tour kaya kinansela na lang ang kanilang show sa coliseum.
“Ang akala kasi ng mga taga-Cebu, hindi na kami makararating kaya naintindihan ko sila kung bakit nila kinansela ang show namin,” paliwanag pa ni de Guzman.
Ang maling sistema raw ng Cebu Pacific sa pag-i-inform ng flight changes sa kanilang client ang naging dahilan ng kanilang abala at ‘yon ang pormal na irereklamo ni de Guzman sa NBI pati na rin daw ang pagiging mayabang ng mga staff ng nasabing airline carrier. (JS)