VERY THANKFUL daw at walang pagsisisi ang isa sa aabangan sa Enchanted Garden ng TV5 na si BB Gandanghari, kung late na siyang umamin na isa siyang miyembro ng ikatlong lahi. Dahil kung bata-bata raw siyang nagladlad, baka raw nagka-AIDS na siya at sira na ang buhay niya.
Dahil para raw sa kanya, ‘pag bata ka, mapusok at puro puso at hindi isip ang pinaiiral. Kung nagkataon daw, hindi masisilayan ng lahat ang kanyang kagandahan ngayon (pabirong pahayag ni BB).
Dagdag pa ni BB, “Eversince nga kasi, I discipline myself. I feel like a real woman and act like one. My relationships are built on that foundation. That I should be treated like a woman and love like one. Kaya, I need a man as well as a partner who will love and protect me for the rest of my life. I also want to get married. Siyempre, kasama iyon sa pangarap ng isang babae.”
Nalulungkot nga raw si BB dahil until now ay hindi pa rin siya tanggap ng ilang miyembro ng kanyang pamilya. Pero umaasa raw siya na ‘pag tagal-tagal ay matatanggap din ng mga ito kung ano talaga siya at kung saan siya masaya.
Pero happy raw ito sa tinatamasang kasikatan ng kanyang pamangking si Daniel Padilla na ayon dito ay ‘Tita’ ang tawag sa kanya. Pinayuhan nga raw nito si Daniel na ‘wag munang magdyi-gym para mapanatili ang pagiging fresh nito bilang teenager.
HINDI MAKAPANIWALA ang 8-month old na grupong Upgrade nang mag-trending sila sa Twitter last July 21 nang dalawang beses. Ito’y sa Trending-Worldwide kung saan nakopo nila ang 6th spot at sa Trending-Philippines na nakuha naman nila ang 2nd spot .
Very thankful nga raw ang mga ito sa kanilang mga very supportive na Fans na may gawa kung bakit sila nag-trend Worldwide at sa Philippines. Ito raw ang pangalawang pagkakataon na nag-trend ang Upgrade sa Trending –Philippines at 1st time naman nilang mag-trend sa Worldwide.
Kasabay ring nag-trend nang araw na ‘yun sa Philippines at Worldwide ang isang miyembro ng Upgrade na si Casey Martinez aka K-Cee Martinez. Nakatakda ring tumanggap ng kanilang ika-tatlong award ang GMA-7 newest boyband na regular na napapanood sa Walang Tulugan With The Master Showman, sa Asia Pacific Excellence Award 2012 for Most Promising Boyband of the Year na gaganapin sa July 31, 2012 sa Metro Bar, West Ave., Quezon City.
FROM GMA-7 ay lumipat na sa TV5 ang isa sa mahusay na host sa Bansa na si Grace Lee, kaya naman opisyal nang Kapatid ang lifestyle at entertainment TV host sa ilalim ng News5, ang news and information arm ng TV5.
Magiging bahagi siya ng pang-umagang programang Good Morning Club at magiging co-anchor ni Martin Andanar sa Andar ng Mga Balita na mapapanood sa AksyonTV, ayon kay News5 head Luchi Cruz-Valdes.
“Dahil bahagi na siya ng TV5, made-develop pa ni Grace ang galing niya sa iba’t ibang aspeto ng news reporting. Isa siya sa mga mahahalagang miyembro ng lumalaki pang lupon ng mga news professionals na handang mag-lingkod sa sambayanan.”
HANGGANG NGAYON ay usap-usapan pa rin sa apat na sulok ng Pilipinas ang Indonesian version ng Eat Bulaga na nag-premiere last Monday sa SCTV Indonesia. Kung saan nagkalat na sa internet ang video ng Pinoy Henyo Indonesian version.
Bumisita ang ilang executives ng Eat Bulaga sa set ng Eat Bulaga Indonesia para panoorin ang pilot episode nito including Vic Sotto. At kahit walang Tito, Vic and Joey ang Eat Bulaga Indonesia ay may isang host naman daw rito na super sikat sa nasabing bansa.
At dahil nga sa pagkakaroon ng Eat Bulaga Indonesia, mas marami pa raw na bansa ang gusto ring magkaroon ng Franchise ng Eat Bulaga na 33 years nang nangunguna sa puso ng mga Pinoy.
Pero hindi agad pumayag ang mga producer dahil pinag-isipan muna nilang mabuti ang hakbang na kanilang gagawin. Sa Indonesian version ng EB, meron ding Pinoy Henyo na Indonesian Genius ang counterpart, Bulagaan, Pambato ng Videoke na Karaoke Stud ang katapat at ang One for All, All for One.
John’s Point
by John Fontanilla