Bb. Pilipinas-Universe Maria Venus Raj, dadalhin sa korte ang paghahabol sa korona!

SA KANILANG BAHAY lang sa Malabon City piniling mag-stay ni Rochelle Pangilinan nitong katatapos na Lenten Season. Mas ginusto niya this time na manood ng mga nagpi-penitensiya. Sinamahan niya ang kanyang pamilya sa regular nang panata na mamigay ng pagkain gaya ng itlog at juice sa mga tao.

Ani Rochelle, marami umano siyang dapat ipagpasalamat sa Diyos. Unang-una na raw ang magandang takbo pa rin ng kanyang career. Halos wala na nga raw siyang pahinga sa sobrang hectic ng schedule niya lately.

Monday, Wednesday and Friday, taping ng Daisy Siete sa pang-26th season episode nitong Adam Or Eve. Tuesday naman, taping ng Show Me The Manny. Saturday, Diz Iz It. Sunday para sa Party Pilipinas. Thursday sana ang libreng araw niya pero inilaan naman niya ito para sa rehearsals for Diz Iz It and Party Pilipinas. So, buong linggo siyang busy sa trabaho.

“Walang pahinga, pero masaya,” aniya. “Hindi ko na lang iniisip ang pagod. Kumbaga, habang andiyan ang opportunities, sige lang nang sige. Strike while the iron is hot, ‘ika nga.”

At sa gano’n ka-busy na working schedule, may time pa ba siya para sa lovelife? Paano na pala ang rumored boyfriend niyang si Arthur Solinap?

“Lumalabas pa rin kami. Kailangan siyempre ng pain reliever,” natatawang pahayag ni Rochelle.

Kung parang pain reliever ang turing niya kay Arthur, eh, ‘di totoong nagkakamabutihan na sila gaya ng matagal nang napapabalita?

“Hindi ko alam, eh. Basta masaya ako sa company niya. Nakaka-blooming.”

‘Yon na!

Ayaw siguro ni Rochelle na sa kanya manggaling ang pagkumpirmang sila na nga. Eh, bakit kasi itong si Arthur, hindi nagsasalita?

INIIYAKAN AT PARANG hindi pa rin nga umano tanggap ng nanalong Bb. Pilipinas-Universe na si Maria Venus Raj ang naging desisyon ng Bb. Pilipinas Charities Inc. na bawiin sa kanya ang nabanggit na titulo’t korona. Ito’y dahil nga diumano sa hindi nagtutugma ang pahayag niya at ang legal documents na kanyang isinumite hinggil sa kanyang kapanganakan.

Sa statement daw kasi ni Venus (at maging ng kanyang ina rin), sa Doha, Qatar siya ipinanganak. Pero sa documents naman ay nakasaad na sa Pilipinas ipinanganak ang half-Indian, Half-Filipina’ng dalaga.

Before Holy Week lumabas ang official statement ng BPCI hinggil sa pagbawi nila ng korona kay Venus na hindi muna nagbigay ng kanyang saloobin. Pero matapos ang Lenten Season, bigla siyang lumantad sa media upang mariing ipahayag na ipaglalaban niyang maibalik sa kanya ang tinanggal na titulo at korona.

Hindi raw malinaw para kay Venus ang pangyayari. Alam daw niyang nakapasa siya sa kung anumang qualification na meron ang Bb. Pilipinas. Pakiramdam daw niya ay ninanakawan siya ngayon ng pangarap na matagal niyang pinaghirapan.

Wala raw kaalam-alam si Venus no’ng araw na nagpalabas ng statement ang BPCI tungkol sa pagkaka-dethroned niya.  Kaya nagulat daw talaga siya.

“Hindi ko personally nalaman sa kanila,” ani Venus. “Friends ko pa ang nagsabi… nag-forward ng message.  And then pagbalik ko sa bahay nasa news na.”

Sa ngayon, hindi raw siya naggi-give up na di na maibabalik sa kanya ang nabawing korona. Sobrang hirap daw tanggapin for her na gano’n-gano’n lang.

Ayon pa kay Venus na hindi dapat maging basehan ng BPCI ang diumano’y maling impormasyon sa kanyang birth certificate.

“Sana na-inform ako nang maayos. Na sa screening pa lang, sinabi na sa akin na hindi ako puwedeng maging official candidate dahil sinasabi mo na ganito, pero ang nasa birth certificate mo ganito. Na… hindi nila ako puwedeng tanggapin kasi kapag nanalo ako, madi-dethrone din ako.”

Pero ang BPCI, mariin namang pinaninindigan na tama ang kanilang naging desisyon na bawian ng korona si Venus para hindi na raw pamarisan ng ibang kandidata. Gano’n pa man, determinado talaga si Venus na ituloy ang laban sa korte.

Plano umano nilang maghain ng petisyon para kontrahin ang naunang desisyon ng Bb. Pilipinas Charities Inc. At sakali umanong paboran ng korte, posible raw maibalik ang korona sa kanya para makasali sa Miss Universe pageant. Maaari rin umanong ipagbawal ng korte kung saka-sakali ang pagpapadala sa second runner-up winner na si Nicollete Henson (17 lang kasi ang nanalong 1st runner-up, 18 years pataas ang age requirement sa Miss U), o sinuman bilang kapalit niya.

Kapag hindi pala naresolba ang gusot na ito, sa kauna-unahang pagkakataon ay walang magiging representative ang Pilipinas sa Miss Universe?

Hala!

Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan

Previous articleSipat-eklat: Baby James, manang- mana sa pagkataklesa ng inang si Kris Aquino!
Next articlePhoto Oops: Ai-Ai… Gabby na!

No posts to display