IT’S OFFICIAL: Magkakaroon ng Philippine adaptation ang hit 2020 K-Drama series na ‘Start-Up‘ na pinagbidahan nina Bae Suzy, Nam Joohyuk, Kim Seonho, and Kang Hanna.
Ang mga napiling magbida ay walang iba kundi sina Bea Alonzo at Alden Richards.
Ito mismo ang kinumpirma ng GMA Network sa pamamagitan ng 24 Oras noong March 4, 2022.
Kumakalat na sa social as early as January 2022 na diumano’y gagawan ng Philippine adaptation ang iconic KDrama na naging breakthrough project ng apat na bida lalo na ni Kim Seon Ho, na nakilala bilang si ‘Good Boy’. May mga tsika pa nga na nasa lock-in taping na sila mula pa noong nakaraang buwan.
“Napanood ko rin po siya and excited ako, this is my first K-drama adaptation project. Parang ang sarap lang sa pakiramdam na mabigyan ng opportunity to be able to do something na hinahanap ng audience,” masayang sambit ni Alden Richards.
Excited din si Bea Alonzo sa kanyang first grand project sa Kapuso Network. Sa katunayan, ang ‘Start-Up’ ang isa sa mga proyektong pinitch sa kanya ng bago niyang home network bago pa siya um-oo at pumirma ng kontrata noong July 2021.
“Alam mo, nakakatawa kasi even before I signed with GMA, my first-ever meeting with the bosses, ito na ‘yung na-pitch sa akin. And it is one of the reasons why I decided to become a Kapuso. So finally, it is happening and I’m very, very excited,” pagbabahagi ni Bea Alonzo.
Aminado naman ang movie queen na ninenerbyos siya sa unang pagtatambal nila ni Alden sa telebisyon dahil kilala ito sa pagiging ‘brilliant actor’.
“Nakita ko rin siya sa workshops namin and talagang sobrang nakaka-impress ‘yung performance niya so kahit ako kinakabahan na makasama si Alden. Kailangan galingan ko din. Parang I have to be on my toes kasi magaling si Alden,” dagdag pa niya.
Hindi naman mapigilan ni Alden na ibahagi na isa ang tambalang Bea Alonzo at John Lloyd Cruz sa mga iniidolo niya sa industriya.
“Noong nag-workshops kami for other projects, hindi niya pinapalagpas ang small details. Because ‘yung small details ang nagca-count sa portrayal ng role. Sabi ko nga, ‘Tama. Perfect match.’ Kasi parehas kaming hands-on sa trabaho when it comes to the creative side,” papuri ni Alden sa bagong leading lady.
Ipinangako naman ng Kapuso Network na matutuwa ang mga fans sa mga surprises ng Philippine version. Unti-unti rin nilang ilalabas kung sinu-sino ang mga makakasama nila sa programang ito.
Maliban sa Start-Up ay inaabangan na ang tambalan nina Alden at Bea sa pelikulang ‘A Moment to Remember’, na remake din ng isang Korean movie.
Goodluck to Team Start-Up! Start na!