Tuwi na lang may teleserye o pelikulang gagawin sina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo, pilit pinaiikot ang posibilidad na ma-in love sila sa isa’tisa. Tuloy, nabubulilyaso ang anumang pag-asa na makita at maramdaman nila ang kahalagahan ng isa’t isa.
Lalo itong iigting ngayong nalalapit na ang pagpapalabas ng Miss You Like Crazy sa mga sinehan. Actually, may mga pustahan na kung hihigitan nito ang kinita ng John Lloyd-Sarah Geronimo movie na dalawang beses naging malaking hit sa takilya.
Kahit nga ang Paano Na Kaya movie ay hinahamon din ng mga fans ni Sarah kung mahihigitan nito ang box-office take ng tandem ni Lloydie with Sarah. Mayroon na tuloy labanang nagaganap among the fans of Sarah and Kim Chiu. Ang titindi pa naman ng mga fans nila. Parang Nora Aunor at Vilma Santos noon.
Anyway, going back to Lloydie and Bea, nasa Malaysia sila ngayon. Malayo sa mga fans dito sa ‘Pinas. Malayo sa makukulit na movie reporters na binibigyan ng kahulugan ang bawat kilos at sinasabi nila. Tanging si Direk Cathy Garcia-Molina ang saksi kung may development nang nagaganap sa kanyang mga bida.
Here’s a bit of news from there:
“They are treated like Hollywood stars there,” wika ng pinsan kong naroon at nakiusyoso sa kanilang shooting. We see nothing unusual sa mga kilos nila. Walang nagtatanong kung sila na nga. Pini-presume na agad nila (ng mga taga-roon) na sila na nga. At happy sila. Hindi lang mga Malaysians ang tuwang-tuwa sa kanila, kundi mga Indonesians din. Hindi kami magtataka kung maging paborito din sila ng mga Indonesians at matulad kay Christan Bautista na gagawa ng TV series doon. Happy sila sa nakikita nila.
“Parang Diyosa ang tingin nila kay Bea. Tinatanong nila kung singer din ito.” Luckily, nabanggit ng inyong lingkod na kumakanta nga si Bea at mayroon din itong recording sa Star Records. Na actually, pangarap din ni Bea na makilalang isang singer at magkaroon ng solo concert. Baka ‘ika ko, mabibigyan nila ng katuparan ang pangarap ni Bea.
Kaya, hayan Bea, baka isang araw ay may tumawag sa handler mo mula sa Malaysia o Indonesia. At aalukin ka nang maging recording star.
Bakit nga ba hindi natin hayaang magkusa sina Lloydie at Bea na matutuhan nilang mahalin ang isa’t isa? Baka kung tantanan natin ang pangungulit sa kanila ay mapadali ang paglalapit ng kanilang damdamin, tulad ng sinasabi ng kausap ko from Malaysia.
Meanwhile, maging masaya na lang sana tayo dahil solid ang kanilang tambalan. Mas gugustuhin ba nating matulad sila kina Anne Curtis at Sam Milby na kahit nagkarelasyon na, hayan, hiwalay na at kapwa nagdurugo ang mga puso.
Hayaan nating maiba ang kapalaran ng “I Miss You Like Crazy” stars. Nakaaawa na kasi silang tingnan kapag nag-aapuhap ng isasagot sa mga tanong na ilang beses nang sumusulpot sa bawat presscon nila, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin magkaroon ng linaw.
BULL Chit!
by Chit Ramos