NAPAPANAHON ANG kuwento ng She’s The One nina Bea Alonzo, Dingdong Dantes and Enrique Gil na dinirek ni Mae Czarina Cruz under Star Cinema. Kuwento ng dalawang mag-best friend na mapapasok sa isang complicated at di-inaasahang romantic situation.
Tinanong si Dingdong kung si Marian Rivera na nga ang ‘she’s the one’ niya? Matalinghaga ang binitawang sagot ng award-winning actor. Parang hindi siya sigurado na ang dalaga na nga ang itinakda para sa kanya.
Inamin naman ni Enrique puwede siyang ma-in love sa isang tulad ni Bea na mas matanda sa kanya. Kailangan daw may magic siyang maramdaman sa isang girl para masabi niyang ‘she’s the one’. Maging sa kissing scene nila ni Bea, may kaba factor, may pressure itong nararamdaman bago kinunan ang eksena.
As an actress, wala nang dapat pang patunayan si Bea. Bawat character na pino-portray niya, nabibigyan niya ng justice with flying colors. Maging sa kanyang mga leadingman, binibigyan ng dalaga ng moral support tulad ni Enrique.
Say niya,“Kung ano ‘yung regular na ginagawa ko sa mga role na ginagampanan ko. Professional lang ‘yung atmosphere, sinasabi ko sa kapareha ko na hindi ako nao-offend kapag medyo delikado ‘yung scene na kukunan sa aming dalawa. Sabi nga ni Ate Vi (Vilma Santos), it’s part of the job.”
Hindi na bago para kay Bea na magkaroon ng kissing scene sa kanyang nagiging leadingman kaya’t confident siyang magiging makatotohan ang eksenang kukunan.
Paliwanag niya, “Wala, nabasa naman namin sa script. ‘Yung script kasi namin palaging nare-revise, an hour before the take. ‘Yung mismong script du’n lang. Somehow before ko ginawa ang pelikulang ito, I knew na kailangang gawin ‘yun. Mayroon bang magkarelasyon na hindi nagki-kiss, ‘di ba? I knew it’s gonna happen.”
Ibang klaseng atake ang ginawa ni Bea para maging makatotohanan ang character na kanyang ginagampanan sa She’s The One.
Sabi niya, “Parang may tumatak sa akin, ikinuwento ni Direk Mae. Una, worried ako, sabi ko, papaano ito? Itong dalawang actors na ‘to? Hindi ko pa sila nakakatrabaho, papaano magkakaroon ng instant chemistry? I don’t even know them personally. Minsan, sinabi sa akin ni Ma’am Charo (Santos), ‘yung pagiging in love is also a feeling just like when you’re sad, when you’re happy. So, being in love is a feeling. Kung magaling kang artista, kaya mong i-convey na in love ka sa isang tao, kahit hindi. Makare-relate ‘yung mga babae na inuna muna ang pamilya nila before love. ‘Yun ang ni-represent ko rito. Na papaano naman kung sarili mo muna ang inintindi mo? Papaano kung darating ‘yung panahong nai-entertain mo ‘yung isang bagay na hindi mo akalain na magwo-work?”
Kung biglang nag-shift si Bea sa light comedy-drama, ‘yun ang ibinigay na project sa kanya ng Star Cinema at wala siyang regrets rito.
“It’s all Star Cinema, instrument lang ako. Sila ‘yun, kung walang magandang script, walang magaling na director, kung walang magaling na staff, wala rin ako. It’s all them,” aniya.
Inamin ni Bea na masayang-masaya siya sa lahat nang nangyayari sa buhay niya. Going stronger ang relationship nila ni Zanjoe Marudo. Maging ang showbiz career ng dalaga lalong nagniningning.
“I feel so blessed, wala akong sama ng loob. Siguro lumalabas ‘yun, kung anuman ‘yung blessing na mayroon ako ngayon, parang I’m living the moment. Nakatulong ‘yung pagiging masaya ko sa pelikula. Ako, kaunti lang ang friends ko, hindi ako mabarkada. Dito, nagkaroon ako ng biglang barkada na kung anuman ang mangyari sa pelikulang ito ‘yun ang iti-treasure kong talaga. ‘Yun pa lang blessing na, kumita man o hindi. ‘Yung friendship at experience, blessing na ‘yun,” pahayag ng award-winning actress.
Sa sobrang busy nina Bea at Zanjoe, parang dalawang buwan na silang hindi nagkikita. Katuwiran nito, “Ganu’n talaga, intindido naman namin ang isa’t isa. Pareho pa kaming hindi ma-call so, it’s really the trust ‘yung nagpapa-work sa relationship.”
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield