HINDI NAMAN kailangan ni Bea Alonzo na magmadali at makiuso sa sunud-sunod na mga sikat na artistang magpapakasal ngayon sa showbiz. Una sa lahat, ang karelasyon niyang si Zanjoe Marudo ay hindi pa rin naman nagmamadali na magpakasal. Pareho din kasi nilang nararamdaman na papaganda pa ang nangyayari sa kanilang movie career, kaya hinay-hinay lang sila sa kanilang mga desisyon. Ine-enjoy lang muna nila ang kanilang relasyon.
Kahit naman hindi biglaan ang pagsikat ni Zanjoe, nakukuha na niya ang kanyang marka sa showbiz. Nakapagbibida na siya, at naiaangat na niya ang kanyang pangalan bilang seryosong actor. Marami na kasing aktor sa showbiz ang tumatanda, kaya sa mga kabataan ay may maaasahan naman tayo kay Zanjoe, dahil bukod sa nakaaarte na siya ay matangkad din siya na kailangan talagang taglayin ng isang leading man.
Nitong huli, napatunayan ni Bea na kahit hindi sila ni John Lloyd Cruz ang ka-loveteam niya ay kumikita rin ang kanyang mga pelikula. Sa telebisyon naman, patok ang huli niyang teleserye, ang Sana Bukas Pa Ang Kahapon ng Dreamscapte Entertainment para sa ABS-CBN, dahil kakaibang Bea ang napanood ng publiko. Siya na talaga sa hanay ng mga artista ng Star Magic ang masasabing pumalit sa trono nina Judy Ann Santos at Claudine Barretto sa pagiging reyna ng mga teleserye.
KUNG DATI-RATI ay ang Viva Films ang inaabangan ng publiko sa paggawa nila ng magagandang pelikula, ganu’n din naman ang Regal Films na hindi mo rin matatawaran ang kasipagan sa pagpo-produce ng mga pelikula, ay nababaligtad na talaga ang sitwasyon ngayon. Habang medyo mabagal nang gumawa ng mga pelikula ang Viva at Regal, ang Star Cinema na talaga ang nangunguna ngayon sa pagpoprodyus ng maraming pelikula.
Malaki ang kalamangan ngayon ng Star Cinema sa Viva Films at Regal Films, dahil ang mga sikat na artista ngayon sa showbiz ay nasa bakuran ng Kapamilya network na mga nagbibida nga sa maraming pelikula ng SC. Ang Viva Films ngayon, kokonti na lang ang mga sikat na artistang nakakontrata sa kanila. Ganu’n din naman ang Regal Films, na nang mawala na talaga sa uso ang pagpapasikat ng mga Regal Babies nila ay kailangan talagang manghiram ng mga artistang gagawin nilang bida sa project.
Bongga talaga ngayon ang Star Cinema, dahil halos buwan-buwan ay mayroon silang ipinapalabas na pelikula. Hindi talaga sila mauubusan, dahil ang dami-dami nilang pelikulang natapos na at mga sinisimulan pa. Hindi lang iyan sa dahil patuloy nilang idinaraos ang kanilang ika-20 anibersaryo sa showbiz sa pagpo-prodyus, kundi talagang alam nilang kailangan nilang ipagpatuloy ang pagsasaya ng publikong mahilig manood ng mga pelikula bilang patuloy na aliw ng masa.
ChorBA!
by Melchor Bautista