Bea Alonzo: Dumating na nga ang prinsesa!

The “Bea Alonzo fever is on!”

Pansamantala muna nating patabihin sina Angel Locsin, Kim Chiu, Anne Curtis at maging si Marian Rivera, habang lumalakad sa red carpet si dyaran… Bea Alonzo!

Tiyak na magbibigay-pugay rin sa kanya ang mga prinsesa ng primetime teleserye dahil umabot na sa sukdulan ang tagumpay na inabot ni Bea bilang bagong movie queen via her currently showing na pelikulang And I Love You So! Patuloy rin siyang pinupukol ng mga papuri hindi lamang ng mga ordinaryong movie-goers, kundi ng mga kapwa-artista niya. Papangarapin din nilang magkaroon ng isang project na katulad ng pelikula with no less than Derek Ramsay and Sam Milby as leading men.

Kahit hindi palabas sa SM theatres ang ‘movie of the year,’ aabot naman marahil ito ng isang buwan o mahigit pa dahil sabik ang mga tao sa isang pelikula na gusto nilang ulit-ulitin, iiyakan at mamahalin.

Some six years ago, isang 15-year old ugly duckling ang sinubukang ipareha kay John Lloyd Cruz sa teleseryeng Kay Tagal Kang Hinintay. Bagama’t isang Lorna Tolentino- JLC project ito nag-umpisa, humabol ang ugly duckling when she turned into a lovely princess in the middle of the teleserye which lasted for almost a year. It paved the way for the JLC-Bea tandem which became a love team for the next five years. Sinundan ito ng marami pang JLC-Bea projects tulad ng It Might Be You, Maging Sino Ka Man, Maging Sino Ka Man: Book 2, at ang katatapos lang na I Love Betty La Fea.

Forgettable man sa ngayon ang pagtatambal nila sa pelikula, kahit paano, naghatid naman ito ng Box-Office King and Queen Awards sa kanila mula sa Guillermo Mendoza Foundation Memorial Awards.

Nang mag-hit ang dalawang magkasunod na pagtatambal nina JLC at Sarah Geronimo, kahit paano, nagbigay ito ng hapdi sa puso ni Bea. Ganu’n din nang sundan ito ng project kung saan makakasama pa ni JLC ang Star For All Seasons (Vilma Santos) with Luis Manzano. Akala kasi ni Bea, mapag-iiwanan na siya ni JLC. Alam niya kasing inaakay-akay lang siya ng binata sa bawa’t pelikula o teleseryeng gagawin nila. Kahit paano, gusto rin niyang mapatunayan ang sarili, bilang paghahanda sa muli nilang pagtatambal.

Wala sa hinagap ni Bea na magbabago ang lahat sa pakikipagtambal niya kina Derek at Sam. Thank God! Idinirek ito ni Loren Dyogi na nagbigay-buhay sa isang pelikulang may simpleng titulo, And I Love You So.

Kakaiba ang magic na inilahok sa pelikula. Biglang lundag ng alindog ni Bea at bawat aktres sa ngayon, nangangarap na sana, sa kanila napunta ang role.

“Sobra-sobrang challenge ang hatid ng AILYS! Sobra rin ang ginawa kong paghahanda. Parang make or break talaga. Parang nag-uumpisa ako uli. Naroon ‘yung takot na hindi ko maibigay ang expectations ni Direk Loren. Ngayon lang kami nagkasama at hindi ko alam kung hanggang saan papunta ang role na iyon at hanggang saan ang kakayanin kong gawin. Talagang itinodo ko na. Inilagay ko ang puso ko sa role at dinibdib ko ang role ng isang biyuda na sa edad na 25 pa lamang, nakapagpapalibing na ng asawa, samantalang ang ibang babae ay ikakasal pa lamang at nagsisimula pa lamang ng buhay may-asawa.

“Kung ilalagay n’yo sa lugar ko ang ganu’ng pangyayari, tiyak na mahihirapan din kayo. But with a director like Loren, magpapasalamat kayo nang labis-labis dahil iniaangat ka talaga. Ilalabas niya ang lahat-lahat ng makakaya mo, up to the extent na sasabihin niyang, ‘Tama na muna. Ayoko namang wala nang iba pang maipakikita ka sa mga susunod mo pang pelikula.’” Patuloy niya.

Kahit love scenes ay kinaiingitan din kay Bea. Never has Sam kissed like this before. Marami ngang nagpapa-contest ngayon sa Tv at radio, kung sino ang the best kisser among our big stars. Nariyan sina Piolo Pascual (kay Judy Ann Santos), Richard Gomez (kay Dawn Zuleta), Jericho Rosales (kay Kristine Hermosa), pero inilampaso din sila ni Sam (kay Bea).

Sayang at hindi nabigyan ng chance si Derek na halikan si Bea, ‘pagka’t tulad din ni Sam, papangarapin din siya ng mga anak ni Eba. Baka nga, higit pa. Kapag nagkataon, hindi na hahangaan si Bea ng kapwa niya babae, kundi kaiinggitan at kamumuhian pa.

Bea has rally arrived as a star and an actress. Matagal-tagal din niyang nanamnamin ang tagumapy na ibinigay sa kanya ng mga pangyayari.

“I’m proud of her,” mula rin kay JLC. “I’m so proud talaga. I can’t wait till we work together again. Ibang klase na si Bea ngayon. Ibang level na. Maraming moments niya na gustung-gusto ko roon. ‘Yung naglalasing siya at nagde-deliver ng linya. Para sa akin, iyon na ang kabuuan ng isang Bea Alonzo. Iyon ang crowning glory niya.”

Ngayon lang nagbigay ng ganoong klaseng papuri si JLC kay Bea. Sa tinagal-tagal nilang pagtatambal, ngayon din niya na-discover nang tuluyan ang dalaga. Maramdaman na rin kaya niyang mahal pala niya ang dalaga, after all?

by Chit Ramos

Previous articlePulot-Buro
Next articleKim Chiu: Pakaway-kaway lang, big star na!

No posts to display