ILANG TAON NA rin bago nagbalik-tambalan sina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo sa latest film nilang Miss You Like Crazy. This time, marami silang na-discover sa isa’t isa. Sobra nga raw nilang na-miss ang isa’t isa sa muli nilang pagsasama.
“Ang dami kong natutunan kay Lloydie. Ang dami uling experience na nakuha ko, napulot ko sa kanya. Na-miss ko ‘yung pagbibiruan namin, ganu’n pa rin siya magbiro hanggang ngayon. At saka na-discover ko ‘yung katawan niya, gumanda, at saka ‘yung pagiging open niya sa mga tao. Ngayong ko lang siya nakitang sobrang kumportable. Dati kasi, mahiyaan ‘yan pero ngayon hindi na siya nahihiya,” say ni Bea.
“Ang tagal kong inabangan na muli kaming magkasama ni Bea, hindi lang sa big screen maging sa likod ng kamera. Kasi, kapag ang dalawang artista nagkakahiwalay pansamantala, tumatamlay ‘yung closeness ninyo. Ngayon, muling nanumbalik ‘yung pagiging malapit namin kaya masayang-masaya ako,” sundot naman ni John Lloyd.
Saludo si Direk Cathy Garcia-Molina sa husay at galing na ipinamalas ni Bea sa mga eksena nila ni Lloydie. “I was surprised how great actress she is, napabilib niya ako. Natutuwa ako dahil ang galing-galing niya,” papuring turan ni Direk.
Maging sa kissing scene at love scene nina Bea at John Lloyd walang kaarte-arte ang dalaga. “Two nights namin siyang kinunan. Actually, itong dalawa, tense na tense, laging tinatanong kung papaano ko gagawin ‘yung love scene nila. Definitely, kailangan nating umakyat from One More Chance. Naiibang klaseng love scene ito, ibang conversion din ng love scene especially fire and passion. Kakaiba, natakot din ako kung hanggang saan kayang magbigay sina Bea at Lloydie.
“In fact, I’m just asking them, okey lang ba? Naisip ko, I might be asking too much from them. I’m happy, they trust me enough… each other enough… and I’m so happy na sobrang kumportable sila sa isa’t isa kaya hindi ako nahirapang kunan ‘yung eksena. They were able to make it without hesitation and apprehension so, magandang lumabas ‘yung love scene nila,” pagkukuwento ni Direk Cathy.
Comment nina Lloydie at Bea sa kanilang kisssing scene at love scene, how do they rate it from 1 to 10? “Ako ang first kiss ni Bea, malaking bagay ‘yun kaya 10 po ako. Napanaginipan ko nga ‘yun scene namin kasi paulit-ulit. Pagulong-gulong kami ni Bea sa sahig at sa sahig na kami natulog. Sinusubakan naming makapagbigay-ligaya sa inyong lahat. Yes, ligaya is the term, ‘yun. I hope after this movie, balik-TV uli ako,” say ng actor.
“Naramdaman ko, ten nga siguro. Kasi naman ‘yun ang intensiyon, maging makatotohanan ‘yung scene namin ni Lloydie na kailangang maramdaman,” wika ng magaling na actress.
Sikreto nina Bea at Lloydie as a loveteam? “’Yun nga, it’s the chemistry that we have, it’s the sincerity of the team-up. Hindi namin dinidis-ilusiyon ang mga tao, what you see is what you get. We were able to keep that intact. ‘Yung values na mayroon kami, ‘yung team-up namin hindi nawala, hindi nag-fade kahit for a time na hindi kami nagkasama. Kami bilang tao, hindi bilang artista, poprotektahan namin ‘yun. Kasi, ‘yun ang pinakaimportanteng bagay na mayroon kami bilang team-up,” sagot ni John Lloyd.
Puwede namang maging sila, bakit hindi puwedeng ma-in love sina Bea at Loydie sa isa’t isa? “Kahit ano pang paliwanag ang gawin namin, when love happens to two people, wala tayong magagawa. In our case, siguro hindi pa siya nangyayari or hindi siya nangyari. Hindi namin idi-deny ‘yun, kapag nangyari ‘yun malalaman ninyo, mararamdaman ninyo. “’Yun po ang pinaka-honest na maibibigay ko,” paliwanag ng binata.
“Siguro marami lang bagay sa mundo na hindi dapat ipilit at hindi naipipilit. In our case, hindi namin kailangang ipilit maging kami, kung talagang nangyayari at hindi nabibigyan ng situwasyon ng mararamdaman namin,” say naman ni Bea.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield