USONG-USO NA NAMAN ang pag-oober da bakod ng mga sikat na artista sa ibang TV stations, dahil isang sitsit ang natanggap namin mula sa aming source na kumpirmadong lilipat daw ng GMA-7 ang sikat na young star na si Bea Alonzo. After daw kasi ng primetime soap nito sa Kapamilya Network na Guns and Roses with Robin Padilla, wala pang kasunod itong proyekto sa naturang malaking TV network.
Tsika pa ng aming source, hindi raw totoo ang napabalitang tsismis na sa TV5 lilipat si Bea, dahil sa GMA-7 daw nakikipag-negotiate ang kampo ni Bea para sa posibleng trabahong gagawin nito sa Kapuso Network.
Dagdag pa nito na nakarating din daw sa kanya na hindi na pumirma ng panibagong kontrata si Bea sa ABS-CBN, kaya naman daw libreng-libre itong lumipat sa ibang TV network. Gusto lang daw kasi ni Bea na subukan namang mag-trabaho sa ibang istasyon at ang ang maging Kapuso talent daw ang pinili nito. ‘Yun na.
MUKHANG MAGIGING CONTROVERSIAL na naman ang grupong Wonder Gays na pinamamahalaan ng kaibigang Lito de Guzman, dahil sa nalalapit nitong concert sa Oct. 18 sa Zirkoh Morato ay may segment ang mga itong Blind Item na halaw sa kanilang hit song ng mga lalaking showbiz personality na pinaghihinalaang bading.
Ito raw ang isa sa mga segment na talaga namang dapat abangan ng mga manonood para malaman kung sinu-sinong mga lalaking TV personality ang nakapasok sa line up nila ng mga naba-blind item na bading.
Abangan din daw ang kanilang sexy numbers kasama ang mga hunk na sina Polo Ravales, Baron Geisler, Ahron Villena, Frank Garcia, Kris Lawrence at ang patalbugan nila ng mga production numbers ng Mocha Girls. ‘Yun na!
“ANG MAKATULONG SA kapwa tao!” Ito ang tanging nais ni Mr. Danny Cosico, ang founder at pa-ngulo ng Kalinganan Inc., na nag-selebra ng 1st anniversary last Sept. 25, isang non-profit na organisasyon na ang adhikain ay tumulong sa mga batang kapus-palad na nais na makapagtapos ng pag- aaral. Sa kasalukuyan, ito ay merong higit sa 100 miyembro, at patuloy pang dumarami.
Ilan sa proyekto ng Kalinganan, Inc. ay ang Hunk of the Decade 2011, Feeding Program, Giving School Supplies para sa mga batang kapus-palad sa Brgy. Sto. Niño, Cainta, Rizal at Scholarship Program na ipinamahagi sa 60 kabataang nagnanais makapag-aral at isang Tree Planting.
At sa mga nagnanais maging bahagi ng organisasyong ito, makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sa Lot 4, Blk. 41, Zonta Village, 3-A San Isidro, Antipolo, Rizal o tumawag sa numerong 4668310.
AYAW RAW MAKIPAGKUMPITENSIYA ng child wonder na si Jillian Ward sa mga nagsusulputang child star ng GMA-7, dahil pare-pareho lang naman daw silang artista ng GMA-7.
Bida pa nito na pare-pareho naman daw silang magagaling kaya naman gusto nitong makatrabaho ang mga ito sa mga shows ng GMA-7. Tsika pa nito na hindi naman daw siya nawawalan ng shows sa GMA-7 at may pelikula pa raw siya.
Kung saan siya ang bida sa pinakabagong primetime soap ng GMA-7, ang Daldalita, na magsisimula nang mapanood sa Oct. 17 bago mag-24 Oras. Makakasama nito sina Manilyn Reynes, Ogie Alcasid, Elmo Magalona, Julie Anne San Jose , Isabel Oli, Marc Abaya at Donna Cruz sa direksiyon ni Don Michael Perez.
John’s Point
by John Fontanilla