INUULAN DAW NG hate mails, tweets, at FB messages mula sa avid fans ng loveteam nina Bea Binene at Jake Vargas ang pinakabagong dagdag sa lumalaking cast ng Tween Hearts, na si Rhen Escaño.
Si Rhen kasi, bilang Lucy sa TH ang ka-love triangle nina Bea at Jake, kaya naman daw ‘di mabi-blame ni Rhen kung bakit ganu’n na lang ang reaksiyon ng mga supporters ng Jabea (Jake and Bea).
Tsika nga ni Rhen, ‘wag daw mag-alala ang mga fans nina Jake at Bea, at wala naman daw siyang balak na agawin ang singer/actor kay Bea. Purely pang-TV at trabaho lang daw ang sweetness nito sa binata, dahil na rin sa role na kanilang ginagampanan.
NAKAKAAWA SI ARNELL Ignacio dahil mukhang nagka-trauma na ito sa ‘di magandang karanasan sa tatlong pulis na umano’y nangotong sa kanya ng 50k at ngayon ay kanyang sinampahan ng iba’t ibang demanda.
Ayon kay Arnell, nang makasama namin sa birthday celebration cum charity benefit gig for cancer patients ng mabait at magaling na director na si Cesar Apolinario na ginanap sa Mesa Hall, Fort Bonifacio, Taguig City, na halos araw-araw daw ay dinadalaw siya ng ‘di magagandang panaginip. Katulad ng may isang itim na anino na lagi niyang napapanaginipan na gusto siyang patayin, simula nang masangkot siya sa nasabing kaso.
Papa’no nga naman daw na hindi siya mananaginip, halos araw-araw raw na ginawa ng Diyos ay may hearing sila ng tatlong pulis, dagdag pa daw ang dami ng death threats na natatanggap niya. Hindi rin siya puwedeng lumabas nang hindi kasama ang kanyang bodyguard kaya naman daw feeling nito ay hindi na talaga normal ang kanyang buhay.
Dinadaan na lang nga daw sa tawa ni Arnell ang pinagdaraanan sa buhay. Ang mga taong sumusuporta sa kanya at walang sawang pumupunta sa hearing ang nagpapalakas ng loob nito para lumaban at ‘wag sumuko sa laban sa tatlong pulis.
NAGKAROON NG THANKS giving party ang aming kaibigan at kontrobersyal manager na si Lito De Guzman sa kanyang 43rd birthday at re-launching ng grupong Wonder Gays na ginanap sa Fards Chicken Inasal Restaurant sa Imus, Cavite.
Kuwento ni Lito, malaki raw ang pasasalamat niya sa Poong Maykapal, dahil buhay pa siya at nakaligtas sa bingit ng kamatayan nang ma-holdap siya.
At dahil likas nga kay Lito ang pagtulong, anim na talented gays ang kanyang binigyan ng recording album, ang Wonder Gays na kinabibilangan nina Blue, Pink, White, Green, Gray at Black, at umawit ng sikat na sikat na ‘Blind Item’ na napapakinggan sa mga talk shows sa radio o telebisyon na may blind item segment.
Idinagdag pa nito na nakitaan niya ng potensiyal na makilala sa showbiz ang Wonder Gays, kaya naman daw hindi siya nagdalawang-isip na sugalan ang mga ito at bigyan ng sariling album.
John’s Point
by John Fontanilla